By: Louise Meets
Natapos ang lahat
Niyakap kita
At sinabing kidlat
Alam ko ako ay kulog
At pilit man kitang habulin hindi tayo mag aabot
Tumawa ka lang, hindi pinansin ang mga palad kong naninigas sa pagmamakaawa
Ang mga labing pinapula ko lamang sa pag-asang ako ay iyong mahahalikan
Tumawa ka lang ng subukan kitang kalimutan
Sinanay ang sarili sa lamig, sa hindi.
Sinaulo ang bawat liko sa hindi mo sa'king pagpili
Ang bawat lubak ng pabago bago mong isipan
Kabisado ko ang daan, ilang beses kong tinahak, ilang beses ginawang hele ang dahan dahang pagbitak ng sarili kong puso
Ilang beses nalunod sa karagatan ng "ako nalang". Ilang beses sumuko, sinabing huli na, hindi na mauulit.
Ilang beses bumalik, sanay ako sa lamig pero naaalala ko pa rin ang init. Ang uri ng pag-ibig na sumasabog paloob
Ang ugong na nag uunahan nating mga puso
Ang mga tibok na bagong pag aalay
Ang bawat haplos ay pagsamo
Natuto ang mga palad kong bumukas ng kusa
Bigay. Bitaw. At hindi pa rin malinaw paano ang lahat ay naging hindi sapat
Hindi ba't sabi mo ako ang tanging kailangan, ang kanlungan ng mga multong hindi na kayang mahalin
Naaalala ko ang mga gabing hindi ako makatulog
Ang aking puso dahan dahang gumagapang paaakyat ng 'yong kama
Na nagpupumilit sumiksik sa pagitan niyong dalawa
Alam ba niya ang mga kantang paulit-ulit mong pinapakinggan sa t'wing nagwawala ang tinatago mong dilim
Alam ba niya na sa akin ka lumalapit para ilibing ang mga bahagi na ayaw niyang tanggapin
Alam niya ba na pag kayo'y magkayakap, mundo ko ang kanyang hawak
Lahat ng pinangarap ko para sa atin,
Sinubukan kitang kalimutan, pero ang hirap tanggapin ng pagiging dayuhan ng isang katawan na dati ay tinawag kong akin
Sinubukan kitang kalimutan,
Sinusubukan kitang kalimutan,
At siguro hanggang subok nalang ako.