Chapter 18

15.8K 546 62
                                    

Kanina pa gustong tanungin ni Caloy ang kaibigan ni Ian na si Sidney kung may problema ito sa kanya. Kanina pa kasi panay ang pailalalim na pang-oobserba nito sa kanya at tila walang pakialam kung maiilang siya. Ang mga tingin pa nito ay mula ulo hanggang paa. Hindi niya pinapansin ang babae at nanatiling tahimik lang na nakatayo nang tuwid katabi nito.

Kasalukuyan silang nasa isang institusyon na nangangalaga sa mga batang may cancer. May Charity Event na ginaganap sa naturang institusyon. Ang boss niyang si Ian at ang business tycoon na si Andrew Buenavista ang mga pangunahing sponsors. Noong isang araw ay nag-organize ng fundraising event ang dalawa upang makakalap nang malaking pundo pang donasyon sa mga batang may cancer.

Ang fundraising na iyon ay isang fun run. Maraming mga malalaking tao sa gobyerno at mga celebrities ang sumali at lumahok.
Kahit siya ay nakisali at nag-donate pero hindi niya ipinaalam kay Ian. Hindi rin ito maniniwala na nag-donate siya ng isang milyon dahil ang alam nito, balikbayan nga raw siya na naging pobreng kargador sa Quiapo.

Nandoon din ang ibang mga kaibigan ni Ian at nakikisali sa event. Iyong maganda at tahimik na kaibigan lang ng mga ito ang wala, Resha yata ang pangalan. Nandoon daw ito sa Amerika kasama ang asawa at ang anak na may cancer upang magpagamot. Hindi raw basta-basta ang sakit na cancer. Mabuti na lang daw at mayaman ang kapatid ni Diego na si David, na asawa ni Resha dahil may pampagamot ito sa anak.

Kaya naisipan na magpa fundraising ni Ian dahil doon. Naaawa raw ito sa mga batang hindi kayang tustusan ang pagpapagamot sa isang malubhang sakit. May itinatago din palang kabutihan sa kapwa ang amo niya kahit hindi halata. Matapobre kasi ang tingin niya rito dahil iyon ang ipinapakita nito.
Pinagmamasdan niya si Ian habang karga-karga ang isang batang kalbo at may suot na mask sa mukha. Tuwang-tuwa ito habang nilalaro ang bata. Hindi rin niya inakala na magiliw ito sa mga bata. Para kasing wala sa karakter ng babae.



"Mabait 'yan kahit medyo luka-luka."


Napatingin siya kay Sidney hindi dahil sa sinabi nito kundi dahil bigla itong nagsasalitang mag-isa. Nakasandal ito sa dingding habang nakahalukipkip na nakatingala sa kanya. Nasurpresa siya at siya pala mismo ang kausap nito, akala niya'y kausap nito ang sarili. Hindi katangkarang babae si Sidney, mga kalebel ng balikat niya kaya nakatingala ito habang kinakausap siya.

Medyo weird tumingin si Sidney, hindi niya matukoy kung galit o ano. Hindi rin niya matukoy kung nagbibiro ito sa sinabi o ganoon talaga ito magsalita. Hindi pa naman siya eksperto sa pagbabasa ng ugali ng mga babae. Hindi na lang siya kumibo at ibinalik ang tingin kay Ian.

"Gusto kita."

Nanindig ang mga balahibo niya sa batok dahil sa narinig. Hindi niya magawang tingnan uli si Sidney dahil sa sinabi nito. Tama ba ang pagkakarinig niya? Gusto raw siya?


Damn, this woman is creeping me out like hell!

Napakislot siya nang hampasin nito nang malakas ang balikat niya. Nasapo niya ang kanyang balikat, ang sakit nitong manapak! Mabigat ang kamay nito para sa isang ordinaryong babae. Mas malakas pa itong manapak kay Kelly! Palibhasa ay bodyguard din daw ito ni Andrew kaya malamang sanay ito makipagsapakan.

Namaywang ito sa harapan niya. "Hoy, huwag kang OA! Akala mo ba'y hindi ko nabasa reaction mo kanina? Hindi kita type, okay? Gusto kita para kay Ian. Bagay kayo. Feeling ko rin ay mapo-protektahan mo siya nang mabuti. Makakatulog na rin ako sa wakas tuwing gabi dahil nandiyan ka at alam kong hindi mo siya pababayaan!"

Lost And FoundTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon