"Dalton Domingo! Bumalik ka dito ngayon din!"
Lumabas ang isang umaapoy sa galit na guro habang sinisigawan ang isang lalaking nasa dulo ng hallway na may mapaglarong ngiti habang kinakawayan ang guro. Pagkatapos ay bigla nalang siyang kumaripas ng takbo at lumiko sa ibaba ng hagdan na patungo sa ikatlong palapag.
"Nice! Napasigaw mo si Miss Mahinhin kaya heto," sabi ng kanyang kapwa-estudyante at naglabas ng limang-daang piso mula sa kanyang bulsa at binigay ito sa lalaking nagngangalang Dalton.
"Sus, ako pa! Pa'no ba 'yan, mauna na ako sa'yo." Napangisi siyang nilagay ang pera sa kanyang bulsa at naglakad na palayo.
Siya si Dalton Domingo, ang tinataguriang "The Mischievous Student" sa kanilang eskwelahan. Kumbaga, blacklisted siya sa mga listahan ng mga guro. Kinatatakutan rin siyang pagtripan o baka may mabiktima siya kaya halos walang nakikipaglaban sa kanya.
Pumasok lang siya ulit sa kanyang classroom na para bang walang nangyari. Katulad sa ibang mga classroom, maingay at magulo rin ang kanilang classroom. Wala kasing gurong pumasok kaya nagsisiyahan ang kanyang mga kaklase.
"Hoy Domingo! Sa'n ka na naman galing?" Agad siyang nilapitan ng kanilang class president na may kunot ang noo at nakakrus ang mga braso sa tapat ng kanyang dibdib.
"Miss President! Sobra naman 'yan. Hindi ba pwedeng dahan-dahan lang muna tayo? Hindi pa kasi kita sinagot," biro niya na may pares na ngiti niya. Ngiting mapaglaro.
"Ah ganon?" Agad na tinaas ng class president ang kanyang mga manggas at handa nang susuntukin si Dalton pero agad naman itong napatayo at lumayo sa galit na kaklase. "Gusto mong makatikim ng suntok?"
"Teka lang, chill! Hindi lahat madadaan sa karahasan," sabi ni Dalton habang naka-shield ang kanyang mga kamay sa babae. "Gusto mo talagang malaman kung nasaan ako galing?"
"Sa susunod, umayos ka kundi isusumbong kita kay Ma'am Mahinhin," pagbabanta ng kanilang class president at naglakad na patungo sa kanyang upuan.
"Huwag kang mag-alala dahil hindi mo na kailangang magsumbong," mahinang sabi ni Dalton sa kanyang sarili habang nakatingin sa pintuan ng kanilang classroom. "Dahil may paparating na galit na toro in 3... 2... 1."
"Nasaan si Dalton Domingo?!"
Napangisi lang si Dalton at tumayo. Napatahimik ang kanyang mga kaklase nang marinig nila ang kanilang adviser na umaapoy na sa galit habang ang estudyanteng sangkot naman dito ay ubod parin ng yabang at nakadikit ang mapaglarong ngiti sa kanyang mukha.
Pinapatawag si Dalton sa Principal's Office at doon pina-council na silang dalawa lang ng principal na si Principal Kingsley Marion.
Pinagmasdan ng principal si Dalton mula ulo hanggang paa hanggang sa pinaupo na siya."Pang-ilang beses mo na bang pabalik-balik dito? Ikasampu? Dalawampu? Isang daan?" Inis na tanong ni Principal Marion sa estudyanteng nakasandal lang sa upuan at wala mang bahid ng guilt sa kanyang mukha. "Ano na naman ang ginawa mo Dalton? Akala mo bang kahit hindi ako ang tunay na magulang mo, hindi na ako magagalit sa mga pinagagagawa mong hindi mabuti?"
Unti-unting nawala ang ngiti ni Dalton at sumeryoso na siyang tumingin sa punong-guro. "Sa mga ginagawa mo, pinapapahiya mo lang ang tatay mo! Bakit mo ba ginagawa 'to? Pagpapapansin upang bumalik ang nanay mo?"
"Tama na..."
"Ano, nasa'n na ang tapang mo? Talagang umaatras ka kapag isasali ko ang nanay mo sa usapan?"
"SABI NANG TAMA NA!"
Binagsak ni Dalton ang kanyang mga kamay sa ibabaw ng mesa ni Principal Marion at galit na sumigaw sa harapan niya. Ngunit hindi natinag ang ekspresyon ng punong-guro.
"Kahit magalit ka pa sa'kin, huwag mong isasali ang nanay ko sa usapan dahil wala siyang kinalaman dito."
Bago pa man makapagsalita ang principal ay agad na umalis si Dalton at padabog na sinara ang pinto ng kanyang opisina. Imbis na bumalik sa classroom, may isang lugar pa siyang nais na puntahan dahil maliban sa mapayapa doon ay mahangin pa at maganda ang tanawin.
Umakyat siya sa staircase hanggang sa nakarating siya sa rooftop kung saan siya tumatambay kapag siya ay malungkot o nagagalit.
Pinasok niya ang kanyang mga kamay sa bulsa at dinama ang simoy ng hangin. Mula dito, makikita mo ang tanawin ng kalahati sa komunidad maski ang malapit na subdivision.
"Balang araw, makikita rin kita."
Ang mga salitang binanggit niya ay binubulong nalang niya sa hangin. Kung noon, madalas siyang humihiling na makikita niya ulit ang kanyang nanay pero ngayon ay hindi na siya umaasa.
Ang kanyang pag-asang makikita ulit ang kanyang nanay ay parang isang lobo, habang tumatagal ay lumiliit hanggang sa mawalan ng hangin. Napabuntong-hininga siya, at pinagmasdan ang mundong nasa ibaba niya.
Nang tumunog na ang maingay na school bell ay agad na siyang bumalik sa kanyang classroom. Hindi na siyang nag-abalang pumunta sa canteen upang kumain ng tanghalian. Mag-isa lang siya sa loob ng classroom, nakaupo sa kanyang upuan habang nakaharap sa pisara.
Binalot ang buong kwarto ng katahimikan. Kaagad ding lumipas ito nang biglang may dumaan ng mga grupo ng estudyante na nag-iingay sa hallway. Sumilip sila sa nakabukas na pinto at nang nakita nila si Dalton ay tinawag nila ito.
"Dalton! Mag-isa ka lang?" biro ng estudyanteng may kulay ang buhok.
"Sali ka naman sa'min!" dagdag ng kanyang kasama na napuno na ang kaliwang tainga ng mga piercings.
Napangiti si Dalton. "Pass muna ako. Tinatamad ako e."
"Sige, sabi mo e."
Agad namang umalis ang mga estudyante kaya mag-isa na naman si Dalton. Napabuntong-hininga lang siya habang nilalaro ang hawak-hawak niyang ballpen sa paglikha ng tunog sa ibabaw ng kanyang desk.
***
Nang matapos na ang klase ay agad nang umalis sa eskwelahan si Dalton at dumaan sa isang conveniece store sa dulo ng kanto. Hindi na niya kailangang mag-isip o mamili kung ano ang bibilhin dahil halos kabisado na niya ang mga iba't ibang tinda ng tindahan. Instant noodles at isang bote ng mineral water lang ang kanyang binili.
Matapos niya itong bayaran sa counter ay nilagyan na niya ng mainit na tubig ang noodles at inantay na maluto ito hanggang sa kinain na niya habang mainit pa. Habang kumain, pinagmasdan lang niya ang mga taong dumaan sa convenience store.
Nang matapos na siyang kumain, uminom na siya ng tubig at agad na umalis upang umuwi na sa kanyang tinutuluyan. Mga tatlong bloke pa ang madadaanan niya bago siya makarating sa bahay na tinutuluyan niya.
"Tamang-tama lang ang dating mo."
Pagpasok niya sa bahay ay sinalubong na agad siya ni Principal Marion. Sa bahay niya kasi si Dalton nakitira dahil sa mga problema ng kanyang pamilya.
"Kakatapos ko lang magluto ng hapunan. Magbihis ka na at pagkatapos ay kumain ka na kasama ko," nakangiting sabi ng punung-guro.
"Nauna na po akong kumain sa labas. Tsaka po, pagod po ako. Mauna na po ako."
Agad na umakyat si Dalton sa taas upang pumunta sa kanyang kwarto. Napabuntong-hininga lang si Principal Marion at malungkot na pumunta sa hapag-kainan kung saan siya lang mag-isang kumakain.
-^-
BINABASA MO ANG
How Can I Say...
Short Story"They may be different, but there's something in common between them if you just look closely." Si Micaella de la Torre ay isang babaeng galing sa isang maykayang pamilya. Nasa kanya na ang halos lahat, pero may isang bagay ang wala sa kanya: Ang ka...