Chapter 4: Are We Friends?

19 2 0
                                    

"Ano ang sinabi niyo?"

Mas mabuting magtanong ulit kaysa sa namali ang pandinig. Gulat na gulat si Dalton sa pinapagawa sa kanya ng taong nag-aalaga sa kanya simula nung naulila siya sa mga magulang.

"Ikaw ang inaatasan kong mag-alaga kay Micaella dito. Ito ang request ng kanyang ina upang hindi siya mapahamak at may magbabantay sa kanya," sabi ni Principal Marion.

Maski si Mica ay nagulat. Hindi rin niya inaasahan ang sinabi ng punung-guro, maski ang ginawang request ng kanyang ina.

"Mas gugustuhin ko pang maglinis ng ilang classroom ng mag-isa kaysa magbantay sa kanya," sagot ni Dalton. "Ano ang tingin niyo sa'kin, isang babysitter?"

Baby ba ako? Sa mga sinasabi ni Dalton ay biglang nawala ang gulat ni Mica at agad itong napalitan ng galit at gusto niyang upakan ang binata.

"Ikaw lang ang kilala ko dito na mapagkakatiwalaan ko," sabi ni Principal Marion kay Dalton. "Alam kong hindi mo sasaktan o ipapahamak si Micaella. Kaya ikaw lang ang ipapagawa ang task na ito."

"Hindi niyo ako kilala. Paano kung sasaktan ko siya? Ipapahamak? Papabayaan? Hindi niyo alam ang maaari kong gawin sa kanya."

Nagkaroon ng matinding tensyon sa buong opisina. Si Mica, na pinagmasdan lang sila ay hindi rin maiwasang maramdaman ang tensyon at halos mabingi na siya sa katahimkang bumabalot sa opisina, sa agad namang binasag ni Principal Marion.

"I'll give you allowance," sabi niya. "Kung may saktong ipon ka na, pwede ka nang umalis at hanapin ang gusto mong makita mula noon."

Medyo napalambot si Dalton dahil doon. "Minsan mo na akong napauto dahil d'yan. Akala niyo bang mauutakan na naman ako sa ganyan?"

"This time, it's serious." Napasalita tuloy ng ingles ang punung-guro upang ipatunay na seryoso siya. "I'll give you money every day, except kung magsusumbong sa akin si Micaella na hindi mo siya binabantayan. Besides, magkaklase naman kayo kaya walang problema sa'yo, hindi ba?"

***

Tinanggap na ni Dalton ang task na binigay sa kanya ni Principal Marion kaya tuloy, pinalipat siya ng upuan sa tabi ni Mica. Kaya napagitna tuloy ang dalaga sa pagitan nila Frank.

"Hey bro," nakangiting bati ni Frank kay Dalton pero hindi niya ito pinansin at napatulog ulit sa kanyang desk. Pero mukhang wala lang naman ito kay Frank.

Lumipas rin ang oras hanggang sa matapos na ang buong araw pero tulog pa rin si Dalton. Nang magsitayuan na at labasan ang kanilang mga kaklase ay hindi pa rin gumagalaw sa kanyang pwesto si Dalton.

Tumayo na rin si Frank at sinuot ang kanyang backpack. "Hindi ka pa ba uuwi Mica?"

Tinuro niya si Dalton na naintindihan naman agad ng binata. "O sige. Mauna na ako."

Pag-alis ni Frank ay agad na niyugyog ni Mica si Dalton upang magising. Paglipas ng tatlong minuto ay nagising na rin si Dalton at nakita ang naiinis na mukha ni Mica.

"Uwian na pala? Salamat nga pala sa paggising," sabi ni Dalton saka tumayo na at sinabit ang halos walang laman na bag sa kanyang kaliwang balikat.

Sumunod naman si Mica sa kanya at sabay silang lumabas sa classroom at naglakad sa hallway. May mga nakasabay silang mga estudyante kaya medyo nahihiya si Mica sa kanyang paligid.

Bumaba na sila hanggang sa makalabas ng building. Nang makita ni Dalton na nakasunod ang dalaga sa kanya ay sinadya niyang maglakad ng mabilis pero tumakbo naman agad si Mica patungo sa kanya hanggang sa makalabas sila ng gate ng campus.

How Can I Say...Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon