Chapter 10: Unexpected

10 1 0
                                    

Nakakita si Mica ng isang vision. Vision na hindi niya alam kung ano ang ibig sabihin nito. Isang vision na puno ng takot at pangamba.

Naririnig niya lang ay ang mga sigaw ng mga taong nasa paligid niya. Hindi lang basta sigaw, mga sigaw ng takot ika nga. Nakakatakot pakinggan.

"Dal...ton..."

Nang minulat na ni Mica ang kanyang mga mata, agad niyang nakita si Dalton na nagbabantay sa kanya. Agad itong lumapit sa dalaga at tinanong kung ayos na ba ang kanyang pakiramdam, at tumango naman ito.

Nasa silid na ang kanilang mga gamit kaya nagpaalam na si Dalton sa nurse na mauna na sila. Paglabas nila sa school clinic ay wala nang mga estudyanteng tumatambay sa mga hallways. Tanging naririnig lang nila ang kanilang mga footsteps.

"Hindi ba pupunta pa ako sa inyo?" Biglang naitanong ni Dalton habang naglalakad sila palabas ng campus gate. Tumango si Mica.

Hindi muna sila naglakad patungo sa subdivision at sumakay na ng traysikel dahil papalubog na ang araw. Sa buong biyahe, pinagmasdan lang ni Dalton si Mica na seryosong nakatingin sa labas ng traysikel.

Ano kaya ang iniisip niya ngayon?

Nang makarating sila sa kanilang destinasyon, nagbayad na sila ng pamasahe sa drayber at pinindot naman no Mica ang doorbell. Ilang segundo ang lumipas ay bumukas na ito at ipinakita si Katrina.

"Nandito ka na pala Mica." Nakangiti lang si Katrina pero bigla rin itong naglaho nang makitang may kasama ito. "At sino ka naman?"

"Ah, ako nga pala si Dalton," at nilahad ni Dalton ang kamay sa dalaga. Agad din naman itong nakipagkamay sa kanya. "Katrina. Nice to meet you, Dalton. Pasok kayo."

Manghang-mangha si Dalton sa laki ng bahay ng kanyang kaibigan. Hindi na nakakapagtataka kung mayaman ba si Mica dahil nasa harap na niya ang ebidensya. May garden sa harap ng gate at sa gilid naman ay may maliit na swimming pool.

Dumiretcho silang tatlo sa kusina kung saan nila nakita si Manang Roselita na kasalukuyang naghahanda ng hapunan. Bigla naman niyang nakita ang tatlong bata kaya agad niyang nilinis ang kanyang kamay sa kanyang suot na apron.

"Nandito ka na pala Ma'am Mica," nakangiting sabi nito. "At sino naman itong lalaking kasama mo? Kaibigan mo ba siya?"

H-hindi maaari--

"Ma, siya si Dalton. Kaibigan ni Mica," pagpapakilala ni Katrina sa binatang nakatulala pa rin ngayon.

Tila may kuryenteng dumaloy sa katawan ni Manang Roselita nang marinig ang pangalan na 'Dalton'. Hindi kaya ito na si Dalton? Pinagmasdan lang ni Mica ang dalawa, habang papalapit si kasambahay sa bisita na may luha sa kanyang mga mata.

"Ikaw na ba 'yan Dalton?" Naluluhang tanong ni Manang habang hinahaplos ang mukha ng kanyang anak.

"Ano bang nangyayari sa kanila?" tanong naman ito ni Katrina kay Mica pero hindi ito sumenyas.

"Mama..." naluluha na rin si Dalton.

"Mama?!" Hindi makapaniwala si Katrina sa narinig. "Anong sinasabi mo Dalton? Mama mo si Mama?"

Pakiramdam ni Dalton ay nanigas siya sa kanyang pwesto. Biglang nawala ang kanyang boses sa pagkabigla niya sa mga pangyayari. Ang babaeng matagal na niyang hinahanap at minamahal...nandito na sa kanyang harapan.

Sa pagtapak pa lang ni Manang Roselita papalapit kay Dalton ay napaatras ito at agad na tumakbo paalis. Agad naman itong sinundan ni Mica na agad na pinigilan ni Katrina.

"May nililihim ba kayong dalawa sa akin?" Nagsimula na ring lumuha si Katrina. "Sino ba si Dalton? Kapatid ko ba siya?"

***

Hindi alam ni Dalton kung saan na siya dinala ng kanyang mga paa. Takbo lang siya nang takbo hanggang sa bumagsak ang kanyang sarili sa lupa at hindi na bumangon.

Mag-isa lang siya sa madilim at malamig na kalsada. Doon niya binuhos ang lahat ng kanyang itinatagong emosyon. Umiyak lang siya nang umiyak, hanggang sa pakiramdam niyang unti-unti nang gumagaan ang kanyang pakiramdam.

"B-Bakit palagi nalang ako ganito..."

***

Mag-isang nakahiga si Mica sa kanyang kama. Mag-aala-una na ng madaling araw pero hindi pa rin siya dinadalaw ng antok. Nakipagtitigan pa rin siya sa kisame habang hinahayaan lang ang kanyang mga inisip na dumaloy na parang isang ilog. Hanggang ngayon, inaalala pa rin niya ang mga nangyayari ngayon.

"Bakit hindi niyo sinabi sa'kin!?"

Naririnig pa rin niya ang boses ni Katrina sa kanyang isipan. Si Dalton, hindi niya alam kung nasaan siya.

Kasalanan ko ba ang lahat?

Nagsimula na siyang lumuha.

Kailan ba magiging maayos ang lahat?

***

Kinabukasan, maagang pumasok si Mica sa eskwelahan. Pagtapak niya sa loob ng kanilang classroom ay walang katao-tao. Pumunta lang siya sa kanyang upuan at doon naghintay na pumasok si Dalton. Isa-isang nagsidatingan ang kanyang mga kaklase, maski si Frank ay nakarating na. Pero ni anino ni Dalton ay hindi nagpakita.

"Kamusta ka na? Maayos na ba ang pakiramdam mo?"

Napalingon siya kay Frank. Tumango naman ito sa kanya.

Napangiti si Frank. "Mabuti naman kung gano'n."

Pero kahit na mabuti na ang kanyang pakiramdam, hindi pa rin siya makapakali lalo na't dumating na ang kanilang subject teacher pero wala pa rin si Dalton. Hanggang sa dumating na ang lunch break, wala pa rin siya.

Nagsialisan na ang kanyang mga kaklase pero hindi pa rin tumayo si Mica sa kanyang inuupuan. Nagtaka naman si Frank sa kinikilos ng dalaga kaya tinapik niya ito sa balikat na kinagulat naman niya.

"Hindi ka ba magla-lunch? Tumunog na ang school bell."

Ngumiti lang si Mica at nagpaalam naman si Frank na lumabas na.

Napabuntong-hininga si Mica at tumayo na rin upang pumunta sa vending machine upang bumili ng canned juice at potato chips. Nang nakabili na siya, pumunta naman siya sa school field upang tumambay sa may park bench.

Ano 'yun?

Napansin niya ang mga ibon na nag-iingay sa paligid ay lumipad papalayo sa kanyang kinaroroonan. Pakiramdam niya'y nagkakagulo sa kanyang paligid. Masyadong mabilis ang mga pangyayari at bigla nalang siyang natumba sa lupa dahil sa malakas ng paggalaw ng lupa.

Naalala niya ang kanyang napanaghinipan. Nagkakagulo ang mga estudyanteng nasa kanyang paligid. Agad namang tumunog ang alarm galing sa school building. Imbis na gawin ang kanilang natutunan sa earthquake drill ay sumisigaw lang siya at tumatakbo sa paligid.

Ngunit hindi makagalaw si Mica sa kanyang pwesto. Agad na pumasok sa kanyang isipan ang mukha ni Dalton, na nakangiti sa kanya.

Dal...ton.

How Can I Say...Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon