Blangkong Papel [07/21/17]

43 7 2
                                    

Sinulat ko ang sanaysay na ito para sa mga katulad kong manunulat. Sana ay magustuhan n'yo.

"BLANGKONG PAPEL"

Isang blangkong papel, isang blangkong papel para sa isang taong hindi kayang mailabas ang kanyang mga ideya at emosyon sa pamamagitan ng pagsasalita. Isang blangkong papel! Isang blangkong papel para sa mga manunulat na sumusulat upang mailabas ang mga nakatagong emosyon na nakakubli sa isang ngiti. Sa pamamagitan ng blangkong papel na ito, sila'y makakalaya. Makakalaya sa mga emosyong pumipigil sa kanila na gawin ang mga bagay na gusto nila. Ikaw? Kailangan mo rin ba ng isang blangkong papel?

Mga masasaya, malulungkot, nakakatakot, nakakakilig, at nakakaiyak na karanasan ang nilalalaman ng blangkong papel na 'yon. Sa bawat eksena, bawat salita, at bawat pagsalaysay sa isang pangyayari ay mapapaisip ka, nararanasan ba ito ngayon ng manunulat? Bakit niya isinulat ito? Ano ang dahilan niya para isulat ang nobelang 'yon?

Hindi madaling magsulat. Sa larangan ng pagsulat, huwag kang umasa ng suporta mula sa mga kakilala mo dahil sa larangan na ito, ibang tao ang magmamahal sa 'yo at sa gawa mo. Isulat mo! Ilabas mo! Ilabas mo sa blangkong papel na hawak mo ang lahat! Oo, ang lahat! Bawat problema at bawat hinanakit na dinadala mo. Sa pamamagitan nito, hindi mo na lamang mamamalayan na maayos ka na. Hindi mo na lamang mamamalayan na nailabas mo na ang mga ideya at emosyon mo na matagal mo nang kinikimkim.

Salamat sa blangkong papel na ito at naging malaya ka. Salamat sa blangkong papel na ito at bumuti ang pakiramdam mo. Salamat sa blangkong papel na ito at naging totoo ka sa sarili mo. Bawat pahina ng blangkong papel ay mahalaga. Mahalaga sa buhay mo at sa buhay ng lahat ng tao. Ito ang magpapabago sa pag-ikot ng mundo.

©zephaniahhhh

Un-satisfactions of a Writer (Writing Tips and Experiences)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon