Maya-maya pa ay unti-unti niyang inangat ang kanyang ulo at nakilala namin kung sino ang lalaking duguan.
Si Luigi!
Dalawang emosyon lang ang naramdaman ko ng makita si Luigi. Takot at galit.
Takot, dahil alam kong apo siya ng lider ng kulto, kaya niya kaming patayin katulad ng ginawa niya sa iba. Takot dahil baka hindi na kami makaalis sa lugar na 'to dahil nakita na niya kami.
Galit, dahil siya ang nagdala sa amin dito. Siya ang naglayo sa amin sa aming mga pamilya. Galit, dahil ginawa niyang miserable ang buhay namin.
Lumingon si Jean sa likod ng sasakyan at nang makakita ng tubo ay agad kinuha iyon.
"Anong gagawin mo?" Nagtataka kong tanong.
"Papatayin natin siya bago pa niya tayo mapatay." Sabi niya. "Kumuha ka ng bato at tulungan mo ako kung gusto mo pang mabuhay at makita ang mga mahal mo sa buhay."
Tumingin ako kay Luigi at biglang bumangon ang matinding galit sa loob ko. Kung hindi dahil sa kanya, buhay pa sana ang mga kaibigan ko at si Joss. Kung hindi dahil sa kanya, kasama sana namin ang ang mga magulang namin. Kasama ko sana ang nanay ko. Pero hindi pa huli ang lahat, pag napatay namin siya, makakaalis kami dito. Mabibigyan namin ng hustisya ang pagkamatay ng mga kaibigan namen at makakasama naming muli ang pamilya namin.
Sabay kaming bumaba ni Jean sa sasakyan. Agad kong dinampot ang pinakamalaking bato na nakita ko sa gilid ng daan.
"Tulong!" Namamaos na sigaw ni Luigi ng makita niyang bumaba kami sa sasakyan. "Salamat at ligtas kayo."
"Sinungaling!" Sigaw ni Jean. "Wag kang magkunwaring inosente ka!"
"A-anong sinasabi niyo?" Nagtatakang tanong ni Luigi. Binaling niya ang kanyang tingin sa akin. "Emerald!"
Umiling-iling ako. Unti-unti siyang bumangon mula sa pagkakasalampak sa hood ng sasakyan. At unti-unting humakbang palapit sa amin.
"Huwag kang lalapit!" Sigaw ko at akmang ibabato ko sa kanya ang malaking bato na hawak ko.
"Subukan mong lumapit, papatayin ka namin!" Sabi ni Jean at inihanda ang hawak niyang tubo.
"A-ano bang si-sinasabi niyo?" Parang naguguluhan niyang sabi habang nakataas ang dalawang kamay. "Nasa akin ang susi ng van, tara na at umalis na t--"
"TUMAHIMIK KA! Hindi mo na kami maloloko! Akala mo, hindi namin alam na pinlano mo ang lahat ng 'to? Akala mo hindi namin alam na kaya mo kami dinala dito ay para gawing alay sa demonyong panginoon niyo! Tapos na ang panloloko mo! Tapos na ang panglilinlang niyo sa amin ng Lola mong alagad ng demon--"
Hindi na naituloy ni Jean ang sasabihin ng biglang hawakan ni Luigi ang tubong hawak ni Jean. Kasamang nahigit si Jean at naipit ni Luigi ang kamay nito sa kanyang likod.
Nabigla ako at parang naging istatwa sa kinatatayuan ko. Nabitawan ko ang batong hawak ko at napatulala sa eksenang nangyayari sa harapan ko. Pilit kumakawala si Jean sa pagkakahawak ni Luigi pero masyado itong malakas.
"AAAHH! Tulungan mo ako Em!" Parang natauhan ako sa sigaw ni Jean, agad kong kinuha ang nalaglag na bato at mabilis na lumapit sa kanila para ipalo ito sa ulo ni Luigi.
Nang makalapit ako ay iaangat ko na sana ang bato pero malakas akong tinulak ni Luigi. Napasigaw ako ng makitang sa duguang bangkay pala ako ng taong nakaitim tumumba. Amoy na amoy ko ang masangsang na amoy ng kanyang dugo. Nalagyan na rin ng maraming dugo ang damit ko. Unti-unti akong napaurong at nagulat ako sa nahawakan ng kamay ko. Kutsilyo.
"Ano bang sinasabi niyo? Wa--wala nga sabi akong kasalanan!" Sigaw ni Luigi.
Agad kong dinampot ang kutsilyo. Tumingin ako sa nagpapambunong sina Jean at Luigi.
Kailangan naming makaligtas. Kailangang mamatay ni Luigi!
Mabilis akong tumayo at tumakbo papunta sa direksyon nila. Tinaas ko ang kutsilyo at ubod lakas iyong itinarak sa likod ni Luigi. Hinugot ko ang kutsilyo at itinarak iyong muli sa kanyang likod. Paulit-ulit ko siyang sinaksak, nagtatalsikan ang kanyang dugo sa akin. Namalayan ko na lang ay hinihigit na ako ni Jean palayo sa duguang katawan ni Luigi, nakadapa na pala ito sa daan.
"Tara na! Tama na yan!" Awat niya sa akin.
Hindi ko namamalayang umiiyak na pala ako. Pinatay ko ang kaibigan ko! Pero hindi! Tama lang sa kanya yan dahil siya naman ang may kasalanan ng lahat ng ito.
Hinila ako ni Jean papasok sa sasakyan. Pinasok niya na ang duguang susi sa ignition key. Pinihit iyon at nabuhay ang makina ng sasakyan. Nagkatinginan kami, mababakas ang saya sa mukha niya. Niyakap niya ako.
"Makakaalis na tayo dito!" Masaya niyang sabi. Tumango ako.
Umayos siya sa pagkakaupo at aapakan na niya ang gas nang isang nakakabingin pagkabasag ng bubog ang narinig ko. Napapikit ako at napatakip sa aking tenga. Pagmulat ng mga mata ko ay napaiyak at napasigaw ako ng malakas ng makitang isang sibat ang nakatusok sa likod ng ulo ni Jean, tumagos iyon sa kanyang kanang mata. Sa dulong talim ng sibat ay nakatusok ang mata ni Jean.
Tumingin ako sa likuran ng kotse at nakita ko ang nakaitim na si Mando at Aling Magda kasama ang marami pang nakaitim na kulto. May mga dala silang sulo at nanlilisik ang mga matang naglalakad palapit sa amin.
Nakita kong maghahagis nanaman ng sibat ang isang nakaitim na lalaki kaya naman mabilis akong yumuko, at nakarinig akong muli ng pagkabasag ng bubog at ang inihagis na sibat ay tumama sa windshield, na kung hindi ako yumuko ay tatama rin sa aking ulo.
Andiyan na sila. Mag isa na lang ako! Kailangan kong mabuhay! Kailangan kong makatakas dito!
Tumingin ako kay Jean, nakasabit pa rin sa leeg niya ang kanyang camera, hinigit ko iyon at napigtas ang tali. Agad kong binuksan ang pinto sa tabi ko at agad na tumakbo palayo sa sasakyan. Papasok sa niyogan.
"Habulin siya!" Narinig kong sigaw ni Mando. Ang sumunod ay nakarinig ako ng maraming yabag na sumusunod sa akin.
To be continued...
BINABASA MO ANG
Kulto [Soon to be published under LIB]
Mystery / ThrillerLilinlangin kayo gamit ang Diyos ninyo... Gagawin ang lahat mapalapit lang sa inyo... iisa-isahin namin kayo... wala na kayong pagtataguan... Lahat ng pangalan sa notebook na ito ay kailangang mamatay... kailangang ialay.. Tatakas ka? Kaya mo kaya?