G-JOKE #3
Dipin
Namataan ng mga nakatambay sa basketball court ang papalapit na si Nonot.
"Putsa pare, hayan na naman si Nonot Buraot. Siguradong iisa-isahin na naman tayong arburan niyan," sabi ng isa.
"Ang kapal nga ng apog, pare. Biruin mo, nagtago na kami nang mag-inuman kagabi pero nakapunta pa rin. Wala na ngang ambag kahit tube ice e, siya pa ang pinakamaraming nainom, nakaing pulutan at nasindihang yosi. At ang nakakapikon pare, siya pa ang makulit," reklamo ng ikalawa.
"Siguradong mambuburaot na naman ng yosi 'yan," sabi naman ng ikatlo.
"Grabe naman kayong magsalita laban kay Nonot. Hinaan n'yo nga ang boses ninyo at baka marinig kayo. Baka sumama ang loob niya sa atin kung maririnig ang mga sinasabi ninyo," saway naman ng ikaapat.
"Talaga namang pinaririnig namin sa kanya para tubuan naman ng hiya."
Ang usapang iyon ng mga tambay ay narinig lahat ni Nonot. Umusok agad ang ilong niya sa galit at sinugod ang mga ito. Nahawakan siya ng ilang naglalaro ng basketball at pinigilang makalapit.
"Ako... ako, buraot? Hindi ako buraot! E, kung basagin ko kaya ang pagmumukha ninyo? Ano, isa-isa lang!" malakas niyang sigaw. Sa pagpapaliwanag ni Tambay 4, nakalma siya at nagpaawat.
"Pasensiyahan mo na sila, pare. O, magyosi muna tayo para ma-relax ka," sabi nito sabay abot ng isang stick.
"Meron ako, 'tol," sagot niya sabay dukot sa bulsa. Gusto niyang patunayan kay Tambay 4 na hindi totoo ang ipinipintas nina Tambay 1, 2 at 3 sa kanya. Dahil hindi nakatingin sa ginagawa, nahulog ang mga stick ng sigarilyong laman ng bulsa niya.
Napakunot ang noo ni Tambay 4 sa nakita. Iba't ibang brand ng sigarilyo ang nakita nitong pinupulot ni Nonot sa lapag. "Pare, ang dami niya a," anito.
Napakamot si Nonot sa batok.
"Ano ba talaga ang brand mo, pare?"
"Dipin, tol," aniya.
"Dipin? Bagong yosi, pare?"
"Hindi, 'tol."
"E, ano?"
"DIPIN... DIPINDI sa mahihingi."
"Ayos!"
BINABASA MO ANG
Stress Free Zone
HumorStress ka ba? Saan? Kanino? Keber na lang. Laughter is the best medicine, beh. Make sure lang na hindi ka napaglilipasan ng gutom, at tumatawa man mag-isa ay hindi mo naman pinaiikot ang dulo ng buhok sa iyong hintuturo upang hindi matulad sa writer...