MEDYO SERYOSONG KWENTO- Pilosopo Pasyo

371 22 3
                                    

ENTRY #1

Pilosopo Pasyo

Panay ang pagkontra ni Pasyo sa mabuting balitang ipinangangaral ni Tandang Pastor sa mga kausap. Binansagan itong Pilosopo Pasyo sa kanilang lugar dahil sa pakikisawsaw at pambabasag sa mga usapang hindi aprubado sa sariling pakahulugan at paniniwala. Marami itong tanong hindi sa dahilang nais matuto, o may madagdag sa kaalaman. Ang trip nito ay mamamahiya at magpabida.

"Kung sa tilamsik lang ng kumukulong mantika ay humahapdi na ang ating balat, paano pa kung sa kumukulong asupre tayo ihahagis?" sabi ni Tandang Pastor.

Nahintakutan ang mga nakikinig at tila iisang tao na nayakap ang mga sarili habang ito naman ay nakangising aso at panay ang iling.

"Ang OA naman ni Tandang Pastor. Kung makapagsalita akala mo nakita niya. Hoax lang 'yan. Kumukulong asupre. Asus... gimik lang 'yan. Parang MUMU na panakot sa mga bata para hindi magpagabi sa kalsada. Bakit, may naganap na bang expedition sa impyerno para may magpatunay sa sinsabi niya? Aber nga, anong bansa ang unang nakarating diyan? Sino-sino sila? Huwag niyang sabihing astronaut din," tatawa-tawa nitong sabi sa mga katabi.

"Ano ka ba naman, Pasyo. Huwag ka na nga dito tumambay. Nagugulo mo lang kami," saway sa kanya ng katabi.

"Hindi ka ba kinikilabutan sa pinagsasabi-sabi mo, Pasyo? Mamilosopo ka na sa ibang paksa ng usapan huwag lang sa ganitong sagradong bagay," sabi naman ng isa pa.

Nagkibit-balikat lang ito. Bagama't hindi na nga nagkomento ay sige pa rin sa mga reaksiyong nakakasira ng mood. Nakakainis.

Nagpatuloy sa pagsasalita si Tandang Pastor, at sa panghuli ay sinabing, "May tanong ba kayo?"

Nagtaas agad ng kamay si Pasyo. Nag-anasan naman ang mga naroroon dahil kabisado na nila ang ugali ng binata.

"May gusto lang sana akong malaman, Tandang Pastor," nangingiti nitong sabi.

"Ano 'yon, Pasyo? Sige sabihin mo at sisikapin kong maipaliwanag."

"Nagtataka lang ako."

"Nagtataka saan?"

"Ang sabi n'yo kasi, puro apoy sa impyerno, at kumukulo pa ang asupre doon. Ang ibig ninyong sabihin, may unlimited silang panggatong? Saan sila kumukuha? Nagpapadeliver? Ano ang gamit nila doon? Shellane, M-gas, Gasul, uling o, kahoy?"

Napailing na lang ang mga nakarinig lalo pa't nakita nilang natigilan ang matanda. Lumuwang ang pagkakangisi ni Pasyo.

"Okey lang po kung hindi n'yo alam," tatawa-tawa nitong sabi at saka tumayo at akmang aalis.

"Ganito kasi 'yan, Pasyo..."

Hindi nito itinuloy ang paghakbang at saka tila nakakalokong bumungisngis.
Bumuntong-hininga muna si Tandang Pastor at saka sumagot.

"Alam mo Pasyo, hanggang may mga taong kagaya mo, hindi mauubos ang panggatong sa impyerno."

~ GOD bless us all, mga bebe kong mahal. :-)

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Sep 12, 2017 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

Stress Free ZoneTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon