Kabanata - 9 ( Ningas ng Buhay )

595 30 0
                                    

Isang linggo bago magpasukan kung saan nasa unang taon na ako sa high-school ay naranasan ko ang sinasabi ni Exekiel na paglalakbay ng aking kaluluwa.

Namalayan ko na lang na parang tinangay ako ng hangin habang ako ay nasa hangganan ng pagtulog at gising na diwa. Pagmulat ng aking mata ay tumambad sa akin ang isang lugar na hindi ko alam kung saan. Mistula itong isang diretsong kalsada at mahamog ang lupa kaya hindi ko makita ang tinatapakan ko. 

Wala akong makitang tao sa paligid, tanging ang ilaw sa mga lamparang naroon ang nagbibigay liwanag. Lahat ay nakalutang na at pare-pareho ang itsura. Ngunit iba-iba ang ningas nito. May sobrang liwanag, may katamtaman, may maliit na lamang na ningas at may aandap-andap. Ipinagtataka ko na ang dami ng lampara na naroon. Yung ibang nawalan na ng apoy ay kusa itong naglalaho at biglang may papalit na mga bagong lampara na matitingkad ang ningas. Mabilis ang paglaho at mabilis din ang pagpalit ng mga bagong lampara. May iba namang namamatay na ang ningas pero unti-unti itong nagniningas muli.

Ipinagpatuloy ko ang aking paglalakad sa walang katapusang kalsadang iyon na nakahalukipkip dahil sa lamig na aking nararamdaman.

Hanggang sa tumambad sa aking harapan ang isang nilalang. Sa itsura nito ay mistula itong isang tagasundo na aking nakikita.

" Sino kang nilalang ang narito sa mundo ng ningas?!"

Natigilan ako dahil harapan kong nakita ang nagliliwanag niyang mukha, kamay, at pakpak. Tanging ang suot nitong cloak ang kulay itim.

" Hindi ko po ninais na mapunta sa lugar ba ito. Natutulog lamang ako at namalayan ko na lamang na narito na ako sa lugar na ito."

" Isa ka ring mortal na may kakayahang makapaglakbay sa ibang dimensyon! May mga tulad mo ang nakarating na din dito pero meron din hindi na nakabalik! Nakuha ng ibang kaluluwang ligaw na maitim ang kanilang katawan." Tugon nito sa akin na ikinabigla ko.

" Pero sinabi po sa akin ni Exekiel ang aking spirit guardian na hindi magagalaw ng ibang ispirito ang aking katawan."

" Alam ko! May mga tulad mo kasi na mahina pa rin ang depensa ng katawan sa kasamaan! Oo nga protektado kayo ng mga spirit guardian pero hindi sa lahat ng pagkakataon ay napoprotektahan kayo!"

" Kung ganun po....namamatay ng tuluyan sila???!"

" Iyon ang kinahihinatnan nila! Hindi na sila nagigising sa oras na naglakbay ang kanilang kaluluwa. Wala na silang magawa sa oras na dalhin ng tagasundo sa lagusan ang kanilang kaluluwa!"

" Sa anyo nyo po ay para din kayong tagasundo."

" Tama! Ako ang nakatalagang mangalaga sa lugar na ito ang mundo ng ningas!"

" Nasaan po ang mga tagasundo?"

" Hindi sila dito namamalagi! Sa mundo ng buhay doon lamang sila! Tanging mga tulad mong may kakayahan ang nakakakita sa kanila pero hindi mo makakausap hanggat hindi ka namamatay!"

" Babalik na po ako sa aking katawan....baka po may mangyaring hindi maganda doon sa akin."

" Malakas ang depensa ng iyong katawan kaya malakas din ang iyong spirit guardian! Hindi mo ba gustong malaman kung ano at para saan itong mundo ng ningas at iyang mga lamparang iyan?!"

Natigilan ako....pero dala ng aking kuryosidad ay nagtanong ako sa nangangalaga ng mundo ng ningas.

" Para saan po ba ang lamparang iyan at bakit iba-iba ang ningas nila?"

" Iyan ay ang buhay ng bawat nilalang na tao sa mundo."

Isang kumpas lang nito sa kanyang maliwanag na kamay ay nasa harapan ko na ang ilang lampara.

" Ang isang iyan ay bagong silang na sanggol. Puno ng buhay at sigla ito, kaya maliwanag ang ningas nito. Ito naman ay isang tao na nasa kalagitnaan ng kanyang buhay na itatagal sa mundo, kaya makikita mong kalahating ningas na lamang ito. Ang isang ito naman ay nasa dapithapon ng kanyang buhay kaya halos mawala na ang ningas  nito. Itong aandap-andap ang ningas ay isang taong nasa bingit ng kamatayan ang buhay. Pagmasdan mo....."

Habang pinagmamasdan ko ang lampara ay unti-unti ng namatay ang ningas nito at naglaho sa aking harapan.

" Kapag nawala na ang lampara dito ay oras na para sunduin ng tagasundo ang kaluluwang iyon.....itong panglima ay pagmasdan mo."

Pinagmasdan ko ang panglimang lampara....aandap-andap ang ningas nito pero unti-unting bumalik sa katamtamang ningas iyon.

" Nasa bingit ng kamatayan ang taong iyan pero nalagpasan niya at mabubuhay pa siya ng mahaba-habang panahon. Yang mga biglang lumilitaw na lang na mga bagong lampara ay mga bagong buhay. Ang iba ay hindi rin nagtatagal, nawawala ang ningas at naglalaho din. Sila ang mga bagong panganak na sanggol na pumapanaw din agad."

Sa dami po ng lampara dito at may mga lumilitaw na lang bigla ay alam nyo kung sino sila?!"

" Oo naman! Isang kumpas ko lang nasa harapan mo na ang lamparang sumisimbolo ng buhay mo sa mundo!"

Isang kumpas lang nga nito ay nasa harap ko na ang isang lampara. Matingkad ang ningas nito at buhay na buhay habang pinagmamasdan ko.

Ngunit bigla akong napaatras ng biglang nag-ibang bahagya ang kulay ng ningas pati ang lagablab nito.

Sa pag-atras ko ay tila hinigop na ako ng kung ano, at nagising na lang ako sa katok ni Ate Kath sa pinto ng aking kuwarto. Kaya agad akong napabalikwas.
.
.
.
.
.
.
Itutuloy.......
------------------------------------------------------

THE THREE DOORSTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon