Sa Kabila ng Lahat

37 0 1
                                    

Nandito lang ako kung kailangan mo ng tulong.
Nandito lang ako kung kailangan mo ng kausap.
Nandito lang ako kahit hindi mo ko nakikita, kahit hindi mo ako kailangan kasi masaya ka kasama ng mga tropa mong walang ginawa kundi ang ipagtulakan ako sa'yo. Mga tropa nating walang ginusto kundi magkaroon ng label ang kung anumang meron tayo pero hindi nila alam na ang bunga nito'y ang paglayo mo.

Masaya ako tuwing nakikita kitang masaya ngunit kasabay nito ang pait at pagnanais na sana ako na lang. Na sana ako na lang yung pinagtitripan mo tuwing nasa school tayo. Sana ako na lang yung nilalapitan at kinukulit mo. Oo. Ganyan ko kagustong matapunan ng ni katiting na pansin galing sa'yo. Ganyan ako kasabik sa kahit konting atensyon mo.

Sa totoo lang hindi ko na alam ang dapat kong maramdaman. Gustong gusto kang makita ng mga mata ko araw-araw upang mapasaya ang puso ko ngunit kalakip nito ang araw-araw na  pagsampal ng katotohanang walang tayo, katotohanang walang puwang ang pangalan ko diyan sa puso mo.

Tanggap ko naman eh. Tanggap ko namang hanggang kaibigan lang kaso hindi nawawala yung kirot dito oh. Hindi naaalis yung sakit na dulot ng katotohanang pumatay sa liwanag ng imahinasyon ko.

Ikaw ang dahilan kung bakit gumigising ako ng maaga, ngunit ikaw din ang dahilan kung bakit ayokong pumasok sa eskwela. Ewan ko ba kung dapat akong maging masaya pag nakikita kita o maging malungkot dahil nasasaktan ako tuwing natatapos ang araw na ni hindi mo man lang ako tinapunan kahit isang salita.

Sino nga ba yung dapat sisihin? Ikaw ba dapat? Kasalanan mo ba? Syempre hindi. Kasi ako naman talaga yung nagdesisyong gustuhin ka. Ako naman talaga yung nagmahal sayo diba? Ako naman kasi yung tangang hanggang ngayon umaasang balang araw mapapansin mo rin yung halaga ko. Na balang araw maiisip mo ding suklian yung pagmamahal ko. Pero, naisip ko, nagmahal lang naman ako eh. Nagmahal lang naman ako. Hindi naman kasalanang sundin ang tinitibok ng puso ko diba? Hindi naman kasalanang maramdaman ko 'to para sayo dahil wala namang mata ang pag-ibig. Walang pinipili, at walang rason.

Ang tanga ko lang. Ang tanga tanga ko lang!
Kahit nasasaktan ako, patuloy pa rin kitang ginugusto. Patuloy pa rin ako sa pagpapantasyang sa huli ay magkakaroon din ng tayo. Ang tanga ko para sumugal sa pag-ibig na walang kasiguraduhan kung mananalo ba ako. Ang tanga ko upang sumakay sa bangkang hindi ko alam kung saan patungo. Ang tanga ko upang magpatangay sa hanging hindi ko alam kung saan ako tatangayin. Ang tanga ko dahil nagmamahal ako ng taong hindi ako ang gusto.

Ngunit sa kabila ng lahat.....
Sa kabila ng sakit..... Sa kabila ng hinagpis.... Sa kabila ng pagtitiis.....
Nandito pa rin ako. Nandito parin ako't handang sumugal. Nandito parin ako't handang ipagpatuloy ang pag-ibig ko para sa'yo kahit kapalit nito'y patuloy na paglatigo sa puso ko. Tatanggapin ko ang dagok ng pagmamahal na walang kapalit, tatanggapin ko ang mga sugat na maaaring matagal pang humilom. Tatanggapin ko ang lahat mapasaya lang ang puso kong walang ibang ninanais kundi ang mahalin ka ng buong-buo.

Sa kabila ng lahat, nandito pa rin ako.
Nandito pa rin ako kahit ipagtabuyan mo.
Nandito pa rin ako para sa'yo.

Sa kabila ng lahat, nandito lang ako.
Handang maghintay na hawakan mo ang mga kamay ko't pagbigyan ang kahilingan ng puso ko. Ang kahilingan kong mahalin mo.

Sa kabila ng lahat, nandito lang ako't
patuloy na magmamahal sa'yo.
Sa kabila ng lahat, nandito lang ako.
Kahit kaibigan lang. Kahit balewala lang. Kahit mapansin lang pag kailangan. Kahit mapansin lang pag wala ng ibang malalapitan.

Sa kabila ng lahat, ako pa rin 'to. Hindi ako magbabago kahit layuan mo ako.
Sa kabila ng lahat, nandito lang ako.

Sa kabila ng lahat.

*

Spoken Word Poetry (Filipino)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon