Mga Dahong Palihim na Bumabagsak sa Lupa

23 1 0
                                    

Naaalala ko pa.
Naaalala ko pa ang mahinang tunog ng agos ng tubig sa sapa.
Naaalala ko pa ang mahinang huni ng mga ibong tila kumakanta.
Naaalala ko pa ang dahan-dahang pagkahulog ng mga dahon galing sa sanga, dahan-dahan hanggang sa lumapat ang mga ito sa lupa.

Noon, habang kasalukuyang nilalamon ng karagatan ang araw, at unti-unting natatakpan ng dilim ang liwanag,
Palihim na sinisipat ng aking mga mata ang imaheng nakatayo sa gilid ng kalsada.

Kung bibilangi'y hindi na mabibilang pa ang  mga iginugol na hapon upang masilayan siya.
Kung bibilangi'y hindi na mabibilang pa ang mga dahong nahuhulog galing sa sanga.
Kung bibilangi'y hindi na mabibilang pa ang mga dahong sinalo na lamang ng lupa.
Kung bibilangi'y hindi na mabibilang pa ang mga bibilanging kaakibat ng pagmamatiyag sa kanya.

Matiyang nakatayo ang aking mga paa, matiyagang nakaantabay ang aking mga mata katulad niya na matiyaga ring naghinhintay sa pagdating niya, matiyagang umaantabay sa paghihintay sa kanya.

Kung iisipin ay pareho ang rason natin.
Rasong parehong sanhi ng hindi na mabilang na bibilangin.
Hinihintay mo siya. Hinihintay mo siyang dumating. At hinihintay kitang ngumiti dahil sa kanyang pagdating.

Hinihintay kitang ngumiti kahit hindi para sa'kin.
Hinihintay ko ang pagkislap ng mga mata mo tuwing sa kanya ka nakatingin.
Hinihintay ko ang pagyakap mo, ang paghaplos mo, ang paghalik mo sa kaniya kahit kasabay nito ang paghihintay kong madurog ang puso ko.
Kasabay ng paghihintay ko ang palihim na pagkahulog ng mga dahon ng puno.

Nahihibang na ako, iyon ang iniisip ng iba.
Nahihibang na raw ako dahil hinihintay pa rin kita.
Nahihibang na raw ako dahil patuloy parin akong nakatanga.
Nakatanga, nakasilip sa isang punong nakatayo sa kabilang banda, sa kabilang parte ng kalsadang tinatayuan mo habang hinihintay siya.

Masakit. Sobrang sakit.
Nagtatanong silang lahat kung bakit.
Nagtatanong sila ng rason kung bakit ko hinahayaang masaktan ang mga mata ko.
Kung bakit ko hinahayaang masaktan ang mga paa ko.
Kung bakit ko hinahayaang masaktan ako ng sarili ko sa paghihintay sa'yo.
Kung bakit mas pinipili kong hayaan kaysa pigilan ang pagkahulog ng mga dahon sa puno.

Pero.
Maraming pero ang tumatakbo sa isip ko.
Maraming pero ang kaakibat ng mga sakit na dulot mo.
Maraming pero ang kinakapitan ko para ipagpatuloy ang pagmamatyag sa'yo.

Masakit pero gusto kong makitang nakangiti ka.
Masakit pero gusto kong makita ang kumikislap mong mga mata.
Masakit pero gusto kong makita kung paano ka magmahal at mag-alaga.
Masakit pero ang mga galaw mo pag kaharap mo siya ay ang mga galaw na nais kong madama, ang mga galaw na sa akin ay magpapasaya kahit kasabay nito ang sakit na nadarama.
Masakit pero ang sakit na dulot ng pagmamatyag sa'yo ang siyang nagpapasaya sa puso ko.

Kailan pa ba matatapos ang mahinang pag-agos ng sapa?
Kailan pa ba matatapos ang mahinang awit ng mga ibong masasaya?
Kailan pa ba mauubos ang mga dahon sa sanga?
Kailan ko pa ba matututunang pigilan ang pagkahulog nila?

Huwag na lang.
Hihintayin ko na lang ang pagkaubos ng tubig hanggang sa hindi na ito dumaloy pa.
Hihintayin ko na lang ang pagkamatay ng mga ibon hanggang sa hindi na ito umawit pa.
Hihintayin ko na lang ang pagkalagas ng mga dahon sa puno, hinhintayin ko na lang ang pagkahulog ng lahat ng ito sa lupa hanggang sa ito'y maubos na.
Hanggang sa ito'y maubos na. Hanggang sa ang pagmamahal ko ay maubos na.

Maghihintay na lang at patuloy na magmamatiyag.
Maghihintay na lang ng pagkaubos nila.
Maghihintay na lang ng pagkaubos ng mga dahong palihim na bumabagsak sa lupa.
Maghihintay na lang ng pagkahulog ng mga luha.
Maghihintay na lang hanggang sa mapagod na, mapagod na ang mga mata sa pagmamatyag sa inyong dal'wa, mapagod na ang mga paa sa pag-inda, mapagod na ang mga mata sa palihim na pagluha at mapagod na ang puso kong palihim na minamahal ka.

*

Spoken Word Poetry (Filipino)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon