Dati-rati lagi kang naghahanap.
Dati-rati lagi kang nangangausap.
Dati-rati lagi kang lumalapit na wari'y di makumpleto ang araw mo kung hindi ako nakukulit.Halos isiping magkababata sa sobrang lapit natin sa isa't isa. Araw-araw laging sabay....
Gumagawa ng mga proyekto. Pareho ang sagot sa mga takdang-araling binigay ng guro. Laging nag-aaway ngunit lagi ring magkasundo.Tulad ng kalangitang nilamon ng dilim. Umuulan. Nasaan ang mga bituing maningning?
Tulad ng kalikasang sinira ng sangkatauhan. Kinalbo. Winasak.
Nasaan na ang kagandahan?Ngayon. Sa mga oras na 'to.
Ang dati-rati'y nasaan na?
Tulad ng araw, lumubog na ba? Nawala na ba kasabay ng pagtatapos ng araw at napalitan ng dilim kasabay ng pagsapit ng gabi?
Ang halaga? Tulad ng mga patak ng ulang paubos na...Kaya ba nagbago ka? Dahil tulad ng mga araw sa linggong unti unting natatapos, unti unti ka ring nawawalan ng kailangan.
Kaya ba 'ko binabalewala? Dahil tulad ng pagkaing nahulog at nadumihan, wala na rin akong halaga?
Kaya ba wala nang paramdam? Dahil tulad ng kinumos na papel sa basurahan, naisip mong hindi mo na ako kailangan?Sana, patuloy kang mangangailangan tulad ng ilog na walang tigil sa pag-agos hanggang sa karagatan.
Sana, lagi kang mangangailangan tulad ng pusong walang tigil sa pagtibok upang mapadaloy ang dugo sa buong katawan.Sana, habangbuhay ka na lang mangangailangan upang lagi kang maghahanap, mangangausap, lalapit, mangungulit.
Sana, habangbuhay ka na lang mangangailangan upang hindi mo ako makalimutan.Sana habangbuhay kang mangangailangan, tulad ng taong hindi kayang mabuhay sa mundong walang hangin at pagkain. Sana araw-araw mo ako kailangan, upang walang magbabago... upang mapanatili natin ang dating tayo.
*