Byaheng Nakakatanga

16 0 0
                                    

Magkasabay kayong sumakay
Magkasabay kayong nagpatangay
Magkatabi pa't magkahawak kamay
Akala mo, ang paghinto niyo rin ay sabay.

Kilala mo ba siya?
Kilala ka ba niya?
Maaaring oo,
pero hindi mo alam kung sapat ba ang nalalaman mo.
Kung alam mo ba lahat ng tungkol sa kanya.

Masaya ka ba sa kanya?
Siguro, dahil sumama ka.
Kaso ang tanong ay kung pareho ba kayo ng nararamdaman para sa isa't isa.

Masyado ka bang kampante?
Masyado ka bang kampante dahil bumyahe ka kasabay niya kahit alam mong ang pamasahe ay sobra pa sa ilang daang bente
Malamang! Kasi hindi mo nga pala alam kung ilan o ano ba ang pamasahe pero sumabay ka pa rin sa byahe.

Sa daan papuntang hindi mo alam kung saan
Kayong dalawa ay masayang nagtatawanan
Walang pagsubok at puro lang kasiyahan
Hiniling mo na sana, huwag nang huminto ang inyong sinasakyan.

Hanggang sa ilang kilometro na ang layo niyo
Hindi pa rin natitibag ang mga ngiti mo.
Masaya ka ba? Oo!
Sa sobrang saya mo, ayaw mo nang huminto.

Ngunit sa byahe may ibang sasakyan
May mga taong maaaring humarang
May lubak na madadaanan sa daan
May mga dahilan ng pagbabago ng bilis ng sinasakyan
Na kung saan kailangan niyo ring pumreno para walang masagasaan
Para hindi kayo masaktan

Sa sobrang pagkawili mo sa mga tanawing inyong dinadaanan
Ang katotohanang hindi lang kayo ang bumabyahe sa isang daan ay tuluyan mong nakalimutan
Sa sobrang pagkabighani mo sa pantasyang hatid niya
Nakalimutan mo ang reyalidad na ang sinasakyan niyo ay maaaring maubusan ng gasolina
Na maaari kayong magutom at kailangan niyong bumaba
Na maaari kayong mapagod at kailangan niyong magpahinga
Na maaari.....
Na mararating niyo ang destinasyon at kailangan niyong pumara

Sa sobrang sarap ng byahe hindi mo inisip ang mga maaaring mangyari
Akala mo ba masaya lang palagi?
Akala mo ba hindi titigil ang sinasakyan niyo at patuloy na bumyahe?
Akala mo ba walang hangganan ang tinahak niyong daan dahil hindi mo naisip kung ano na ang mangyayari sa pagtigil ng byahe?

Sa dami mong akala, ang mga sigurado ay hindi mo nakikita.
Ang katotohanan ay hindi mo madama.
Ni kahit konting mali sa byahe wala kang napupuna
Ang hindi pagkislap ng mga mata niya gaya ng sa iyo habang nagngingitian kayong dalawa ay hindi mo nakita
Dahil nabulag ka sa sarili mong kasihayan,
Sa sarili mong kaisipan.
Namanhid ka dahil hindi mo naramdamang ikaw lang pala ang may hawak sa kamay niya!
Akala mo mahigpit din ang kapit niya pero ang totoo pala, kung hindi ka nakahawak ng sobramg higpit sa kaniya, malamang kumalas na siya at iniwan ka.

Sa sobrang pagkadala sa mga tanawing iyong nakikita,
Hindi mo naramdamang ikaw lang pala ang tunay na masaya
Sa sobrang pagkabighani sa mga halaman, bulaklak, mga hayop na iba-iba ang porma
Hindi mo naramdamang ang byaheng ito'y ikaw lang pala ang dala.
Sa sobrang paniniwalang mahal ka niya,
Hindi mo nakitang ikaw lang ang may gustong magpatuloy sa paglalakbay
Ikaw na lang pala ang nagpapatuloy, dahil sa kalagitnaan pa lamang ng mga problema
Ng mga lubak sa kalsada
hindi mo naramdamang pumara na siya.
Pumara siya at iniwan ka.

Spoken Word Poetry (Filipino)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon