Agwat.

777 5 1
                                    



Ang ating namumuong pagmamahalan,

Tila ba'y sadyang sinusubukan.

Ng isang sitwasyong hindi natin maiwasan,

At pangyayaring dala ay kalungkutan.



Maraming beses sumagi sa isip ko,

Na ayaw kong pag-usapan natin 'to.

Natatakot kasi sa magiging reaksyon mo,

At nahihirapan ding tanggapin ang totoo.



Bakit nga ba ngayon pa?

Kung kailan tayo pa lamang ay nag-uumpisa?

Bakit kailangang pansamantalang mawala?

At sa isa't isa'y mangulila?



Pero ito lang ang tanging alam ko,

Handa akong maghintay para sa'yo.

Kahit gaano man ito katagal o kalayo,

Aabangan ko pa rin ang pagbabalik mo.



Masakit man kung iisipin,

Kailangan pa rin natin itong tanggapin.

May mga pangarap ka pang nais abutin,

At kinabukasang dapat nating harapin.



Marahil ito na ang hudyat,

Na maniwalang ang pagmamahalan nati'y sapat.

Upang harapin ang mga pagsubok gaano man ito kabigat,

At  patuloy kang mahalin malayo man ang ating agwat.

Mga Tula.Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon