• LIANNA's POV •
Ganito pala ang pakiramdam ng bibitayin ka para sa kasalanan na hindi mo naman sinasadyang gawin, lalo na para sa kasalanan na hindi mo naman ginawa.
Totoo pala na magfa-flush ang mga ala-ala mo simula ng magka-isip ka hanggang sa puntong kilalagyan mo ngayon. Ngayon ko lang talaga napagtanto, na kahit alam ko na dati, nasa huli ang pagsisisi.
Nagsisisi ako na hindi ko naipakita kay Tatay na mahal na mahal ko siya. Na maswerte ako dahil siya ang naging tatay ko. Naiinis tuloy ako sa sarili ko sa t'wing naaalala kong sinasagot ko siya t'wing pinapangaralan niya ako. Akala ko kasi, tama ako.
Nagsisisi ako na hindi ko inintindi ng mas mabuti si Nanay, nahihirapan lang kasi siya sa buhay na hindi niya nakasanayan. Nahihirapan siyang makita na nahihirapan kami, pero hindi niya maipakita sa amin dahil nauuna ang galit niya dahil hindi natupad ni Tatay ang masaganang buhay na ipinangako niya raw no'ng mga panahong sinusuyo niya pa siya. Nagsisisi ako na hindi ko ipinaglaban kay Nanay na gusto kong mag-aral, na gusto ko rin maranasan maging bata.
Ngayon ko lang napagtanto, hindi, ngayon ko lang natanggap na hindi pala ako normal. Napakalayo ko sa pagiging normal. Alam ko simula pa lang no'ng bata ako na may kakaiba sa akin. 'Yong sa t'wing nagagalit o sumusobra ang emosyon na mayroon ako ay may nangyayaring hindi pangkaraniwan. Iyon din ang naging dahilan kung bakit hindi ako pinag-aral, dahil baka makasakit ako ng iba o kaya malaman nila na "kakaiba" ako. Palaging sinasabi ni Nanay na kakamuhian ako ng mga tao kapag nalaman nilang hindi ako normal. Kaya naman, kahit hindi madali, nagpaka-normal ako sa paraang alam ko.
Sana pala in-enjoy ko nalang ang kakayahan na meron ako. Sana pala namuhay ako ng tama. Sana pala nag-aral ako. Sana pala tinanggap ko ang mga imbitasyon sa akin. Sana pala. Sana pala. Pero wala ng kwenta lahat ng 'sana' at 'pagsisisi' ko dahil kahit gusto ko mang itama ang lahat ay hindi na pwede.
Ipinikit ko na ang aking mga mata. Kahit pigilan ko ay nagpadausdos pababa ang mga luhang walang sawa sa pagpatak. Hindi pa ako natakot ng ganito katindi sa tanang buhay ko, hindi pa ako naging ganito ka-emosyonal, ngayon lang. Ngayon lang na una't huling beses ko na rin silang mararamdaman.
Umihip ang malamig na hangin, ramdam ko na lahat ng mata'y nakatingin sa akin. Hinihintay ang oras na ibitin ako't mawalan ng buhay.
"Lianna... Set me free and you'll be free..."
Dinig kong muli sa mga katagang ilang araw ko nang naririnig. Ngayon ko lang naiintindihan kung saan sila nanggagaling. Galing ang mga salitang ito, sa akin mismo. Pilit kumakawala ng isang pagkatao ko, ang pagiging witch ko, mula sa pagkakulong sa sarili kong katawan. Pero kahit gustuhin ko man na pakawalan siya, hindi ko kaya.
Narinig ko na itinali na ng kawal ang lubid sa isang matibay na kahoy kung saan ako ibibitin. Paunti-unti ay may pinipihit sila para bumaba ang sahig na kinatutungtungan ko. Nararamdaman ko na humihigpit na ang tali, at kahit ayaw ko, ay nagiging malikot ako dahil wala na halos akong matapakan. Napapasigaw ako sa mainit na apoy na pumapaso sa aking leeg at sa mga kamay na pilit kumakapit roon. Mas lalo akong lumikot nang tuluyan na akong nakabitin, pilit na lumalaban, pilit na kumakawala, pilit na humihinga kahit sobrang sakit at hirap na. Naramdaman ko na ang biglang pagkamanhid ng aking katawan, unti-unti ay naging pahirapan na ang paghinga hanggang sa kusang bumigay ang aking katawan at alam ko, sa oras na iyon, ay katapusan ko na.
YOU ARE READING
Archiltelle Institute Of Magic
FantasiShe knew. She's different. She's special. She's someone. She is Lilianna Glorie Salvera. Isang teenager na mula sa pinakasimple ngunit magulong pamumuhay. Paano niya haharapin ang isang normal na buhay kung alam niya na naiiba siya? Paa...