“Camille Part III”
Hello po sa mga ka-Spookify, sa aksidenteng nakita ito sa newsfeed nya, sa inaabangan itong story ko, sa sinasabing hindi daw ito totoo pero binabasa nya pa rin ang update ni Admin, at sa Admin na pinopost itong story ko. Salamat sa paglalaan ng oras na basahin ito.
Nabanggit ko sa Part II na isheshare ko yung tungkol sa gustong kumuha sa akin at sa lola kong mangtatawas at sa nanay niya. Bale 2 kwento po sya. So eto na po sya.
'Sama ka sa amin'
Lumipat na kami ng bahay nang mag-3rd year high school ako. Nabalitaan nila Mama ang tungkol doon sa pagtawag sa aking mangkukulam, impakta, may sapi, baliw at kung anu-ano pa sa school.Napilitan kaming makitira sa isa pang bahay ng lola ko na ilang oras din ang byahe mula sa dati naming bahay. Doon sa lugar nila, liblib iyon at may gubat at bundok na makikita. Karaniwang barangay pero sila yung tipo ng mga tao na kapag may bago, friendly sila. Magkakakilala nga silang lahat at halos magkakamag-anak na lang din ang nakatira doon.
3rd periodical test na namin noon sa bagong nilipatan kong school. Unang araw ko doon ay wala akong pinapansin na kahit sino o kinakausap man lang na kaklase ko. Kapag nagtatanong ang teacher, tahimik lang ako na tatayo at sasagot sabay uupo. Weird daw ako sabi ng mga kaklase ko, pero mas weird sila para sa akin.
Matapos ang exam, sobrang pagod ang naramdaman ko. Hindi ko maintindihan pero parang may mabigat na nakadagan sa mga balikat ko. Kaya nang mag-uwian na kami, lumabas na ako agad at naglakad na pauwi (malapit lang kasi yung school doon sa bagong bahay namin).
Habang nasa daan ako, nangungulit 'sila' kesyo bakit daw ang bagal ko maglakad, bakit daw di ko sila pinapansin, kung may mali daw ba sa akin. Mga ganung bagay na sobrang nakakarindi. Kaya instead na tumuloy ako ng uwi, lumiko ako papuntang ilog. Nanghuli ako nang alimasag (yun ba yung tawag sa maliliit na alimango?) sa tabing ilog.
Nang maggagabi na, nagpasya na akong umuwi dala yung mga alimasag na nahuli ko. Nakakailang hakbang pa lang ako ng may lumapit sa akin na matandang babae. Tinanong niya ako, “Ikaw yung apo ni Pascion? (di tunay na pangalan)”. Tumango lang ako matapos ay nagpaalam na para umuwi dahil madilim na talaga. Kaso nga lang, kinilabutan ako ng matindi ng hawakan nya ako sa pulsuhan ko at tumitig sa mata ko habang sinasabing, “Sama ka sa amin?”. Para nya akong hinihipnotismo. Yung mata na ay para akong hinihigop na ewan. Ayokong tumango, ayokong um-oo, ayokong sumama dahil natatakot ako sa kanya, pero yung katawan ko, yung kamay ko ay binitawan yung mga alimasag at hinawakan yung kamay nya at sabay kaming lumakad pabalik doon sa ilog na pinuntahan ko kanina. Nagkukwento sya na maganda daw sa kanila, masagana at walang naghihirap. Walang nag-aaway at lalong hindi sila nagugutom. Tapos nagulat ako ng haplosin nya ang mahaba at makintab kong buhok. Nilaro laro nya iyon sa daliri nya habang naglalakad kami pagkatapos ay aamuyin. Para siyang baliw na ganun ang ginagawa sa buhok ko habang naglalakad kami.
Malapit na kami sa ilog at nawawalan na ako ng pag-asa na makawala sa kanya. Tumigil kami sa pampang ng ilog. Sabi nya tumalon daw ako doon sa tubig. Mababaw lang yun syempre kaya napalingon ako doon sa tubig ng nagtataka. Pagkatingin ko doon sa ilog, may parang magandang imahe ng bahay na may magandang garden at napakagara nung pinto. Yung mga 'nilalang' ang gaganda at ang sasaya. Tatalon na ako ng marinig kong tawagin ako. Si Lola! Nagmamadali nya akong nilapitan kahit na mabato yung pampang ng ilog. Hinanap ko yung matandang babae pero ang nakita ko ay yung mga alimasag na nahuli ko. Sinabihan nya akong huwag ng babalik doon sa ilog at sabay na kaming umuwi lagi. Kaya simula noon, hinahatid sundo nya na ako sa school. Pinutulan din nila ang buhok ko dahil iyon daw ang nakakaakit sa kanila palapit sa akin. Kaya kapag mahaba na ang buhok ko, pinuputulan na nila agad dahil natatakot silang maulit iyon.
“Itim na Mahika at Bato”
Ang nanay ng lola ko, tawagin nating Trining, ay nabuhay ng 93 years. Namatay siya sa tabi ko noon. Bago siya mamatay, binibilin nya sa akin ang itim na mahika at bato niya na ayaw tanggapin ng lola ko. May ibinubulong siyang dasal sa akin at hanapin ko daw yung bato niya at itim na aklat ng mahika.Una, gusto kong kuhanin dahil iniisip kong astig iyon. Ngunit ng malaman ko ang kapangyarihan ng bato, natakot na akong hanapin kung nasaan iyon. Sabi sa akin ni lola Pascion, ang batong iyon ay nilulon ni Lola Trining ng buo hindi para magtransform bilang Darna pero para hindi mamatay agad. Iyon daw ang dahilan kung bakit umabot ng 90+ ang buhay ni lola Trining.
Yung itim na libro naman daw, purong itim na dasal ang laman. May kakayahan iyong magpagaling ng sakit, manggayuma, mangulam o mangbarang, at mangtawas na nalaman na nga ni lola Pascion at kung anu-ano pa. Iyon ang natagpuan ko ng hindi sinasadya.
Nang mamatay si lola Trining, isa ako sa naglinis ng kwarto niya. Kasama ang mga pinsan kong iba at si lola Pascion, sinunog namin ang mga maaaring sunugin na gamit ni lola Trining. Tanghalian na ng matapos kami at dahil gutom na gutom na yata ang pinsan kong tabachoy, nanguna na siyang umalis para kumain. Si lola Pascion, pinauna ko ng kumain dahil may kaunti pa akong lilinisin sa ilalim ng kama nya.
Inalis ko ang mga abubot niya doon sa ilalim ng katre nya. Inangat ko na iyon nang wala ng gamit sa ilalim. Wawalisin ko na lang sana ang kahoy na sahig na iyon ng sumabit yung walis tambo ko doon sa nakausling pako. Umupo ako at inalis iyon. Nang maalis ko, kasama namang natanggal ang pako at sakto na may narinig akong lagabog doon sa ilalim ng sahig. Nilapit ko yung tenga ko doon sa sahig para kumpirmahin at napatalon ako sa gulat nang marinig na naman yung lagabog. Inuka ko yung plywood na sahig at doon ko nakita ang isang sikretong taguan. Nandoon ang iba't ibang kulay at maamoy na langis, mga kuko at buhok na nakaplastic, mga litrato ng tao, mga kandila na iba iba kulay, at dahon dahon na hindi pa nabubulok ni nalalanta. Nandoon din ang itim na libro at nang buklatin ko iyon, mga salitang Latin (ayon kay google) ang nakasulat doon.
Itinago ko ang itim na libro at ibinalik sa dati ang gamit ni lola Trining. Inayos kong muli iyon na parang walang nangyari. Itinago ko ang libro ngunit hindi ko iyon ginagamit. Ayokong magpaalila sa kanila. Ayokong sakupin nila ako. Ayokong gamitin nila ako sa masasamang gawain.
At iyon ang mystery ng family namin.Hindi ko na hinanap ang bato ni lola Trining dahil ayokong diktahan ng itim na kapangyarihan ang itatagal ng buhay ko. Masaya ako kung ano ang inilaan ni God sa akin. Hindi ako susunod sa yapak ng angkan ko at hindi na masusundan ang ganoong tradisyon na pagpapasa ng itim na mahika.
Iyon lang po mga readers! Salamat po Admin. Salamat sa mga nagtitiyagang magbasa at magcomment ng experience din nila. Pasensya na po sa mga humihingi ng tulong at iPM ko daw sila. Gusto ko po kayong tulungan, maniwala kayo, pero hindi ako sigurado kung ang balik ba niyon ay sa akin o sa inyo. Hindi ako sigurado kung ang ganitong kakayahan ay biyaya o sumpa. Kaya mainam na hindi ko na lamang gamitin kaysa magtake ng risk na makapanakit muli. Yun lang readers at admin. Magandang Gabi at God bless us always. Salamat Admin ulit
© to Spookify
BINABASA MO ANG
Compilation Of Horror Stories
RandomA compilation of HORROR STORIES from the page(s)/site(s) Spookify, Creepypasta, etc. ©tto of the sources and the owners of the stories