Una sa lahat nagpapasalamat ako kay Khorie dahil napakarami niyang ibinahagi saking kuwento ng katatakutan at nais ko ding ibahagi ito sa inyo.Sabi ng ibang bihasa sa paranormal na may ibang multo na hindi alam na patay na sila. Kadalasan ang mga multong ito ay ginagawa pa din ang madalas nilang ginagawa nung nabubuhay pa sila. Paminsan minsan napagkakamalan nila tayong mga nabubuhay ang multo. Kung kaya nagiging mausisa sila kapag nakikita nila tayo.
Maaring ang ikukuwento ngayon ni Khorie ay kahalintulad ng binanggit ko kanina.
Narito ang kanyang kuwento:
Parte ng trabaho namin ang pagbisita sa mga stores para mag-inventory kung kaya nakakarating ako sa iba't ibang lugar maging sa mga malalayong probinsya.
Nagkataon naman na napunta kami sa lugar kung saan tourist spot ng bansa, ang Palawan.
Dalawang araw kaming nag stay sa palawan kasama ang kaibigan at katrabaho ko na si Jinky.
"Jinky, tapusin na natin agad para makapagpahinga na." Dahil nga sa dalawang araw lamang ang binigay sa amin kung kaya't minadali namin ang pag-inventory.
"Sige Ate Khorie." Pag sang-ayon niya sa akin.
Matapos ang gawain ay agad na kaming nakabalik sa Hotel na aming tinutuluyan. Masasabi kong maganda ang hotel dahil halos kumpleto na ang kailangan mo at maganda pa ang view dahil makikita mo ang boong karagatan ng puerto princesa.
Kung ako ang papipiliin ayoko munang bumalik sa metro manila kinabukasan, pero dalawang araw lamang ang accommodation namin at pagod na din ang aming katawan kaya kahit ang mamasyal malapit sa hotel ay hindi na namin nagawa, nag - enjoy na lamang kami sa magandang view na tanaw mula sa inuukupa naming kuwarto.
"Sayang Ate Khorie nandito na tayo pero hindi naman tayo makapag enjoy ng bongga."
"Ganun talaga, trabaho lang talaga pinunta natin eh."
"Sige, tutulog na ako."
"Sige, maya maya din matutulog na ako." Ilang oras pa ang pinalipas ko bago ako tuluyang hatakin ng kama.
Kinabukasan bago kami makapag-impake ay nakatanggap kami ng isang text mula sa head office kung saan kami nagtatrabaho.
"Naku Jinky kanselado ang flight natin ngayon."
"Huh? Patingin?" Pinakita ko sa kanya ang text galing office.
"Yun lang."
Sakto naman at nakapag-almusal at nakapaligo na kami kung kaya dali dali kaming pumunta sa airport ng puerto, ilang minutong biyahe mula sa hotel na aming tinuluyan. Sinigurado muna namin kung totoo bang cancelled ang flight ng araw na iyon.
Lumapit ako sa front desk ng naturang airline at ang sabi kanselado nga. Pero may binigay siyang option sa amin, either lumipat kami sa mas maagang flight o hintayin ang flight kinabukasan pabalik ng manila at may libreng hotel accommodation at free food.
Nag-usap muna kami ng kaibigan ko at napagdesisyunan namin ang huli option.
Bumalik kami ng hotel para ayusin ang gamit namin at nagpahatid sa sinasabi nitong free hotel accommodation.
Tanghali ng makumpirma naming kanselado ang flight kaya mga hapon na din kami nakarating sa hotel na paglilipatan namin.
Pagpasok ko palang sa hotel nakaramdam ako ng kakaiba, masyadong mabigat ang awra nito kaya parang hindi ako makahinga. Dim ang mga lights kaya mas nakadagdag ito ng kawirduhan saking pakiramdam pero hindi ako nagpahalata sa kasama ko dahil baka matakot siya.
Pagkabigay ng susi ay agad na din naming tinungo ang kuwarto, pagkapasok namin sa loob tumambad sa amin ang dalawang kama, may isang fully furnished na cabinet, tokador at lampshade table. Kung hindi furnished malamang luma na. Baka napabilang pa sa mga sinauna.
Hindi ko na masyadong pinagka-abalahan iyon ang mahalaga makapagpahinga kami.
Sinalampak ko ang aking katawan sa kama at agad din akong dinalaw ng antok.
Nagising ako dahil sa pagyugyog ni Jinky "Ate Khorie, nagugutom na ako kain na tayo."
Bumangon ako at kinusot ang mata ko dahil parang may naaninag akong bata sa likuran ni Jinky pero ng malinaw na ang paningin ko ay wala na akong nakitang bata.
Nilibot ko pa ang mata ko para lang makasiguro pero wala talaga akong nakita.
"Ano yun Te? May hinahanap ka?" Tanong niya sa akin.
Sa pag-aakalang baka namalikmata kaya hindi ko na lang sinabi.
"Wala, tara na baba na tayo."
Matapos kumain ay nagkanya kanya na kaming pinagka-abalahan.
Pasado alas nuebe na ng gabi ng lumabas ang kaibigan ko dahil may tumawag sa phone niya. Wala kasing signal sa loob kaya ako na lang mag - isa sa loob.
Nakabukas ang T.V ng mga oras na iyon at busy naman ako sa pagkalikot ng aking phone pero napalundag ako sa gulat dahil sa tatlong beses na pagkatok sa pintuan palabas ng kuwarto.
Malakas ang boses ni Jinky kaya dinig na dinig kong hindi pa din siya tapos sa kanyang kausap sa kabilang linya. Mabilis akong tumayo mula sa kama at agad na sumilip sa pintuan.
"Jinky, kumatok ka ba?" Tanong ko sa kanya.
Tinigil niya muna pagka-usap sa kabilang linya "Hindi, Bakit?"
"May kumatok kasi eh. Pumasok ka na lang dito sa loob. Dito mo na lang ituloy ang pakikipag-usap." Utos ko sa kanya.
Nawirduhan man ako ay hindi ko nalang masyadong sinara ang pinto at bumalik sa hinihigaan ko.
Ilang minuto lang din at pumasok ang kaibigan ko at nilock ang pinto.
Halos mag aalas dose na ng hating gabi at wala ka ng maririnig na kahit anong ingay sa kuwarto.
Tulog na ang kasama ko samantalang ako ay nagpapa-antok pa.
Lumipas pa ang ilang minuto at nag-aagaw na ang antok ko sa gising ko pang diwa ng may naramdaman ako sa paligid.
Napatingin ako sa paanan ko at nagulantang sa tatlong batang pinaglalaruan ang kumot ko.
Nakaputi sila pero halos hindi ko maaninag ang kanilang muka dahil dim light lamang ang nakabukas sa kuwarto pero sapat na iyon para makumpirma kong mga bata sila.
Lahat ng balahibo ko sa katawan ay nagtayuan lalo na kung paano nila iwinawagay way ang aking kumot.
Sa takot kung kaya bumalik ako sa pagkakahiga at tinakpan ang mga mata ko ng unan.
Pinakiramdaman ko ang paligid. Nang wala na akong maramdaman kung kaya dahan-dahan kong inalis ang unan ng biglang bumulaga sa mukha ko ang mukha ng isang bata.
Dali dali akong bumangon at binuksan ang ilaw. Kumalat ang liwanag sa kuwarto kasabay ng pagkawala ng mga bata.
Ginising ko si Jinky.
"Jinky, gising."
"Bakit Ate Khorie." Medyo husky pa ang boses niya.
"Puwede bang pagdikitin natin yung kama?"
Kita ko sa muka niya ang pagtataka "Anong nangyari? Bakit namumutla ka?"
Umiling lang ako at sinumulan na naming pagtabihin ang kama. Pagkatapos nun hindi na muli ako ginambala ng tatlong bata.
kinabukasan maaga kaming naghanda para sa pag-alis ng hotel "Okay na ba? Wala na ba tayong nakalimutan?" Tanong ko kay Jinky.
"Wala na, tara na." Bitbit ang gamit ay agad na naming nilisan ang kuwarto pero bago ko tuluyang isara ang pinto ay nakarinig ng mga batang tumatawa.
WAKAS...

BINABASA MO ANG
Paranormal True Stories- Ang malikot na imahinasyon
Paranormal=Ang ilan dito ay mapapakinggan sa youtube under Hilakbot TV= Masyadong malikot ang aking isipan.. At mahilig tuklasin ang mga kakaibang bagay. Sino ba ang ayaw malaman ang katotohanan? Pero minsan nakakaduwag din itong malaman... at nakakabaliw is...