Chapter 1

9.9K 251 2.6K
                                    


                                                            Chapter 1


Napakurap si Diosa nang mapatingin siya sa kaklaseng pinaiyak daw umano ng pamangkin niyang si Cleric. Isa iyong batang-babae at kaklase ng pamangkin niya... Siya ang hiningian ng tulong ng bata kasi natatakot itong mapagalitan ng pinsan niyang si Yumie. Pero hindi alam ng kanyang pamangkin na tinawagan niya ang nanay nito kanina para ipaalam ang problema. Sinabihan na lang siya ni Yumie na huwag kunsintihin si Cleric kung may kasalanan nga ito. Nawala ang iniisip niya nang tumalak ang nanay ng batang inapi daw ng kanyang pamangkin.

"Iyang magaling mong pamangkin, pinaiyak ang anak ko! Nasaan ba kasi ang nanay ng batang iyan at siya dapat ang kausap ko? Dapat, tinuturuan niyang huwag maging suwail ang anak niya!" ang nanggagalaiting wika ng nanay ng bata.

Nag-init ang mga tenga niya sa kayang narinig. Pero nagtimpi pa rin naman siya, binalingan niya ng atensyon ang kanyang pamangkin.

"Totoo bang pinaiyak mo ang classmate mo? Magsabi ka sa akin." ang simple niyang tanong.

Napasimangot ng katakot-takot ang kanyang pamangkin. Tumingin ito sa kaklase nito na kasama ang nanay nitong nanggagalaiti at sa teacher na namamagitan sa kanilang lahat. Tahimik lang ito at nakamasid.

"Eh hindi ko naman po siya pinaiyak! Nag-abot siya sa akin ng sulat tapos binasa ko... Sabi niya, crush daw niya ako tapos... Pinunit ko iyong sulat niya. Sabi ko, hindi ko siya crush. Bawal daw ang ganoon sabi ni Mommy kasi bata pa ako. Tapos, umiyak na siya at isinumbong ako kay Ma'm!"

Nagkatinginan sina Diosa at ang Teacher ng kanyang pamangkin. Pareho silang nagpipigil matawa lalo pa at nakita nilang napahiya ang nanay ng bata. Bigla itong napatigil sa pagtalak kaya naman sinamantala niya ang sitwasyon. Isang sarkastiko at matapang na ngiti ang namutawi sa kanyang labi. Pinanlakihan niya ng mga mata niya ang Ale.

"Eh ang anak niyo naman pala itong may kasalanan eh! Wala naman palang kasalanan itong pamangkin ko. Dapat, kayo ang nagtuturo diyan sa anak niyo na huwag siyang maging malandi. Hindi na kasalanan ng pamangkin ko kung guwapo siya at hindi niya gusto iyang anak mo! Umayos ka!"

Natameme ang Ale at doon na rin sumingit ang guro. Pinagsabihan nito ang dalawang bata at humingi naman ng despensa ang Ale sa kanila. Magkahawak-kamay silang naglakad pauwi ng kanyang pamangkin at habang nasa daan ay nagkakantahan sila. Jack and Jill. Hanggang sa makarating sila sa bakeshop ni Yumie ay ganoon silang magtita. Malakas niyang itinulak ang pinto ng shop at maingay na tumunog ang windchime noon. Magkasunod silang pumasok ng kanyang pamangkin at halos lahat ng tao sa loob na kumakain habang nagkakape ay napatingin sa kanilang dalawa. Pero wala silang pakialam. Nakahalukipkip na sinalubong ni Yumie ang anak nitong si Cleric at nanunuring tumingin dito. Natigil ang kanilang tawanan.

"Oh ano? Kamusta naman ang kaklase mong pinaiyak mo daw?" ang kastigo nito kaagad.

"Mommy, wala akong pinaiyak. Tita, nagsumbong ka?"

Isang alanganing ngiti ang namutawi labi ni Diosa at guilty na napatingin sa kanyang pamangkin.

"Eh ako din naman ang mapapagalitan ng Mommy mo kapag hindi ako nagsabi sa kanya eh. At huwag ka nang mag-alala diyan, wala ka namang kasalanan."

Hindi nagsalita ang kanyang pamangkin kaya naman binalingan na lang niya ang pinsan at saka na niya ikinuwento dito ang nangyari. Natawa na lang si Yumie nang marinig ang kuwento niya.

"Kaya ngayon pa lang eh maghanda ka na, teh. Tiyak na hindi lang iyon ang unang iiyak na babae dito sa anak mo." ang pakli pa niya.

Ginulo na lang ni Yumie ang buhok ng anak niya.

MEN IN ACTION 10: GIN SAN MIGUELTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon