"A-Ate!" Halos madurog ang puso ko nang makita ko ang bangkay ng Ate ko na natagpuang patay sa tambakan ng basura malapit sa amin. Maraming tao na ang naroroon nang dumating ako, mga nakikiusisa kung ano ba ang nangyari sa kapatid ko.
Balot ng packaging tape ang katawan ng Ate ko at halos hindi na makilala ang mukha niya dahil sa pamamaga nito at sugat na tinamo niya. Nanlulumo ako ngayon at pilit na iniisip na hindi ito totoo, na ilusyon at bangungot lamang ang lahat ng ito.
Pakiramdam ko, nakakulong ako ngayon sa isang napakasamang panaginip. Wala akong marinig na kahit ano. Blangko ang isipan ko habang nakatitig sa kanya.
"Tulak 'yan, tulak." Namumutawi sa bibig ng karamihan ng naroroon.
"Nagamit 'yan ng droga, adik 'yan." Ani ng isang babae.
"Kaya pala pinatay." Narinig kong saad ng matandang lalaki sa gilid ko.
Tumayo ako at humarap sa kanila. "Hindi adik o tulak ang kapatid ko!" Sigaw ko sa kanila. Wala silang karapatan na husgahan ang isang tao na hindi naman nila kilala.
"Ano'ng karapatan niyo para sabihin 'yan?! May mga patunay ba kayo sa mga pinagsasabi niyo?!" Nag-unahang bumagsak ang luha mula sa mga mata ko dahil sa galit sa mga humuhusga sa kapatid ko at galit sa mga gumawa nito sa kanya.
Paano ko ipapaliwanag sa kapatid kong mayroong sakit sa puso na patay na ang Ate namin na araw-araw niyang hinihintay na umuwi?
"Wala kayong karapatan magsalita ng ganyan dahil lahat tayo ay pwedeng maging biktima!" Punong-puno ng galit at hinanakit ang boses ko.
"Camilla..." Pilit akong pinapakalma ni Arcee na nasa may likuran ko lamang.
Muli akong humarap sa Ate ko at walang sabi siyang nilapitan kahit pa pinipigilan ako ng mga awtoridad.
Hindi lang Ate ko ang nawala sa akin ngayon, pati na rin ang pamangkin ko na nasa sinapupunan niya at tinanggalan ng karapatan na makita at mabuhay sa mundong ito.
"Magbabayad sila, Ate, magbabayad sila..." Bulong ko habang nakaluhod ako sa tapat ng bangkay niya.
Sisiguraduhin kong makakamit mo ang hustisya, sisiguraduhin ko.
"Ma'am, dumating na po ang ambulansya na kukuha sa bangkay. Sumama na lang po kayo sa amin para po makuhanan kayo ng statement." Sabi ng pulis na lumapit sa akin.
"Camilla, tumayo ka na muna para makuha ang bangkay ng Ate mo." Mahinahong sabi sa akin ni Arcee. Inalalayan naman niya akong tumayo dahil pakiramdam ko ay nanghihina ang buo kong katawan sa nangyari sa kapatid ko.
BINABASA MO ANG
One Summer Night
Narrativa generaleOne summer night, two souls found their comfort in a bed. #BSS7