May mga oras na nagagalit tayo. Yung tipong sinasabi ng iba na nandidilim daw ang paningin nila o di naman kaya minsan eh hindi daw makapag-isip ng maayos. Yung akmang dadampot ng punyal at isasalaksak ito sa dibdib ng taong kanyang kinagagalitan.
May mga oras na nalulungkot tayo. Yung napapatulala ka na lang. Yung sa dami ng tumatakbo sa isip mo, halos manikip na yung dibdib mo dahil sa hindi mo napapansing pagbilis ng iyong paghinga. Yung kulang na lang ay isipin mo na nais mo nang wakasan ang iyong buhay.
May mga oras na masaya tayo. Yung tipong halos mamula ka na sobrang pagtawa o di naman kaya'y hindi na maalis ang ngiti sa iyong mga labi. Yung kung anu-anong pangako ang nagagawa mo sa ibang tao dahil sa iyong pakiwari ay okay ang lahat at hindi ka na ulit tatablan ng malas.
Lahat tayo nakadarama ng labis-labis na emosyon depende kung anong sitwasyon ang kinakaharap mo. Pero kung nakasaad sa dulo ng commercial ng San Mig Light ang "Drink Moderately", dapat ay nagkakaroon ng moderasyon sa mga ginagawa natin sa tuwing nakakaranas tayo ng labis na emosyon.
Nagkakaroon tayo ng mga maling desisyon sa buhay dahil masyado tayong padalos-dalos. Hindi muna natin tinitingnan ang lahat ng aspeto ng isang sitwasyon bago tayo humantong sa isang desisyon. Masyado tayong nagpapadala sa ating mga emosyon na hindi natin namamalayan na maaari na pala itong makapahamak sa atin.
Don't talk when your mouth is full. Nguyain mo munang mabuti ang kinakain mo. Ganyan din sa buhay, bago tayo gumawa ng desisyon, pag-isipan muna nating maigi dahil kung hindi, katulad ng pagsasalita habang may nakasubo sa bibig, hindi tayo maiintindihan at mapupunta lang sa wala ang mga sinasabi natin.
BINABASA MO ANG
Magic Inside the Bonnet
RomansaThoughts from the bee buzzing inside the woven-cloth cap.