Chapter 3

5.5K 150 6
                                    


WARNING: I will only post the first book of this saga here on wattpad for the purpose of promoting the whole series. Thank you for understanding.

Jemimah Remington

“ITO ang magiging unang kasong hahawakan ng team natin,” wika ni Jemimah habang isa-isang inaabot sa mga miyembro ng team ang folder na naglalaman ng unang kasong ibinigay sa kanila ni Director Morales. “Nandiyan din ang profile ng dalawang biktima.”
“Serial killer work?” tanong ni Paul habang binabasa ang laman ng folder.
“Hindi pa natin alam,” sagot ni Jemimah. “Douglas, ang presentation.”
Tumango si Douglas at binuksan ang projector na nasa harap para simulan ang presentation na pinagawa niya dito. “Parehong nasa fifties na nila ang dalawang biktima. Una, si Clark Lumanglas, isang professor sa University of the Philippines. Pangalawa, si David Escartin, isang specialist sa St. Luke’s Hospital. Pareho silang nakitang patay sa isang bakanteng lote malapit sa kanilang mga pinagtatrabahuhan, may gilit sa leeg. Blood loss ang sanhi ng pagkamatay. Hindi pa natatagpuan ang ginamit na murder weapon.”
Tumingin si Paul sa kinatatayuan ni Douglas. “Paano masasabing gawa ng isang serial killer ang mga 'yan?”
Akmang tatayo si Jemimah para siya na ang magtuloy ng presentation nang marinig ang pagsasalita ni Mitchel.
“Parehong may nawawalang parte ng katawan ang dalawang biktima,” ani Mitchel, nakatingin pa rin sa folder na hawak. “Their penis.”
Bumahid ang pagkagulat sa mukha ni Paul. Ganoon din ang naging reaksiyon ni Jemimah nang unang mabasa ang report ng kasong iyon.
“Imposibleng coincidence lang ang lahat ng ito,” pagpapatuloy ni Mitchel. “The killer is either a psychopath who enjoys killing men in their fifties or the killer had a grudge to these men. At ang mga kinuha niyang pribadong parte na iyon ng mga biktima ang isang ebidensya na iisa lang ang gumawa nito. So yes, maybe we have a serial killer to find.”
Tumango-tango si Paul. “At parehong may magandang propesyon ang naging target ng serial killer na 'to.”
Itinuloy na ni Jemimah ang pagtayo. Kinuha niya sa isang box na naroroon ang isang sampling bag na naglalaman ng mga upos ng sigarilyo. “Ito lang ang nakitang ebidensya sa tabi ng mga biktima. Na-check na ng forensics ang mga upos ng sigarilyong ito, DNA ng mga biktima ang nakita.”
Kumunot ang noo ni Paul. “You mean, naninigarilyo pa ang mga biktimang 'yan habang nasa tabi na nila ang killer?”
“Hindi pa natin alam,” tugon niya. “Kaya magsisimula tayong mag-imbestiga sa mismong crime scenes habang hindi pa nawawala ang ibang mga ebidensya.”
Tumango-tango ang mga kasamahang naroroon.
“Paul, Mitchel, kayo na muna ang unang magpunta sa crime scene na malapit sa St. Luke’s Hospital sa Quezon City. Tatawagan namin kayo kapag papunta na kami. Lahat ng posibleng maging ebidensya ay kunin n'yo,” utos niya.
Kumunot ang noo ni Paul. “Hindi mo kami sasamahan?” nagtatakang tanong nito.
“Isasama ko si Douglas sandali, pupuntahan ko ang isa pa nating member na si Ethan Maxwell para ipaalam na may kaso na tayong hahawakan,” sagot ni Jemimah. “Inutos ni Director Morales na palagi natin siyang isasama sa bawat kaso.”
Tumayo si Mitchel at sumuntok pa sa hangin. “Then let’s go,” puno ng pagkasabik na wika nito. “Hindi na ako makapaghintay na makahuli ng isang serial killer. I’ve been researching a lot about them. It’s time to meet one.”
Naiiling na lamang na napangiti si Jemimah sa enthusiasm ng lalaki. “Basta focus muna sa trabaho, Mitchel, okay? No playing.”
Lumaglag ang balikat ni Mitchel. “Siguradong maraming magagandang nurses sa St. Luke’s.”
Sinasabi na nga ba niyang babae na naman ang dahilan ng enthusiasm nito. Tinalikuran niya na lamang ito at inutusan si Douglas na sumunod sa kanya.
Pagkalabas nila ng headquarters ng SCIU ay agad na siyang sumakay sa sariling sasakyan – isang dark blue Toyota Fortuner na iniregalo ng kanyang ama noong maka-graduate sa kolehiyo. Sa Manila ang address na nakalagay sa profile ni Ethan Maxwell. Sana hindi ma-traffic.
“Ito ba ang unang malaking kaso na hahawakan mo?” tanong ni Jemimah kay Douglas habang nagmamaneho.
“Opo, Inspector,” magalang na sagot ni Douglas. “Noong nagtatrabaho pa ako sa PNP, malimit mga raids lamang ang nasasamahan ko.”
Napailing si Jemimah. Kahit na ilang beses niyang sabihin kay Douglas na huwag na siyang tawaging ‘Inspector’, hindi pa rin ito sumusunod. Likas na siguro sa lalaki ang pagiging magalang.
“Ilang taon ka na nga palang nagtatrabaho sa police force?” tanong pa niya.
“Magta-tatlong taon na po,” sagot ni Douglas. “Matagal ko nang pangarap maging pulis pero dahil sa financial problems, ilang beses akong nahinto sa pag-aaral. Kung hindi ko nakilala si Sir Antonio, hindi ko pa matutupad ang pangarap na 'to. Si Sir ang nagpaaral sa akin para makapasok sa police force.”
Tumango-tango si Jemimah. “Mukhang napakabuting tao nga ni Director Morales.”
“Mabuting tao talaga siya, Inspector,” masayang pagsang-ayon ni Douglas. “Napakarami niyang natulungang katulad ko. At ang pangarap niya lang ay makapagbigay ng hustisya sa mga tao.”
Napangiti siya. Bihira lang ang mga taong may mataas na antas sa lipunan ang katulad ni Director Morales. Sana marami pa siyang matutunan sa pagiging miyembro ng team na binuo nito.
Sa buong biyahe, nagpatuloy lamang siya sa pagtatanong ng kung anu-ano patungkol sa buhay ni Douglas. Gusto niyang kilalanin ng husto ang bawat miyembro ng team. Pagkapasok sa loob ng isang condominium place na nakalagay na address sa profile ni Ethan Maxwell, agad niya nang ipinarada ang sasakyan sa underground parking lot.
Lumakad si Jemimah patungo sa front desk na nasa lobby ng isang building, kasunod lamang si Douglas. “Puwede bang malaman ang unit ni Ethan Maxwell?” tanong niya sa isang babaeng attendant.
May tiningnan sa computer ang attendant bago nakangiting tumingin sa kanya. “Your name, please?” magalang na tanong nito.
“Inspector Jemimah Remington,” tugon niya.
“Sandali lang po, Inspector.” Inabot ng attendant ang isang telepono. “Mr. Maxwell, mayro'n po kayong bisita rito sa main lobby. Si Inspector Jemimah Remington daw po.” Tumingin sa kanya ang attendant. “Ano pong pangalan ng kasama niyo?” tanong pa nito.
“PO1 Douglas Ilagan,” muling sagot ni Jemimah.
Inulit ng attendant ang pangalang sinabi niya bago ito tumango-tango. “Sige po, Sir.” Ibinaba na nito ang telepono bago muling ngumiti sa kanya. “Nasa penthouse po siya, Inspector.”
Nagpasalamat si Jemimah sa attendant bago humakbang patungo sa elevator. Nagtuloy-tuloy lang naman ang elevator hanggang sa penthouse. Pagkalabas ay isang pinto lamang sa hallway ang sumalubong sa kanila. Ito na marahil ang unit ni Ethan Maxwell.
Humugot ng malalim na hininga si Jemimah bago pinindot ang doorbell na nasa gilid ng pinto. Ilang segundo lang naman ay narinig na niya ang pag-click ng doorknob. Pinihit niya iyon pabukas at nag-aalangan pang pumasok sa loob.
Agad na sumalubong sa kanilang paningin ang napakalawak na living area. Buong floor marahil ng building na ito ang sakop ng unit. The whole place looked luxurious and spacious. Wala siyang nakitang tao sa living area kaya inabala muna ang sarili sa pagmamasid sa paligid.
Halatang-halata sa interior na lalaki ang nakatira sa unit na ito. Subalit ang ipinagtataka ni Jemimah ay hindi katulad ng sa mga bahay na kanyang napupuntahan, wala ni isang nakasabit na mga larawan o accomplishments sa dingding ng living area. Sa pagkakatanda niya ay dating commander ng Special Forces si Ethan Maxwell kaya malamang na marami itong accomplishments na natanggap para maabot ang ganoong posisyon. O baka nakatago lamang sa isang silid ang mga iyon.
Napahanga si Jemimah sa kagandahan ng buong unit. Halos nakapalibot sa buong silid ang bookshelves na naglalaman ng napakaraming mga libro. Gawa naman sa rattan ang mga sofas na nasa gitnang parte ng living area. Napakarami ring mga antique stuffs na nakalagay sa isang cabinet,  malapit sa desk area na kompleto sa computer equipment.
Sa isa namang side ng living area ay naroroon ang isa pang silid na kitang-kita dahil gawa sa glass ang dingding. Punong-puno ng mga gym equipment ang silid na iyon. That must be Maxwell’s personal gym. Napaisip tuloy si Jemimah kung gaano kalaki ang suweldo nito bilang isang private detective, o marahil ay naipundar iyon ng lalaki noong nagtatrabaho pa sa Special Forces.
Muling iginala ni Jemimah ang paningin at napansin na napakaraming CCTV’s ang nasa loob ng unit na iyon. Pinapanood ba sila ngayon ng lalaki sa kung saan mang kuwarto ito naroroon? Tumitig siya sa isa sa mga CCTV sa loob ng ilang sandali.
Napalingon lamang siya sa isang pinto nang marinig ang pagbukas niyon. Lumabas mula doon ang isang lalaki na malamang ay si Ethan Maxwell.
Jemimah was stunned for a short while. The word ‘handsome’ was not enough to describe the man walking towards them. Nakasuot lamang ang lalaki ng puting long-sleeved T-shirt na ilang butones ang nakabukas at itim na trousers. He was tall and tanned and muscular. She could even see a glimpse of his muscled chest. Magulo ang itim na itim na buhok nito na bahagyang tumataklob sa mga tainga. May cleft chin din ito na mas higit nakadagdag sa angking kaguwapuhan. Lahat ng parte ng mukha at katawan nito ay animo nililok ng isang tanyag na iskulptor.
And his eyes... he had blue eyes. Tumingin ang lalaki sa kanya. He had the coldest eyes she had ever seen. His eyes were cold like those of a heartless monster. Wala siyang makita ni isang emosyon sa mga matang iyon.
Iniiwas ni Jemimah ang tingin sa lalaki, hinihiling na sana ay hindi ito katulad ni Mitchel na may alam sa profiling. Hindi niya gusto ang nararamdamang biglaang pagbilis ng tibok ng puso. Ano ba ang nangyayari sa kanya? Was she attracted to that man? Hindi. Hindi puwede.
“Magandang umaga po, Sir. Ako po si PO1 Douglas Ilagan,” narinig niyang wika ni Douglas na nasa tabi. Sumaludo ito kay Ethan. “Napag-alaman ko po na dati kayong commander sa Special Forces. I’m at your service, Sir. Ipag-utos niyo lang po ang kailangan kong gawin.”
“Dati,” wika ni Ethan sa baritonong boses. “Hindi mo na kailangang sumaludo sa akin ngayon.”
Ibinalik ni Jemimah ang tingin kay Ethan. Napaka-fluent nito sa pagsasalita ng Tagalog. She thought he was a foreigner because of his blue eyes. O baka half lamang.
Humugot siya ng malalim na hininga para ibalik ang kalmadong kaisipan. “Ako nga pala si Inspector Jemimah Remington, ako ang magiging—”
“I know,” putol sa kanya ni Ethan. “Nakita ko na ang profiles niyo sa ibinigay sa aking files ni Antonio. Kahapon ko pa kayo hinihintay. Paano kayo makakahanap ng kriminal kung nagpapatagal kayo ng ganito?”
Nakaramdam ng pagkainis si Jemimah dahil sa sinabi ng lalaki. Binabawi niya na ang sinabi sa sarili na na-attract siya dito. No one had ever talked to her like that. At sa pagkakatanda niya ay siya ang leader ng team na ito. “Pagpasensiyahan mo na pero hindi lang naman ikaw ang miyembro ng team na ito at may headquarters kami na—”
“It’s a serial killer,” muling putol sa kanya ni Ethan. Pabagsak itong naupo sa isa sa mga sofa at ipinatong sa mesa ang folder na kanina pang hawak-hawak. “Ipinadala rin sa akin kahapon ni Antonio ang case files na 'yan. Have a seat,” alok pa nito.
Jemimah gritted her teeth. Kung umasta ang lalaking ito ay para bang ito lamang ang may karapatang magsalita. Ginawa niya ang lahat para huwag magpakita ng pagkainis at sumunod kay Douglas nang maupo ito sa katapat na sofa ni Ethan.
“Gusto niyo ba ng maiinom? Coffee?” tanong pa ni Ethan.
“Nagpunta kami rito para ipaalam sa'yo ang tungkol sa kaso,” ani Jemimah. “Ngayong alam mo na pala, pupuntahan na lang namin ang dalawa pa nating kasama sa team na abala ngayon sa crime scenes.”
Tumingin sa kanya si Ethan. “Galing na ako sa dalawang crime scene na iyon kahapon,” anito. “Wala na silang mahahanap na ibang ebidensya doon kaya pabalikin mo na lang sa headquarters niyo.”
Hindi naitago ni Jemimah ang pagkagulat. Nanggaling na ang lalaki sa crime scenes? Ngayon naiintindihan niya na kung bakit nasabi nito ang mga kinainisan niyang salita kanina. This was the first time she felt ashamed and incompetent since she worked in this kind of job.
Inutusan niya si Douglas na tawagan sina Paul para pabalikin na lamang sa SCIU Headquarters. Mabilis namang sumunod ang lalaki at sandaling lumayo.
Ilang sandaling katahimikan ang bumalot sa paligid nang silang dalawa na lamang ni Ethan ang naiwan sa living area. Hindi alam ni Jemimah ang itatanong. Pakiramdam niya kasi ay bigla siyang nanliit sa harapan ng lalaking ito.
“Ito ang kauna-unahang pagkakataon na may makakasama ako sa isang trabaho simula nang umalis ako sa Special Forces,” pagbasag ni Ethan sa katahimikan. “Gusto kong maging maayos ang lahat ng kasong hinahawakan ko. Siguro naman ay ganoon din ang gusto niyo.”
Tiningnan ni Jemimah ang lalaki. Wala pa rin siyang sinasabi.
Bumuntong-hininga si Ethan. “Sabihin mo lang sa akin kung hindi mo ako gustong katrabaho. Hindi niyo na kailangang pumunta rito kung ganoon, puwedeng tumawag na lamang ako kung sakaling may mahanap na panibagong lead.”
“Hindi ganoon ang isang team,” mariing wika ni Jemimah. “A team should be united as much as possible. At kahit hindi ko gusto ang ugaling ipinapakita mo, miyembro ka pa rin ng team ko kaya kailangan kitang tanggapin. Gusto ko rin naman na maging maayos ang lahat ng kasong hahawakan ng team na 'to.”
Ilang sandaling nakatitig lamang sa kanya si Ethan, bahagya pang kumunot ang noo. Pero nawala rin iyon nang ilipat nito ang tingin kay Douglas na kababalik lamang. “Alam niyong may kasunduan kami ni Antonio na hindi pa rin ako magiging parte ng SCIU kahit pumayag akong sumama sa team na 'to, hindi pa rin ako pupunta sa headquarters niyo kung hindi naman kinakailangan.”
“Puwede naman kaming magpunta rito,” sagot niya.
Ibinalik ni Ethan ang tingin sa kanya. Mahabang sandaling hindi ito nagsalita bago nakita ang pagtaas ng isang gilid ng labi nito para sa isang ngiti. “A team,” sambit nito, mahina pero tama lamang para marinig niya.
Muli na namang natigilan si Jemimah. Hindi niya inaasahan na marunong palang ngumiti ang lalaki. But that smile didn’t reach his eyes. It seemed trained, as well. Katulad ng kung paano ito nag-training ng mga combat skills sa militar.
Hindi niya maunawaan kung bakit tila nakaramdam siya ng hindi maipaliwanag na pagkaawa sa lalaki. Wala siyang ideya kung ano ang pinagdaanan nito. Walang ideya kung bakit ito umalis sa Special Forces o kung ano'ng nangyari sa buhay nito para maging ganoon kalamig ang mga mata. She didn’t want to feel this way but couldn’t help it. Ethan Maxwell was so mysterious that she wanted to know all his secrets.
“So ano bang gusto niyong inumin? May kape rito, juice, tea. Mayro'n ding beer o wine,” muling alok ni Ethan.
“Magka-kape na lang po ako,” sagot ni Douglas.
Tumingin si Ethan sa lalaki. “Go ahead, magtimpla ka lang sa kusina.”
Natigilan si Douglas pero agad din naman itong tumango. “Gusto niyo rin po ba ng kape, Inspector?” tanong pa nito.
Umiling lang si Jemimah, pinipigilan ang mapatawa. Hanggang sa makalayo si Douglas para hanapin ang kusina ay kagat-kagat pa rin niya ang pang-ibabang labi. Pero hindi na napigilan ang sarili nang ibalik ni Ethan ang tingin sa kanya.
“Napaka-hospitable mo,” natatawang wika niya. Ngayon lang siya nakakita ng taong nag-alok ng maiinom pero ang bisita pala ang pagtitimplahin.
Umiling lang naman si Ethan, pero may bumahid nang enjoyment sa asul na mga mata.
He’s not that cold. Naisip ni Jemimah. Sa kabila ng malamig na pakikitungo ng lalaki sa iba, sigurado siya na may damdamin pa rin naman ito. She knew there was also warmth behind those cold, blue eyes. Kailangan lang nito marahil makihalubilo muli sa mga tao.
Tumikhim si Jemimah. “Sinabi mo kanina na gawa ng isang serial killer ang mga krimeng iyan. Ganyan din ang sinabi ni Mitchel, ang profiler na kasama natin sa team.”
Tumango si Ethan. “It’s a serial killer. And he will kill again, for sure.”
Gulat siyang napatingin sa lalaki. Nasa boses nito ang kasiguruhan at hindi alam ni Jemimah kung bakit agad siyang naniwala dito.
Inabot ni Ethan ang folder na inilagay nito sa mesa kanina at binuksan iyon. May inilabas itong mga larawan. “Iyan ang mga kuha sa dalawang crime scenes.” Itinuro nito ang dalawang larawan kung saan naroroon ang upos ng mga sigarilyo sa lupa, katabi ng bangkay ng dalawang biktima. “According sa results ng forensics na nag-analyze ng mga sigarilyong ito, DNA lang ng mga biktima ang nakuha. Hindi naman katanggap-tanggap na magagawa mo pang makapanigarilyo kahit nasa harap mo na ang taong papatay sa'yo. So the explanation is that the killer may have forced his victims to smoke these cigarettes before killing them.”
Kumunot ang noo ni Jemimah. “Bakit niya naman gagawin 'yon?”
“Hindi pa natin alam ang sagot diyan.” Ibinalik ni Ethan ang atensyon sa mga larawan. “Kung papansinin mo, sa tabi ng unang biktimang si Clark Lumanglas, may limang upos ng sigarilyo. Dito sa tabi ng pangalawang biktimang si David Escartin, apat lang.” Tumingin sa kanya ang lalaki. “The killer has a countdown. Which means there are three more to go.”
Napahawak na sa ulo si Jemimah. “Kailangan nating mahanap kaagad ang serial killer na 'yan.” Pero hindi niya alam kung paano, hindi alam kung paano magsisimula. Ito ang kauna-unahang pagkakataon na nakahawak siya ng isang serial killer case.
“Kailangan muna nating alamin kung ano ang pattern niya,” ani Ethan. “Hindi ganoon kadaling maghanap ng isang tao sa loob ng napakalaking lugar.”
Tumango-tango siya. “Sa ngayon, tanging sa Quezon City pa lamang nagaganap ang pagpatay. At napakalaki pa rin ng siyudad na 'yon para maghanap ng isang tao.”
Sabay silang napatingin ni Ethan kay Douglas nang bumalik ito sa kusina dala ang isang tasa ng kape. Naupo ang lalaki sa tabi niya at ipinatong sa mesa ang tasa.
“Douglas, right?” tanong ni Ethan sa lalaki. “Tawagan mo uli ang iba pang kasama natin sa team at papuntahin mo na lang dito. Gusto kong makausap ang profiler natin.”
Tumango naman si Douglas at mabilis na sumunod.
“He’s the errand boy in the team, right?” tanong sa kanya ni Ethan nang makaalis si Douglas.
“Hindi ko naman siya itinuturing na ganoon,” aniya. “Masyado lang talaga siyang magalang at... mabilis sumunod.”
“Bago pa lang naman siya sa ganitong trabaho, ang mahalaga ay may naitutulong siya kahit papaano.”
Ibinalik ni Jemimah ang tingin sa mga larawang nasa mesita. “Lahat ng mga biktimang ito ay may magandang trabaho. And these men were in their fifties. Bakit?”
“Hindi natin lubos na maiintindihan hangga’t hindi nahuhuli ang gumawa niyan,” ani Ethan. “Hindi madaling humuli ng isang serial killer. Matalino sila at pinagpaplanuhan ang bawat paggalaw. Sigurado ka bang ayos lang sa'yo ang ganitong klase ng trabaho?”
Tumingin siya sa lalaki. “Iniisip mo ba na hindi ko kaya 'to dahil babae ako?”
Nakatingin lamang sa kanya si Ethan, hindi sumagot.
“Gagawin ko ang lahat para makapagbigay ng katarungan sa mga tao,” pagpapatuloy ni Jemimah.
Nakita niya ang pag-ismid ni Ethan. “Justice is not easily served. At hindi lahat ay nabibigyan ng katarungan,” puno ng pait na wika nito.
Hindi napalampas ni Jemimah ang galit na bumahid sa asul na mga mata ng lalaki. Magtatanong sana siya pero hindi na nagawa nang bumalik si Douglas.
“Papunta na raw po sila,” wika ni Douglas kay Ethan.
Tumango naman si Ethan. “Gusto n'yo ba ng makakain, mag-oorder lang ako sa 'baba,” pagkasabi niyon ay lumakad na ito patungo sa kinaroroonan ng telepono.
Sinundan lamang ni Jemimah ng tingin ang lalaki. Sigurado siya na may masamang nangyari dito para makapagbitaw ng ganoong mga salita. Gustuhin man niyang alamin pero alam niya na hindi ganoon kadali magbukas ng sarili sa ibang tao.
Inalis niya na lamang iyon sa isipan at mas piniling pag-aralan muli ang case file na nasa mesa. Ang dapat niyang iniisip ngayon ay kung paano mahuhuli ang serial killer na gumagala sa Quezon City. Kung totoo nga ang sinabi ni Ethan na may kasunod pa ang mga pagpatay na ito, kailangan talaga nilang magmadali.
Halos mag-iisang oras din siguro ang hinintay nila bago dumating ang dalawa pang kasamahang sina Paul at Mitchel. Abala pa sila sa pagkain ng mga pina-deliver ni Ethan dahil tanghalian na rin naman.
“Food, at last,” masayang wika ni Mitchel bago dali-daling naupo sa tabi niya at umabot ng pagkain. “Oh.” Napatigil ito nang mapatingin sa kinauupuan ni Ethan. “Pare, ako nga pala si Mitchel Ramos. Ako ang profiler sa team na ito. At ang kasama ko naman ay si Paul—”
“Kilala ko na siya,” putol ni Ethan sa lalaki.
“Oh.” Tumango-tango lamang si Mitchel bago ibinalik ang pansin sa pagkain.
Napatingin si Jemimah kina Ethan at Paul nang magkamay lamang ang mga ito. Pagkatapos ay naupo na si Paul sa isang single sofa.
Kinuha niya ang isang plato at iniabot iyon kay Paul. “Kumain ka na muna ng lunch. Mamaya magme-meeting na tayo,” aniya.
Ngumiti naman si Paul. “Salamat. Kumain ka na ba?”
Tumango lang si Jemimah at ginantihan ang ngiti ng lalaki. Ilang sandali niyang pinagmasdan ang mga lalaking naroroon. Sa wakas, nakikita niya nang buo ang sariling team. Hindi niya maipaliwanag ang kasiyahang nararamdaman dahil sa oportunidad na ito. Hindi man sila pare-pareho ng pag-uugali, hinihiling niya na sana ay magkasundo-sundo rin sila balang-araw at katulad ng sinabi ni Director Morales ay maging best investigation team sila sa buong SCIU. Sana.
Pagkatapos kumain, agad nang inilatag ni Ethan ang mga larawan ng crime scenes sa mesita.
“Ugh, kakakain lang namin,” reklamo pa ni Mitchel.
Binatukan ni Jemimah ang lalaki, hindi naman kalakasan. “Kailangan nating magtrabaho kaagad.”
Naiinis na napabuntong-hininga si Mitchel.
“Kailangan ko ang tulong mo kaya ko kayo pinapunta rito,” panimula ni Ethan, kinakausap si Mitchel.
Itinuro ni Mitchel ang sarili. “Ako?”
“You’re the profiler of the team, right?” Tiningnan ni Ethan ang mga files na nasa mesita. “Gusto kong sabihin mo sa akin lahat ng na-profile mo sa serial killer na ito.”
Bumuntong-hininga si Mitchel bago pinagmasdan ang mga nakalagay sa mesang naroroon. “Katulad din siya ng halos lahat ng mga serial killers, halatang pinagplanuhan ang bawat kilos. I think our killer has a huge grudge for these men.” Itinuro nito ang isa sa mga larawan. “Sa nakikita niyo, parehong pinutulan ng kaligayahan ang mga lalaking ito. Which only means that these men were either cheaters or rapists. It’s obvious. Malamang may nakaraan ang kung sinomang gumawa sa kanila ng ganito, baka pinagtaksilan siya o kaya ay nagahasa.”
“Hindi pa nakikita ang mga naputol na... na ari ng mga biktimang 'yan,” wika ni Jemimah. “Posibleng ginawang koleksiyon nang kung sinomang pumatay sa kanila.”
“Collection?” ulit ni Paul. “Hindi pa rin ako makapaniwala na may taong gustong kumolekta ng isang parte ng katawan ng tao. And a penis, to be exact.”
“Maybe the killer’s going to use it as dildo,” ani pa ni Mitchel bago tumawa ng malakas. Nang mapansin ng lalaki na lahat sila ay hindi makapaniwalang nakatingin dito ay saka lamang tumigil sa pagtawa.
“So malamang na ang hinahanap po natin na killer ay isang babae?” narinig nilang tanong ni Douglas.
“Hindi dahil pumapatay ng mga lalaki ay isa nang babae,” sagot ni Ethan may bahid ng inis. “With that kind of thinking, hindi ko alam kung makakahuli ka ng isang kriminal.”
Napayuko si Douglas. “P-pasensiya na po.”
Napatingin si Jemimah kay Ethan. He was a one hot-headed man despite his cold eyes. Napailing na lamang siya. “Douglas, gusto kong alamin mo kung may mga police records ba ang mga biktimang ito, lalo na kung tungkol sa rape or harassment. That will be your assignment.”
“Opo, Inspector,” magalang na sagot ni Douglas.
“Paul and Mitchel, puntahan niyo ang address ng biktimang si Clark Lumanglas at kausapin ang mga kamag-anak niya. At kung may pagkakataon, humanap kayo ng mga ebidensya na magiging rason kung bakit may pumatay sa kanila,” utos naman ni Jemimah sa dalawa pang kasamahan.
“Sino ang pupunta sa lugar ni David Escartin?” tanong pa ni Paul.
“Ako na ang bahala doon,” sagot niya.
Bumahid ang pag-aalala sa mukha ni Paul. “Gusto mo bang samahan na lang kita?”
Umiling si Jemimah. “Kaya ko nang mag-isa. At kapag tapos na naman si Douglas sa pinagagawa ko, puwede niya akong samahan.” Ngumiti pa siya.
“Kung gano'n, magsimula na tayong kumilos,” wika naman ni Mitchel, tumayo. “Habang may araw pa, kailangang makahanap tayo ng maraming lead.”
Tumayo na rin si Paul. “Sasabay ka na ba sa amin paalis, Jemimah?” tanong pa nito.
“Hindi na,” tugon niya. “Pero puwede niyong isabay si Douglas. May ilan pa kasi akong katanungan kay Ethan.” Sinulyapan niya si Ethan na nakaupo lamang at nakatingin sa kanila.
Ilang sandaling kakikitaan ng pag-aalangan si Paul pero tumango na rin at sumunod kina Mitchel sa paglabas ng unit. Nang tuluyang makaalis ang mga kasamahan, inilipat ni Jemimah ang tingin kay Ethan. Kasalukuyan nang inaayos ng lalaki ang mga kalat sa mesita.
“Hindi ka ba marunong magsalita ng maayos? Nang hindi pinapairal ang init ng ulo mo?” tanong niya.
Itinigil ni Ethan ang ginagawa at tumingin sa kanya. Hindi ito sumagot, puno lamang ng kalamigan ang asul na mga mata.
“Alam ko na stupid ang tanong ni Douglas kanina, pero hindi mo naman dapat siya pinagsabihan ng gano'n,” pagpapatuloy niya.
“Walang stupid na tanong sa mundong ito, mga tao lamang na estupido at hindi marunong mag-isip ng tamang itatanong,” tila balewalang sagot ni Ethan.
Bumalot ang pagkainis sa buong pagkatao ni Jemimah. “Bago lamang siya sa ganito, maging sa police force. Huwag kang masyadong harsh sa lahat ng tao. Hindi ko alam kung ano'ng nangyari sa'yo o kung anuman ang ginawa ng mundo para maging ganito ang ugali mo. Pero hindi rason iyon para manakit ka ng damdamin ng iba, lalo na ng mga taong pilit na tinutupad ang kanilang mga pangarap.”
Mahabang sandaling nakatitig lamang sa kanya si Ethan. Humugot ito ng malalim na hininga bago ini-iling ang ulo. “Ito ang dahilan kaya ayokong may mga nakakatrabaho, ayokong pinapakialaman ang buhay ko.”
“Well, I’m sorry for that. Pero wala ka nang magagawa dahil pumayag kang sumali sa team na ito. At hangga’t ako ang team leader ay hindi ko hahayaang masira ito ng ganoon-ganoon lang. I am the team leader, Ethan Maxwell. At inuutusan kitang mag-apologize kay Douglas dahil sa sinabi mo kanina.”
Puno ng talim ang tingin ni Ethan. “Bakit ko gagawin 'yon? Kailangan niyang matuto kung gusto niyang magtagal sa ganitong trabaho.”
“Then you’re admitting na sinabi mo lang 'yon para matuto siya at hindi dahil estupido siyang tao?” Ngumisi si Jemimah. “I’ll let that go, then. Kung iyon naman pala ang dahilan kaya sinabi mo 'yon.”
Sumiklab ang galit sa mga mata ng lalaki. Pero wala na naman itong nasabi nang tumayo na siya para magpaalam.
“Sana lang sa susunod ay isipin mo muna kung makakasakit ang mga salitang bibitawan mo,” wika niya. “Kailangan ko nang umalis para magawa ang trabaho ko.”
Akmang lalakad na palayo si Jemimah nang marinig ang muling pagsasalita ni Ethan.
“Sasamahan na kita papunta sa lugar ni David Escartin,” anito na ikinagulat niya. “Plano ko rin namang bisitahin ang mga kamag-anak ng mga biktima para magbaka-sakaling makahanap ng panibagong lead.”
Ibinalik niya ang tingin sa lalaki at nakitang nakatayo na ito. Bumalik na lamang siya sa pagkakaupo nang sabihin nitong magbibihis lamang. Hindi napigilan ni Jemimah ang mapangiti nang mawala sa paningin ang lalaki. Being with Ethan Maxwell made her feel different kinds of emotions. Hindi niya alam kung bakit ganoon ang nararamdaman.

A/N: I will be updating this story every Wednesday and Friday.
Can't wait?
Cold Eyes Saga Books 1-5 are available in all Precious Pages Bookstores & National Book Stores.
Cold Eyes Saga 1: Behind The Eyes Of A Monster (512 pages, Php 179.00)
Cold Eyes Saga 2: One Heart, Two Hearts (512 pages, Php 179.00)
Cold Eyes Saga 3: There Will Be More Blood (512 pages, Php 179.00)
Cold Eyes Saga 4: The Hunter And The Hunted (512 pages, Php 179.00)
Cold Eyes Saga 5: Bury The Hatchet (640 pages, Php 219.00)

[Completed] Cold Eyes Saga 1: Behind The Eyes Of A Monster [FILIPINO]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon