Chapter 28
Killer
“HANGGANG kailan mo pa ba ako balak ikulong sa lugar na 'to?”
Napatingin siya kay Ramon Maranan na nakagapos ang mga kamay at paa sa isang upuan. Nasa loob sila ng isang hotel room. Ngumisi ang killer bago nilapitan ang lalaki. Ilang linggo na mula nang ikinulong niya sa lugar na ito si Maranan.
“Huwag kang mag-alala, hinihintay ko lang na sumapit ang bagong taon,” sagot niya. “Ilang minuto na lang, oh.” Sumulyap pa siya sa wall clock.
Kitang-kita ang takot na dumaan sa mga mata ni Ramon. “W-walang hiya ka!” sigaw nito. “Halimaw ka! Mamamatay-tao! Pakawalan mo ako dito!” Muli na namang nagwala ang lalaki sa kinauupuan katulad nang madalas nitong gawin.
“Halimaw?” natatawang ulit ng killer. Nilapitan niya si Ramon bago ito pinakatitigan ng puno ng kalamigan. “Hindi ako ang halimaw na iniisip mo. Ako ang halimaw na ginawa mo, ginawa n'yo.” Ilang sandali siyang huminto. “Hindi naman puwedeng gumawa kayo ng isang halimaw pagkatapos ay sisisihin n'yo siya. Hindi naman tama iyon, 'di ba? You made me like this. You should never talk bad about me. You should be proud instead.”
Narinig niya na ang paghagulhol ng iyak ni Ramon habang takot na takot na nagmamakaawang huwag itong patayin.
Tiningnan niya ito at marahang hinaplos ang mukha. “Titigil na sana ako. Hindi ko na sana itutuloy ang paghihiganting ito,” aniya. “Pero bakit kailangan mo pang lumabas? Bakit kailangan mo pang guluhin na naman ang lahat? Gusto kong maging masaya pero hindi ko magawa hangga’t alam kong nabubuhay pa kayo. Hangga’t alam kong maaari n'yo pang sirain ang lahat-lahat.”
Tinalikuran ng killer ang lalaki bago inilabas ang isang .45 caliber gun. Nakasuot siya ng gloves para hindi makapag-iwan ng fingerprints sa baril. “Alam mo ba na tuwing haharap ako sa salamin... hindi ko magawang makita ang sarili ko. Ang tanging nakikita ko lang ay kayo... ang mga taong gumawa sa akin ng kasamaan... sumira sa buhay ko.” Galit na galit niyang tiningnan si Ramon. “Kayo ang unang naging halimaw.”
“T-tigilan mo na 'to... p-parang awa mo na,” pagmamakaawa pa ni Ramon. “Walang mangyayari sa ginagawa mong ito. Sa tingin mo ba ay may mababago pa? Isa kang mabuting tao simula pa noon... a-alam ko 'yon.”
Tumalim ang kanyang mga mata. “Hindi mo ako kilala, Ramon,” malamig na wika ng killer. “Hindi mo alam ang sakit na pinagdaanan ko. Hindi mo alam ang galit na nasa puso ko! Wala kang alam!”
Nanginig ang buong katawan ni Ramon nang makitang itinaas niya ang hawak na baril, itinapat sa sentido nito. “H-huwag... h-h-huwag...” garalgal na pagmamakaawa nito.
“Hindi mo pa rin ba sasabihin kung nasa'n ang hinahanap ko?” mayamaya ay tanong ng killer.
“Papatayin mo pa rin ako kapag sinabi ko, hindi ba?” tanong ni Ramon, may galit na ang mga mata. “Mahuhuli ka rin balang-araw. Sigurado akong makikita ng mga taong naghahanap sa'yo ang iniwan kong mensahe kung sakaling mangyari 'to.”
Nag-igting ang kanyang mga bagang at higit na idiniin ang ulo ng baril sa sentido ng lalaki. “Kaya kong idamay ang kahit na sino, Ramon,” mariing wika niya.
Akmang magsasalita pa si Ramon nang iputok niya na ang baril kasabay ng malakas na putukan sa labas ng iba’t ibang mga paputok bilang pagsalubong sa Bagong Taon. Pinagmasdan niya lamang ang lalaking wala nang buhay at ang dugong umaalpas mula sa sentido nito.
Inalis ng killer ang mga gapos ng lalaki bago basta na lamang ibinagsak sa sahig. Pagkatapos, inilagay niya sa isang kamay ni Ramon ang hawak na baril. Gusto niya sanang gawin dito ang ginawa kina Clark Lumanglas, David Escartin at Joey Levin subalit wala nang panahon para doon. Gusto niya nang matapos ang lahat ng ito. Hindi na rin naman importante ang paraan ng kanyang pagpatay, ang mahalaga ay maglaho na ang kanyang nakaraan.
Hinubad niya ang gloves na nasa kamay at inayos ang cap na suot bago lumabas sa hotel room na iyon. Sinulyapan niya ang mga CCTV’s na nasa hallway. Siya na ang bahala doon mayamaya. Hindi niya alam kung ano ang mensaheng iniwan ni Maranan para sa mga naghahanap sa kanya. Kailangan niyang mahanap iyon.
A/N: I will be updating this story every Tuesday and Thursday.
Can't wait?
Cold Eyes Saga Books 1-5 are available in all Precious Pages Bookstores & National Book Stores.
Cold Eyes Saga 1: Behind The Eyes Of A Monster (512 pages, Php 179.00)
Cold Eyes Saga 2: One Heart, Two Hearts (512 pages, Php 179.00)
Cold Eyes Saga 3: There Will Be More Blood (512 pages, Php 179.00)
Cold Eyes Saga 4: The Hunter And The Hunted (512 pages, Php 179.00)
Cold Eyes Saga 5: Bury The Hatchet (640 pages, Php 219.00)
BINABASA MO ANG
[Completed] Cold Eyes Saga 1: Behind The Eyes Of A Monster [FILIPINO]
Mystery / Thriller*Won 2016 PHR Novel Of The Year* "Hush... There's a monster in you..." Isang pambihirang oportunidad ang dumating kay Police Inspector Jemimah Remington nang bigyan siya ng sariling team ng direktor ng SCIU, ang pinapasukan niyang ahensiya na humaha...