Chapter 25
Jemimah Remington
“SO KUMUSTA naman ang naging date n'yo ni Ethan kagabi, ha?” narinig ni Jemimah na tanong ni Mitchel. Nagitla pa siya dahil hindi namalayang nakatabi na pala ito sa kanya. Naroon sila ngayong araw sa penthouse ni Ethan, ang wala lamang ay sina Paul at Theia. Nasa labas naman si Douglas dahil may tumawag dito.
“Hindi nga kami nag-date,” naiinis na wika ni Jemimah, pabulong. Sumulyap pa siya sa pinto ng kuwarto ni Ethan para masigurong hindi pa ito lumalabas.
Ngumisi si Mitchel, halatang hindi pa rin naniniwala. Hindi niya na pinag-ukulan ng pansin ang lalaki at muling binasa ang hawak na reports – iyon ang report na ipinadala ng police department na nag-imbestiga noon sa kaso ni John Rodriguez.
“Robbery and murder,” usal ni Jemimah.
Sinilip ni Mitchel ang kanyang binabasa. “John Rodriguez,” anito. “Hindi ba 'yan ang namatay na ama ng kaibigan mong si Alexa? Bubuksan mo ba uli ang kaso for re-investigation?”
“Hindi ko alam,” sagot ni Jemimah. “Siyempre, kailangang ang kamag-anak ng biktima ang magpabukas uli ng kaso. Hindi ko alam kung ano ang magiging reaksyon ni Alexa kapag nalaman niyang iniimbestigahan uli natin ang pagkamatay ng kanyang ama.”
“Kailangan lang makahanap ng link sa kasong 'yan at sa iniimbestigahan natin,” singit naman ng boses ni Ethan. Sabay silang napatingin dito ni Mitchel. “Kapag nakahanap na tayo, hindi na kailangan ng permiso ng kaibigan mo dahil tungkol na ito sa imbestigasyon natin.”
Tumango-tango si Jemimah. Kailangan niya itong gawin kahit na masaktan ang kaibigan. Kailangan na nilang mapatigil ang serial killer na hinahanap.
Tumabi sa kanya si Ethan. “What’s the autopsy report?” tanong pa nito.
“Blood loss, ginilitan siya sa leeg ng magnanakaw bago pinagsasaksak sa katawan,” sagot niya. “There were twenty-seven stab wounds.”
“Twenty-seven?” singit ni Mitchel. “Wow, kung robbery lang talaga ang pakay ng gumawa niyan, sapat na ang gilit sa leeg. Stabbing the victim over and over again was a different story. Halatang galit na galit ang kung sinomang pumatay sa Rodriguez na 'yan.”
“Mitchel’s right,” ani Ethan. “Hindi 'yan simpleng pagnanakaw lang. Kailangan natin muling makausap si Ramon Maranan. Siya na lang ang nag-iisang lead natin sa kasong ito. Kailangan niyang sabihin lahat ng mga itinatago niya, maging ang dahilan kung bakit madalas siyang magpunta sa bahay ng mga Rodriguez noon katulad ng sinabi ng kaibigan mong si Alexa.”
Tumango siya. “Mabuti na lang napahanap ko ang address ni Ramon Maranan. We can go there tonight.”
Tumingin sa kanya si Ethan. “Ayos lang ba sa'yo? It’s Christmas Eve.”
Ngumiti si Jemimah. “Walang problema. Kailangan natin siyang makausap agad, 'di ba? Saka alam na ng pamilya ko na may inaasikaso akong trabaho. Dumaan na rin ako sa bahay nina papa para ibigay sa kanila ang binili kong regalo.”
Tumango si Ethan. Sabay pa silang napatingin kay Mitchel nang marinig ang pagbuntong-hininga nito.
“Ako na ang out-of-place,” usal pa ni Mitchel bago tumayo para lumipat ng couch. Iiling-iling lamang sila nitong pinagmasdan.
Pinamulahan ng mukha si Jemimah. “G-gusto mo bang sumama mamaya, Mitchel?”
Nagkunwang nag-isip ang lalaki bago umiling. “Hindi na, kaya n'yo na namang dalawa 'yan, 'di ba?” nakangising wika nito. “Saka hindi puwede akong mawala sa bahay ngayong Pasko. Inimbitahan pa naman ni Mama si Theia at pumayag siya.” Bigla ay kuminang ang mga mata ng lalaki at higit na lumawak ang pagkakangisi.
“Mabuti naman kung gano'n,” aniya. “Hindi na magse-celebrate mag-isa si Theia ng Pasko.”
Napatingin sila sa front door nang bumukas iyon at dali-daling lumapit sa kinaroroonan nila si Douglas, hawak-hawak pa rin ang cell phone.
“Sir, nahanap na raw po nila ang van na pinahahanap n'yo,” sabi ni Douglas kay Ethan.
Nagtatakang napatingin si Jemimah sa katabi. Van? “Iyon ba ang van na muntik nang bumangga sa akin?” tanong niya.
“Oo,” sagot ni Ethan. “Ni-remind ko kay Douglas kahapon na huwag kalimutan ang tungkol doon.” Tumingin ito kay Douglas. “Saan daw nila nakita?”
“Sa bahay po ng isang Julio Carandang, isa po siyang kargador sa Divisoria,” tugon ni Douglas. “Nagpapunta na rin po ako ng ilang pulis sa bahay niya para makasigurong hindi makakatakas si Julio sa atin.”
“Good,” ani Ethan. “We should go there now,” baling nito sa kanya. “Hindi man si Julio Carandang ang killer na hinahanap natin, kailangan pa rin niyang ipaliwanag kung bakit nasa kanya ang van na muntik ng bumangga sa'yo.”
Mabilis na tumango si Jemimah at tumayo, sumunod naman si Mitchel na nagsabing sasama rin dahil wala pa naman daw gagawin.
Sa isang baranggay sa Tondo, Manila nakatira si Julio Carandang. Pagkarating nila ay may dalawang pulis nang nasa loob ng bahay ni Carandang. Agad itong sumaludo sa kanila.
“Mr. Julio Carandang,” bati ni Jemimah sa isang lalaking nakaupo sa kahoy na silya. Sa tingin niya ay nasa early forties pa lang nito ang lalaki. “Ako si Inspector Jemimah Remington. Nandito kami dahil sa van na nasa labas ng bahay mo. Ang van na pag-aari ni Jaime del Mundo at isang buwan na mula ng manakaw.”
Walang makikitang kahit na anong emosyon sa mukha ni Julio. Mahabang sandali itong nakatitig lang sa kawalan bago sumulyap sa isang parte ng maliit na bahay na iyon.
Sinundan ni Jemimah ang tingin ng lalaki at nakita ang dalawang musmusing bata. Nakaupo ang mga ito sa sahig na puno ng mga balat ng junk foods, instant noodles. Sa isang parte naman ay nakakalat ang mga bote ng alak at mga upos ng sigarilyo.
“Sinabi niyang hindi niya ako isusumbong sa mga pulis,” mayamaya ay wika ni Julio, may mahihimigang galit sa boses. “Pinagbantaan niya akong papatayin kapag hindi sumunod... kaya nagawa ko 'yon sa'yo, Inspector.” Tumingin ito sa kanya. “Sumunod lang ako sa utos. Hindi ko intensyon na sagasaan ka.”
Kitang-kita ni Jemimah ang pumalit na takot sa mukha ni Julio. Ang lalaking ito nga ang nagtangkang bumangga sa kanya noon. Pero siguradong hindi ito ang killer na hinahanap nila. The man in front of them looked crazy or high. Base sa pamumula ng mga mata nito at pamamayat ng katawan ay halatang gumagamit ng ipinagbabawal na gamot.
Napatingin siya kay Ethan nang lumapit ito kay Julio at kinuwelyuhan ang lalaki. “Sino'ng nag-utos sa'yo?” Marahas na tanong nito.
Tiningnan ni Julio si Ethan, nanlalaki ang mga mata. “Papatayin ako 'pag nagsalita ako,” takot na takot na wika nito.
Lumapit si Jemimah kay Ethan, hinawakan ito sa balikat. “Ethan, let’s take him to the headquarters. Doon na lang natin siya tanungin.” Sinulyapan niya pa ang mga batang takot na takot na ring nakatingin sa kanila.
Marahas na napabuntong-hininga si Ethan bago binitawan si Julio. Inutusan ni Jemimah ang mga pulis na naroroon na posasan ang lalaki at dalhin sa SCIU Headquarters. Pagkatapos ay nilapitan niya ang dalawang batang naroroon.
Takot na takot na nagsumiksik ang mga bata sa sulok. Napatingin siya sa tabi nang lumapit doon si Mitchel. Nginitian nito ang mga bata.
“Huwag kayong matakot, nandito kami para hiramin sandali ang papa niyo,” malumanay na wika ni Mitchel. “Tatanungin lang namin siya. Makikita n'yo pa rin naman siya.”
Umiling-iling ang isang batang babae na marahil ay nasa sampung taong gulang pa lamang. “Huwag n'yo na po siya ibalik, Kuya,” umiiyak na wika nito. “Sasaktan niya lang kami. Sasaktan niya lang ako.”
Ikinuyom ni Jemimah ang mga kamay. Her heart clenched with fury. Ano'ng klaseng lalaki ang nagagawang makapanakit ng mga walang kalaban-labang bata?
Inabot ni Mitchel ang buhok ng batang babae at marahang hinaplos iyon. “Gusto n'yo bang sumama sandali kay Kuya? Pupunta tayo sa ospital para malaman kung may masakit sa inyo, pagkatapos kakain tayo at bibili ng bagong mga damit at laruan.”
Mabilis namang tumango ang dalawang bata at lumapit kay Mitchel. Hindi napigilan ni Jemimah ang mapangiti. Children were very easy to please, indeed. Subalit ginagamit iyon ng mga taong walang puso para gawan ang mga ito ng kasamaan.
Humarap sa kanya si Mitchel. “Dadalhin ko muna sila sa ospital para mapa-check up kung nasasaktan nga sila. Puwedeng gamitin ang medico-legal nila para matanggal si Carandang sa pagiging guardian. Then magtatanong ako kung may ibang kamag-anak na puwedeng kumupkop sa kanila, kapag wala,” sumulyap ito sa mga bata. “May alam akong orphanage na makakapag-alaga sa kanila ng maayos.”
Tumango-tango si Jemimah. “Kami na ang bahala kay Julio.”
Pinagmasdan niya si Mitchel nang ayain na nitong lumabas ang dalawang bata. Inilipat ni Jemimah ang tingin kay Ethan at nakita ang pagtango nito. Sumunod lang siya sa binata hanggang makarating sa kanilang sasakyan. They headed to the headquarters to question Julio Carandang.
HUMUGOT muna ng malalim na hininga si Jemimah bago tiningnan si Julio Carandang na nakaupo sa harapan nila ni Ethan. Nasa loob sila ng isang interrogation room sa headquarters ng SCIU, sa harap niya ay isang laptop kung saan ilalagay ang testimony ni Carandang.
“Julio Carandang,” pagsisimula niya. “Kasalukuyan kaming nag-iimbestiga ng isang serial murder case. Kasama ka na ngayon sa listahan ng mga suspects dahil sa van na muntik ng bumangga sa akin.”
“Serial murder?” Hindi makapaniwalang ulit ni Julio. “Carnapper lang ako, hindi ako pumapatay.”
“Kung gano'n, maaari mo bang sabihin kung nasaan ka noong mga panahong ito?” Inisa-isa ni Jemimah ang date at oras kung kailan natagpuan ang lahat ng bangkay ng mga biktima ng serial killer na hinahanap nila. Lahat naman iyon ay sinagot ni Julio, sinabing nasa bahay ito at umiinom. Isang hindi katanggap-tanggap na alibi.
Tumingin siya kay Ethan nang ito naman ang magsalita sa seryosong tinig. “Inaamin mo na ikaw ang nagnakaw ng sasakyan ni Jaime del Mundo? At ikaw ang nagtangkang bumangga kay Inspector Remington noon?”
Iniyuko ni Julio ang ulo. “Hindi n'yo alam kung gaano kahirap ang naging buhay ko mula nang iwan ako ng asawa ko. Hindi na siya bumalik at pinabayaan kami ng mga anak niya. Hindi madaling bumuhay ng isang pamilya.” Tumingin na ito sa kanila. “Kailangan kong kumapit sa patalim para buhayin ang mga batang iyon.”
“Mga batang sinasaktan mo,” mariing singit ni Jemimah, nakakaramdam pa rin ng galit tuwing naiisip na nasasaktan ang mga kawawang batang nakita kanina.
Tumingin sa kanya si Julio na para bang balewala lamang ang mga anak. “Wala naman kasi silang silbi. Dapat pinapasaya nila ako dahil naghihirap ako para sa kanila.”
“Pagpapasaya sa pamamagitan ng pananakit sa kanila?” Hindi makapaniwalang tanong ni Jemimah. “Alam mong makukulong ka sa bilangguan at hindi na muli makikita ang mga anak mo. Sisiguraduhin ko iyon.”
Inabot ni Ethan ang isa niyang kamay at marahang pinisil iyon. Tiningnan niya ang binata at hinayaan na lamang itong mag-interoga kay Julio.
“Sino ang nag-utos sa'yo?” seryosong tanong ni Ethan. “Mas lalo ka lang mapapahamak sa pananahimik mo. Sisiguraduhin namin ang security mo dito sa kulungan kapag nakipag-cooperate ka.”
“Hindi ko siya kilala,” sagot ni Julio. “Nagpapadala lang siya ng mensahe sa akin.” Tiningnan nito ang cell phone na nasa ibabaw ng mesa. “Makikita n'yo diyan na nagsasabi ako ng totoo, tinatakot niya ako.”
“Bakit kailangan mong sumunod? Hindi mo alam kung kilala ka talaga niya,” tanong pa ni Ethan.
“Kilala niya ako,” nasa tinig na ni Julio ang takot, luminga-linga pa ito sa paligid. “Siya ang nagpadala sa bahay ko ng cell phone na 'yan. Sinabi niya na alam niya ang ginagawa kong pagnanakaw ng sasakyan, na alam niya ang lahat ng kasamaan ko. Inutusan niya akong sumunod kung ayokong makulong, kung ayokong mamatay. Ayoko pang mamatay. Ayoko pang mamatay.” Isinubsob na ng lalaki ang mukha sa dalawang kamay at humagulhol ng iyak.
Inilipat ni Ethan ang tingin sa kanya. “Wala na tayong mapapala sa lalaking ito,” anito bago inabot ang cell phone na nasa mesa. “Mas mabuti pang alamin na lang natin kung sino ang nagpapadala ng mensahe sa kanya.”
Tumayo si Jemimah nang tumayo ang binata. Sumunod lamang siya dito hanggang sa makalabas sa interrogation room. “Kay Theia mo ba ipagagawa 'yan?” mahinang tanong niya.
Tumango si Ethan. “Mas mabilis siya kaysa sa mga laboratory dito. She could crack this in no time.”A/N: I will be updating this story every Tuesday and Thursday.
Can't wait?
Cold Eyes Saga Books 1-5 are available in all Precious Pages Bookstores & National Book Stores.
Cold Eyes Saga 1: Behind The Eyes Of A Monster (512 pages, Php 179.00)
Cold Eyes Saga 2: One Heart, Two Hearts (512 pages, Php 179.00)
Cold Eyes Saga 3: There Will Be More Blood (512 pages, Php 179.00)
Cold Eyes Saga 4: The Hunter And The Hunted (512 pages, Php 179.00)
Cold Eyes Saga 5: Bury The Hatchet (640 pages, Php 219.00)
BINABASA MO ANG
[Completed] Cold Eyes Saga 1: Behind The Eyes Of A Monster [FILIPINO]
Mystery / Thriller*Won 2016 PHR Novel Of The Year* "Hush... There's a monster in you..." Isang pambihirang oportunidad ang dumating kay Police Inspector Jemimah Remington nang bigyan siya ng sariling team ng direktor ng SCIU, ang pinapasukan niyang ahensiya na humaha...