CHAPTER 2
“KUYAAA!”
Umiwas kunwari si Datu sa pasugod na yakap ni Charm. Pero nang mahawakan ng bunso nila ang T-shirt na suot niya ay nagawa nitong kapitan siya at sakyan sa likod. “Aray! Teka, Pirena. Hindi ako hator,” natatawang angal niya. Totoo nga yatang ipinaglihi ito ng mama nila sa tuko kaya ganito kahigpit humawak.
“’Kainis ka!” Bumaba na ito at niyakap siya. “Na-miss kita, Kuya Datu.”
Pinisil niya ang magkabilang pisngi ni Charm. “Mas na-miss kita. Hindi mo na ako laging nire-reply-an sa text.” Sa Baguio siya nakabase dahil may restaurant business siya roon. Thriving pa rin ang Upland Grill na nasa tuktok ng Engineers’ Hill, ang unang restaurant na itinayo nila ng namayapang si Leslie. Ang Upland Café naman na malapit sa Wright Park ay wala pang dalawang taon na nag-o-operate pero kasing lakas na rin ng Upland Grill. Bukod doon, siya na ngayon ang nangangasiwa ng Mirabueno Hotel doon din sa Baguio na matagal nang negosyo ng kanilang pamilya.
“Eh kasi naman, Kuya, hindi na ako ga’nong nagte-text. Ayaw mo pa kasing mag-open ng Tweeter account, eh. Mas madali kaya mag-DM. Kung ayaw mo naman no’n, kahit FB na lang. Para sa Messenger kita itsi-chicka.”
Walang hilig sa social media si Datu kaya hindi niya pansin ang sinasabi ng kapatid. “Nasaan si Mommy?”
“Nasa room siguro.
“’Yong dalaga na galing dito kanina, siya ba ang friend mo?”
“Si Daisy? Oo, Kuya, siya nga. BFF ko siya. Bibigyan ko siya ng dala mong strawberries at mga gulay, ha?”
“Okay.”
“Maganda siya, di ba?”
Ngumiti siya. Maganda nga ang babae. Matangkad at mahaba ang leeg na tulad ng mga babaeng sumasali sa beauty contest. Maputi rin ito at makinis ang balat. Hindi siya magtataka kung may lalapit sa babae para isali ito sa Binibining Pilipinas Beauty Pageant. Deep set ang hazel shaped eyes nito na makapal ang pilik. Hindi pangkaraniwan ang matangos na ilong ng babae, mala-Solenn Heusaff ang hugis. Pero ang una niyang napansin kanina ay ang bow-shaped lips na parang humihingi ng kiss.
He mentally shook his head. Bakit ba kiss ang naiisip niya sa babae? Napakabata pa nito. Kung kaedad ito ni Charm, malamang na hindi pa ito nag-e-eighteenth birthday. “Oo, maganda siya. Madaling magkaka-boyfriend ang gano’n kagandang babae.”
“Madaming nanliligaw kay Daisy, Kuya. Pero hanggang ngayon, wala pa siyang sinasagot.” Tumingin sa kanya si Charm na parang may hinahanap sa mukha niya. “Alam mo, Kuya Datu, kahit twenty-eight ka na ngayon at seventeen pa lang si Daisy, bagay kayong dalawa.”
Nagulat siya. Gusto pa yata siyang ireto ng bunso nila sa Daisy na iyon. Well, kung hindi lang napakabata pa nito, hindi siya magdadalawang isip na pormahan ang babae. Pinisil niyang muli ang pisngi ni Charm. “’Yan ang napapala mo kakabasa ng Wattpad, pati totoong buhay ginagawang romance story.”
Iniiwas nito ang mukha sa kamay niya. “Hindi kaya. Nagsasabi lang ako ng totoo. Baby-faced ka naman kaya bagay lang kayo. Hindi halata na malaki ang age gap n’yo. Perfect match nga ang tingin ko sa inyo ni Daisy. Basta mamaya, ipapakilala kita sa kanya.”
“Sinong ipapakilala mo sa Kuya mo, Charm?” biglang sahod ng mommy nila na kalalabas lang mula sa silid. “Datu, anak, hindi ka nagpasabi na darating ka ngayon.”
Niyakap niya ang ina at hinalikan ito sa pisngi. Pinagmasdan nito ang kabuuan niya tulad ng lagi nitong ginagawa kapag umuuwi siya o dumadalaw ito sa kanya sa Baguio. “Parang pumayat ka yata, anak.”
BINABASA MO ANG
A Dose Of Daisy's Meds COMPLETED
Teen Fiction(Submitted April 2017) #Girl Paasa Meets Boy Pa-fall