CHAPTER 8
WALA NA si Seth nang lumabas si Daisy sa bahay nina Datu. Pormal ang mukha ni Charm nang lapitan niya.
“Babalik na lang daw si Seth sa ibang araw,” sabi nito.
Tumango lang siya. “Tapos ko nang hilutin ang ulo ng kuya mo, Bestie. At ‘yang mga ‘yan,” turo niya sa flowers at chocolates na nasa ibabaw ng mesa, “sa iyo na lang.”
“Bakit?” Tumitig ito nang matiim sa kanya.
Pakiramdam ni Daisy, nasalang siyang bigla sa interrogation ng mga imbestigador ng NBI. Parang binabasa ni Charm ang kaliit-liitang nuace ng kanyang sinasabi at ikinikilos. “Bestie, hindi ko naman gugustuhin si Seth. Hindi ko siya sasagutin. Hindi ko siya bibigyan ng chance. So what’s the use para itago ko pa ang mga bulaklak na bigay niya?”
“Pinaghirapan no’ng tao na ipa-arrange at bilhin ang mga bulaklak na ‘yan. Hindi mo nga alam kung baka ilang merienda ang hindi niya kinain para mabili lang ‘yan at ang chocolates. Tapos hindi mo man lang bibigyan ng importance.”
Halatang galit ito. Hindi inaasahan ni Daisy na ganoon ang isasagot sa kanya ni Charm. Nagbago na ba ito ng bet? Itinutulak na ba siya nito kay Seth? “Bestie, kung sa iyo mapupunta ang flowers at chocolates alam ko na papahalagahan mo. Kaya sa iyo ko ibinibigay.”
“So taken for granted lang pala talaga sa iyo si Seth?”
Hindi na maganda ang pakiramdam ni Daisy. Parang naghahamon ng argumento ang kaibigan niya. Sa dalawang taon na pagkakaibigan nila, ngayon lang ito nakipagtalo sa kanya. “Wait lang, bestie. Bakit ka ba nagagalit?”
“Ang sarap siguro ng kalagayan mo, eh ‘no? Sobrang satisfied ang ego. Ang daming nagkakagusto. Ang daming gustong manligaw. Kaya okay lang sa iyo na i-take for granted sila. Hindi mo naiisip, madaming babae na dream na mapunta sa posisyon mo. Na gagawin ang lahat para lang pansinin sila ng mga lalaking nagkakandarapa sa pagkagusto sa ‘yo.”
She was dumbfounded. Sobrang nasaktan siya. Bakit ganito magsalita ang bestfriend niya? Surely alam nito kung ano ang totoong nasa loob niya. Magkaibigan sila. Wala siyang isinisikreto dito. Ito ang nakakaalam ng lahat ng nasa isip niya. Feeling niya nga mas marami pa siyang nasasabi rito tungkol sa kanya kaysa sa mga nasasabi niya sa kanyang ina.
“Kung wala kang pagpapahalaga sa mga ibinigay sa ‘yo ni Seth, itapon mo na lang. Hindi ko kukunin ‘yan. Kung magkakaro’n man ako ng flowers at chocolates, gusto ko ‘yong sa ‘kin talaga binigay at hindi hand-me-down lang.”
Napaluha na lang si Daisy nang layasan siya ni Charm. Wala siyang nasabi. Nabigla siya. Hindi niya alam na may ill-feelings sa kanya ang kaibigan. Wala siyang masamang iniisip nang sabihin niya na para dito na lang ang mga ibinigay ni Seth.
“Bakit, anong nangyari?” tanong ng mama niya nang makitang umiiyak siya.
Iling lang ang naisagot niya sa ina. Sinundan siya nito sa kuwarto. Dumapa siya sa kama at isinubsob sa unan ang kanyang mukha.
“Ano ba talagang nangyari? Sinong nagpaiyak sa iyo?”
Kahit anong gawin na pagtatanong ng mama ni Daisy ay hindi siya sumagot. Sa kabila ng masasakit na sinabi sa kanya ng kaibigan, ayaw pa rin niyang sumama ang image nito sa kanyang mga magulang. Umaasa siya na magkakaayos kaagad sila.
Hindi siya naghapunan nang gabing iyon. Sobrang apektado siya ng galit ni Charm.
Alas kuwatro nang madaling-araw nang gulantangin si Daisy ng magkakasunod na katok sa kanyang pinto. Pabalikwas na bumangon siya para lang makita ang mama niya na luhaan. “’Ma, ano pong nangyari? Bakit kayo umiiyak?”
“Katatawag lang ng Kuya Herbie mo. On the way daw sila sa hospital. Inatake daw ang papa mo.”MILD heart attack ang nangyari sa papa ni Daisy. Wala itong sinasabing dahilan kung bakit. Pero sa nakikita niyang biglang pag-amo sa kanilang mag-ina ng dalawa niyang kapatid na babae, halos nasisiguro niya na may kinalaman ang mga ito sa nangyari sa papa niya. Pasalamat na lang sila at maagang nadala ni Kuya Herbie ang papa nila sa ospital.
“Sobrang lungkot mo, bunso,” pukaw kay Daisy ng Kuya Herbie niya. Naroon siya sa hospital lounge ng Makati Medical Center. Iniwan niya ang mama niya sa private room na pinaglipatan sa papa niya. Nakaalis na rin sina Ate Heidi at Ate Hermione. “Huwag ka nang mag-worry. Ligtas na si Daddy.” Naupo ang kuya niya sa kanyang tabi.
“Sabi mo sa akin dati, last November lang, nagpa-executive checkup si Papa.”
“Oo. At maganda ang result ng checkup niya. Pero recently, lagi na lang nagtatalo si Daddy at si Ate Heidi. Laging tungkol sa company. Si Hermione naman, ang daming demands. Hindi ko alam kung anong meron sa dalawang ‘yon ba’t sobrang bitter sa buhay.”
“Nagtalo ba sina Papa at Ate Heidi kagabi, Kuya?”
“May sinabi kasi si Daddy sa ‘min. Hindi nila nagustuhan.”
Nahuhulaan na niya. “Tungkol kay Mama?”
“Gustong pakasalan ni Daddy si Tita Dara. But as expected, kumontra ‘yong dalawa.”
Nakaramdam ng guilt si Daisy. Kaya siguro nagsabi ang papa niya sa kanyang mga kapatid dahil na-pressure nang sabihin niyang iyon ang gusto niya sa kanyang eighteenth birthday. “Ayaw mo din ba makasal sina Mama at Papa?”
“Noong buhay pa si Mommy at nalaman ko ang tungkol sa inyo ni Tita Dara, nagalit ako kay Daddy. Pero nang mamatay si Mommy, napag-isip-isip ko na matanda na si Daddy. Sooner or later magkakaroon kami ng sari-sariling pamilya. Maiiwan siyang mag-isa. Mas makakabuti sa kanya na magkaroon ng asawang mag-aalaga. Pero ang pinakamalaking consideration ko—ikaw, Daisy. Lumaki ka na hindi ninyo kasama si Daddy. Somehow may effect iyon sa pagbuo ng pagkatao mo. At gusto ko rin na maging legitimate child ka ni Daddy.”
“Kapag pinakasalan ni Papa si Mama, mababawasan ang mga mamanahin ninyo. Hindi mo ba inaalala ‘yon, Kuya?”
Tumawa ito. “Nothing to worry about. We will have enough. You may not believe this, Daisy… Nagalit man ako kay Daddy at kay Tita Dara noon, natuwa naman ako na may isa pa pala akong kapatid. Kaya noong una pa lang, malapit na ang loob ko sa iyo. Minahal kita agad, bunso. Kaya ano man ang mangyari, gusto kong isipin mo na hindi kita pababayaan. Lalo ngayon na hindi na puwedeng magtrabaho si Daddy. Susuportahan kita hanggang sa makatapos ka ng pag-aaral.”
Napaluha siya sa sinabi ng Kuya Herbie niya. Ramdam niya ngayon na may kakampi siya. At kahit hindi nito tuparin na suportahan ang pag-aaral niya, masaya na siyang malaman na mahal siya nito. “S-salamat, Kuya… Salamat talaga.”
Pinahiran nito ang luha niya at niyakap siya nang mahigpit.
Somehow, nabawasan na naman ang bigat sa dibdib ni Daisy. Kung sana lang, kasing lawak din ng pang-unawa ng kuya niya ang pang-unawa ng dalawa pa niyang kapatid.
Nang gabing iyon, kinausap ni Kuya Herbie ang kanyang mama na umuwi muna at ito na lang ang magbabantay sa kanilang ama. Bumalik na rin sa ospital ang dalawa nilang kapatid na babae. Kaya pumayag ang kanyang ina. Sa umaga na lang sila babalik sa ospital para palitan sa pagbabantay ang mga ito.
“Hindi na puwedeng magtrabaho sa kompanya ang papa mo,” sabi kay Daisy ng mama niya nang nasa bahay na sila. “Mas magiging wise na tayo sa paggasta ngayon.”
“Sabihin n’yo lang po, ‘Ma, kung kailangan ko nang huminto sa pag-aaral. Pati ‘yong pag-o-OJT ko sa Singapore, okay lang po kung hindi ko na itutuloy.”
“Anak, hindi ka hihinto. Itutuloy mo ang OJT sa Singapore. Tatapusin mo ang pag-aaral mo. Kahit hindi na tayo bigyan ng allowance ng papa mo, mabubuhay tayo nang maayos.”
“Paano po? Wala kayong trabaho at—”
“May sapat na ipon ako, anak. May mga investments din. Sa akala mo ba papayag akong maging kabit ng papa mo kung hindi magiging secured ang future ko?”
Natulala si Daisy sa mga salitang ginamit ng mama niya. “H-hindi po ba pagmamahal ang dahilan kaya kayo pumayag na makisama kay Papa?”
“Siyempre pagmamahal. Mahal ko ang papa mo. Hindi ako humintong mahalin siya kahit na no’ng malaman ko na pamilyado na pala siya. Pero kung hindi mayaman ang papa mo, kahit mahal ko siya, hindi ako papayag na makisama. Daisy, hindi puwedeng mabuhay ang tao sa pagiging romantiko lang. Kailangan din na maging praktikal.”
Hindi malaman ni Daisy kung dapat siyang madismaya sa ina o dapat itong hangaan. Ang alam lang niya, disappointed siya sa ibang mga sinabi nito.
“Madami akong investments kahit hindi ako nagtatrabaho. Nakita mo naman, hindi ako katulad ng ibang kabit ng mayayaman na extravagant ang lifestyle. Hindi ka pa ipinapanganak nagse-save na ako. Dahil alam ko na kapag may nangyaring masama sa papa mo, wala siyang maipapamana sa atin. Hindi tayo ang legal na pamilya niya.”
“Ano pong sabi sa inyo ni Papa kanina?” tanong na lang ni Daisy sa ina. Kahit sa isip niya tumatakbo ang isang katanungan. Kung tama ba ang pamumuhay, maidya-justify kaya noon ang maling relasyon gaya ng sa kanyang mga magulang?
“Nagtalo daw sila ng panganay niya. Nagsabi daw ang papa mo na pakakasalan ako. Natural kokontra ang mga anak niyang babae. Talaga namang kontrabida ang mga ‘yon sa relasyon namin ng papa mo. Ngayon hindi na nila magagawang lapastanganin si Homer. Sila ang masisisi kapag may nangyaring masama sa kanya.”
“Naiintindihan ko naman po kung bakit galit sa ‘tin sina Ate Heidi at Ate Hermione. Tayo ang sumira sa pamilya nila.”
Hindi na umimik ang mama niya. Na-realize din siguro nito na tama ang sinabi niya. Pero ilang minuto lang ang dumaan at binalikan siya nito. “Oy, Daisy, hindi mo pa sinasabi sa akin kung bakit ngumangalngal ka kahapon. Ano bang nangyari sa iyo? Sino ba ang nakagalit mo?”
Siya naman ang hindi makaimik.MALALAKI ang hakbang ni Daisy para lang makaiwas sa nag-aabang na si Seth. Nakita niya na may dala na namang flower box ito. Maaga siyang nag-excuse sa huling subject niya para lang hindi maharang ni Seth sa kanyang paglabas. True enough, liliko pa lang siya sa hallway ay nakita na niyang parating ito.
Dalawang araw na silang hindi nag-uusap ni Charm. Nalungkot pa siya na nakaalis si Datu nang hindi man lang sila nagkausap. Sa text na lang niya nalaman na OTW na ito sa Baguio. Pero ang mas nagpapalungkot sa kanya ay ang lantaran na pag-iwas sa kanya ni Charm. Maagang umaalis ito at nagpapa-late naman kapag uwian. Ni text o kaswal na pagkausap sa kanya ay hindi nito ginagawa. Para lang siyang nagsasalita sa hangin kapag tinatanong niya ito sa loob ng classroom.
Hirap na hirap ang kalooban ni Daisy. Nasasaktan siya na hindi siya iniimikan ng bestfriend niya. Dalawang taon na inseparable sila. Hindi sila nagkakatampuhan. Kadalasan na si Charm ang nagpapalakas ng loob niya, ang tagapakinig ng mga hinaing niya sa buhay. Ito ang nagpapasaya sa kanya kapag namumrublema siya sa sitwasyon nila sa pamilya. At constant source of happiness nila ang maaliw sa pagkukuwentuhan tungkol sa kanilang mga crush. Higit pa sa magkapatid ang turingan nila. Nagtutulungan sila kung sino man ang may pangangailangan. Ipinagtatanggol niya ito at ipinagtatanggol din siya nito kapag may umaapi sa isa’t isa. They got each other’s back. They share each other’s burdens and each other’s blessings. Pero sa isang pitik lang ng daliri ay nagbago ang dating pagsasamahan nila ng bestfriend niya. At sobrang apektado siya sa nangyayari.
Nakahinga lang si Daisy nang makalabas na ng campus. Si Charm sana ang kasama niya sa pagtakas mula kay Seth ngayon kung hindi ito galit sa kanya. Baka nagtatawanan na sila ng kaibigan habang tumatakas palayo ng kanilang university.
Pero nag-iisa siya ngayon. Ramdam na ramdam niya ang pag-iisa. Ang kawalan ng kakampi.
“Daisy! Daisy!”
Napapikit siya sabay ngiwi. Boses ni Seth ang tumatawag. Hindi pa rin pala siya nakatakas. Napilitan siyang huminto sa paglalakad para harapin ito.
“Daisy…” medyo humihingal pang sabi sa kanya nito. “Inabangan kita sa labas ng classroom n’yo… Maaga ka palang lumabas.”
“Oo. M-may lakad pa kasi kami ni Mama,” pag-aalibi niya para lang hindi na magtagal ang pag-uusap nila.
“Ibibigay ko lang sa ‘yo ito.” Iniabot ni Seth ang flower box. Tatlong pink roses ang laman noon. “Last time kasi, busy ka. Ewan ko kung na-appreciate mo ‘yong flowers na binigay ko. Hindi ka kasi nag-reply sa DM ko sa iyo.”
“Hindi na kasi ako gaanong tumatambay sa socmed lately.”
“Bakit?”
“Wala lang.”
“Daisy, okay naman tayo, di ba?”
Hindi niya alam kung ang okay na sinasabi nito ay okay na maging sila o okay sila na magkaibigan. “O-oo naman,” sagot na lang niya.
“Kung binigyan mo si Trevor noon ng chance, siguro naman puwede din ako.”
“Seth, kasi-”
“Hindi naman ako nagmamadali. Hayaan mo lang na ganito, nag-uusap tayo. Nagha-hang-out. Trops. Hindi nag-iiwasan.”
Pinaparinggan ba siya nito? At ang hang-out na sinasabi nito ay noon lang dumalaw sila kay Trevor sa ospital. Na nasundan lang nang iburol at ilibing si Trevor. Trops na ba sila kapag ganoon?
“Hayaan mo lang na mas mag-gel pa tayo. Mas makilala mo pa ‘ko. And from there, who knows? Baka in the future, puwede din na maging tayo?”
Ang patanong na last statement nito ang pinakaiiwasan sana niyang marinig. O sagutin. Pero dapat nga siguro na maging malinaw siya rito.
“Alam mo, Seth, naa-appreciate ko ‘to,” pinagalaw ni Daisy ang hawak na flower box, “pati ang friendship mo. Pero ‘yong sobra pa do’n—I’m sorry but I just want to make myself clear—malabo na. Kasi may gusto na akong iba. May mahal na ako. Siya ang first. At alam ko, for keeps na ‘to.” For keeps na ang love ko kay Datu kahit hindi pa niya alam.
Nagbaling ng tingin sa malayo si Seth. Halatang nasaktan sa sinabi niya.
Naawa tuloy si Daisy. Hinawakan niya ito sa braso. “Sorry, ha? Mabait ka naman. Lovable din. Pero meant to be ka siguro ng iba. Kung ititingin mo lang ang mga mata mo sa paligid, baka makita mo siya.”
“Tumitingin nga ako. Akala mo ba hindi? Ayoko naman na mahalin ka, eh. Kasi nga kilala sa campus na paasa ka. Pero Daisy, ikaw lang talaga ang gusto ko sa mga nakikita ko. Anyway, naiintindihan ko. Kung si Trevor nga hindi ka napasagot, ako pa ba?”
Medyo nasaktan siya. In denial pa siya na naging paasa siya. But she will not take that against Seth. “Huwag mong sabihin ‘yan. Hindi lang niya ako napasagot kasi nga gaya ng sinabi ko kanina, may mahal na ako. Good person ka naman, Seth. I’m sure may ibibigay din sa iyo si Lord na mas pa sa akin. ‘Yong isang tao na hindi magsasayang ng care at affection na ibibigay mo.”
“Daisy, puwede bang kahit ngayon lang… payagan mo ‘ko na maihatid ka sa inyo?”
Pumayag na lang siya. Ayaw din naman kasi niya na maramdaman nito ang impact ng rejection kung hindi siya papayag. Nadalâ na siya sa isang Trevor. Na hindi nakayang i-handle ang rejection. Ayaw na niyang masundan pa ito.
Pagpihit nila ni Seth ay nakita nila si Charm wala pang dalawampung metro ang layo mula sa kinaroroonan nila. Nakatingin sa kanila ito. Hindi maitago sa mukha ang sama ng loob.
Nakaramdam si Daisy ng guilt kahit wala siyang ginagawang ano man na laban sa kaibigan.
BINABASA MO ANG
A Dose Of Daisy's Meds COMPLETED
Teen Fiction(Submitted April 2017) #Girl Paasa Meets Boy Pa-fall