CHAPTER 6
“BESTIE! Sabihin mo nga na hindi ako nananaginip lang! Sabihin mo, biliiis!” May kasama pang pag-alog kay Daisy ang excited na si Charm. Nasa hall na sila noon. Nauna siyang lumabas dito dahil nag-text sa kanya si Seth na mag-usap sila tungkol sa video tribute na ginagawa nito para sa forty days ng pagkamatay ni Trevor.“Ano bang nangyayari sa iyo?” natatawang tanong ni Daisy sa kaibigan.
“Hindi ko na ‘to kinakaya, Bestie. Singapore! Singapore ang place ng OJT natin!”
“Alam ko. Hindi ko alam kung mapapayagan ako ni Mama. Kasi magastos ‘yon. Tayo pa ang magbabayad sa hotel na tutuluyan natin.”
“Anong ginagawa ng papa mo? Di ba mayaman siya? Kayang-kaya niyang i-finance ang OJT mo sa Singapore.”
Ewan ni Daisy. Wala pa siyang hiningi sa papa niya na malaking bagay katulad ng pagpi-finance nito ng kanyang OJT sa ibang bansa. Alam niya na hindi birong halaga iyon. At nakasanayan na niyang hindi mag-demand sa ama ng kahit na ano. “Bestie, siguro kung naging legitimate na anak lang ako hindi ako magdadalawang-isip na sabihin sa kanya. Hindi ako mag-aalangan na humingi.”
“Ay, ba’t ka ba ganyan? The fact na in-acknowledge kang anak ng papa mo, walang ipinag-iba ‘yon sa legal na mga anak niya. Pare-pareho lang kayong mga anak niya. Iisang dugo ang nasa mga ugat ninyong magkakapatid. Kaya hindi mo dapat tinitingnan na inferior ang sarili mo sa mga kapatid mo.”
“Alam ko naman, ‘yon, Bestie. Pero hindi ko maalis. Kahit ilang beses kong sabihin sa sarili ko, the fact still remains na naging tao ako nang hindi kasal ang mga magulang ko. Naipanganak ako kahit may legal na pamilya ang tatay ko. Naranasan ko kung paano maeskandalo at masaktan ng legal na asawa ni Papa. At hanggang ngayon, nararamdaman ko na nasusuklam sa amin ni Mama ang mga legal na anak ni Papa.”
Hinagud-hagod ni Charm ang likod ni Daisy. “Bestie, wala kang kasalanan kung hindi ka legitimate child ng papa mo. Ginawa ka ni God na buo. Hindi dapat makabawas sa pagkatao mo na hindi kasal ang mga magulang mo.”
Alam naman niya iyon. Dapat na lang siyang maging grateful na nabuhay siya sa mundo. Pero ayaw sumunod ng pakiramdam niya sa mga payo ng kaibigan. Nananatiling trauma sa pagkatao niya ang pananakit at ang masasakit na salitang ibinato sa kanilang mag-ina ng legal na asawa ng papa niya noong siyam na taong gulang pa lang siya. At pinabababa siya ng katotoohanan na hanggang ngayon hindi magawa ng ama niya na pakasalan ang kanyang ina.
“Oo nga pala, bestie, anong oras tayo pupunta sa bahay nina Trevor bukas?” pag-iiba ni Charm.
Hindi makasagot si Daisy.
“Teka muna, don’t tell me na hindi ka pupunta?”
“Hindi ko gustong pumunta. Pero alam ko na baka sumama ang loob ng mommy ni Trevor sa akin ‘pag hindi ako nagpakita doon. At magiging usap-usapan na naman ako ng schoolmates natin na pupunta.”
“Bestie, kung hindi mo talaga gustong pumunta, hindi mo kailangang pumunta.”“Okay lang, bestie. Last naman na ‘to, eh. Titiisin ko na lang ang guilt. Titiisin ko na lang ang pagbubulungan ng ibang mga pupunta doon.”
“Don’t worry, hindi ako aalis sa tabi mo. Sasamahan kita hanggang makauwi tayo.”
Nangilid ang luha sa mga mata ni Daisy. “Salamat, ha? Bestfriend talaga kita. Alam mo ba, isa ka sa iilang tao na nagbibigay sa ‘kin ng reason para mag-hope na may magandang future pa ako. Nagbibigay sa akin ng dahilan para lumaban at umasa na magiging maayos din ang lahat.”
“Hay, ano ka ba, bestie? ‘Wag ka nga. Pati ako maiiyak na rin n’yan, eh.”
Niyakap siya ni Charm at gumanti rin siya ng yakap. Nakausal siya ng pasasalamat sa Diyos. Na kahit maraming nagbibigay sa kanya ng lungkot, isa ito sa iilan na lang na nakapagpapasaya sa kanya.
Kinabukasan, sa forty days ni Trevor habang nasa bahay sila ng mga Cowgill, hindi siya hiniwalayan ni Charm kahit saglit. Naramdaman niya ang matinding guilt habang nagsasalita at umiiyak si Tita Sue. Iyak din siya nang iyak. Nangingibabaw sa pakiramdam niya na siya talaga ang dahilan kaya napahamak at namatay si Trevor. Salamat na lang at nakakalma siya ng pagkausap ni Charm. Para siyang nabunutan ng tinik nang makaalis na sila roon.
NAKATINGIN lang si Daisy sa pink envelop na hawak. Hapon na noon. Kasalukuyan siyang nasa campus. Hinihintay lang niya si Charm na nasa rest room pa. Pangalan niya ang nakasulat sa harapan ng sobre. Pero walang nakalagay kung kanino galing ang sulat. Iniabot lang iyon sa kanya ng isang kaklaseng lalaki ni Trevor. Kinabahan siyang bigla. May last letter ba sa kanya si Trevor? Na parang last will na nagsasaad ng mga huling habilin para sa kanya? Mas magugulo ba ang isip niya kapag binasa niya ang sulat? Mas madadagdagan ang kanyang guilt?“Bestie, ano ‘yan?” tanong ng kalalapit na si Charm. “Love letter? Kanino galing?”
“Inabot sa ‘kin ng kaklase ni Trevor.”
Napatitig sa kanya si Charm. “Kaya ka ba parang namumutla?”
“Bestie, paano kung mas pahihirapan ang loob ko ng sulat na ‘to?”Hinawakan ni Charm ang braso niya. “Baka mas maganda kung sa bahay mo na lang basahin.”
“Hindi ko bubuksan ‘to.”
“Pero baka importante ang laman ng sulat?”
“Kung… kung ikaw na lang kaya ang magbukas at magbasa nito?” sabi ni Daisy sabay abot ng sulat sa kaibigan.
“Ay ayoko. Hindi naman akin ‘yan. Private matter ang sulat. Kaya ikaw dapat ang magbukas.”
Hinawakan niya ang braso ni Daisy. “Bubuksan ko pero ikaw muna ang magbasa. Please, bestie? Please?”
Siguro nakita ni Charm ang takot niya sa sulat kaya napilitan itong buksan at basahin na lang. “Dear, Daisy,” malakas na basa nito. “Alam ko ikakagulat mo ang letter na ito. Kasi dati wala naman akong sinasabi sa iyo. Dahil lang ‘yon sa nirerespeto ko si Trevor. Alam ko na nanliligaw siya sa iyo.” Napatigil sa pagbabasa si Charm sa puntong iyon. “Bestie, hindi naman pala kay Trevor galing ‘tong letter mo.”
“Eh kanino?”
Iniabot sa kanya ni Charm ang sulat. “Ikaw na ang magbasa.”
Imbes na basahin ang sulat, tiningnan na lang niya kung sino ang sender sa ikalawang pahina. “Kay Seth galing,” nagtatakang sabi niya kay Charm. Biglang naging seryoso ang ekspresyon ng mukha nito.
Pinasadahan niya ng basa ang sulat. Hindi siya makapaniwala. Love letter pala iyon. Nanliligaw si Seth sa kanya sa sulat. Mabuti na lang at hindi niya inilakas ang pagbasa. Alam niyang masasaktan si Charm. Matagal na itong may secret crush kay Seth. Pero kahit pala hindi niya ilakas ang pagbasa, alam din ng kaibigan kung para saan ang sulat.
Ayaw man niya ng love letter na nanggaling kay Seth, nakahinga pa rin siya na hindi iyon galing kay Trevor. Hindi huling habilin ang nakasulat. Dahil kung nagkataon, bukod sa guilt ay madadagdagan pa ng takot ang dalahin niya.
“Love letter pala sa iyo ni Seth. Hinintay lang niya na makapag-forty days si Trevor. Nanligaw siya agad. Siguro matagal ka na niyang gusto. Nagkataon lang na naunang manligaw sa iyo si Trevor.”
“Hindi ko naman gusto si Seth.”
“Hindi mo talaga dapat gustuhin si Seth. Kasi mas bagay kayo ng Kuya Datu ko.” Saka pa lang bumalik ang ngiti ni Charm.
“Ikaw talaga. Ang laki kaya ng age gap namin ng kuya mo.”
“Age lang naman. Hindi hitsura. Baby-faced si Kuya Datu kaya parang magkasing-edad lang kayo. Saka sa kanila ni Seth, lamang na lamang ang kuya ko.”
Pakiramdam ni Daisy kaya lalong ibini-build up sa kanya ni Charm ang kapatid nito ay para hindi niya maisip na ituon kay Seth ang pansin. Kahit guwapo rin si Seth, hindi niya iisipin man lang na magkagusto rito. Ayaw niyang masaktan ang kaibigan. “Hindi nga natin alam baka may ibang gusto o baka may girlfriend na nga ang kuya mo.”
“Hindi, ah. Wala. ‘Yong mga gano’ng bagay, hindi niya itatago sa ‘min. Nagkataon lang na bago pa lang ang relationship nila ni Ate Leslie noon kaya hindi niya agad nasabi. At bago niya masabi sa ‘min, nategi agad. Hindi mo lang alam kung paano sobrang nalungkot si Kuya Datu no’n, bestie. Sobrang nasaktan siya.”
Sa sinabi ni Charm, naisip tuloy ni Daisy na baka hindi pa tuluyang nakaka-recover si Datu sa namayapang ex. Pero sana nga, siya na lang ang mahalin ni Datu. Dahil siya, nasa point na mahal na ito.
BINABASA MO ANG
A Dose Of Daisy's Meds COMPLETED
Teen Fiction(Submitted April 2017) #Girl Paasa Meets Boy Pa-fall