Bias Ruiner

1.5K 63 6
                                    


CHAPTER 4


HI MR. D! Musta ka na? busy ka? Binura ni Daisy ang tinype na message sa cell phone niya. Katatapos  niyang mag-sit up. Nagpapahinga lang siya bago maligo. Nami-miss niya si Datu. Gusto niyang may makausap na mature at sensible. Si Datu lang ang naiisip niya ng mga oras na iyon.

Huu, uma-alibi ka pa. Si Datu lang talaga ang lagi mong naiisip ngayon, ke sensible siyang kausap o hindi. 

Oo na, inaamin niya. Si Datu ang laging laman ng isip niya mula nang umuwi na ito sa Baguio. Hinahanap-hanap ng pandinig niya ang boses nito. Hinahanap-hanap ng mga mata niya ang guwapong mukha nito at ang tindig na parang ito ang may-ari ng bawat matapakan nitong lupa. Nami-miss niya ang mga kuwentuhan nila.

Si Datu ang bias ruiner niya. Mula nang makilala niya ito at makakuwentuhan, tumamlay na ang over-the-top na kilig niya kay Baek Hyun. Tinatamad na rin siyang manood ng TV series ni Kim Joon.

Ang totoo, bago siya matulog sa gabi, naiisip niya ang mga posible nilang pag-usapan ni Datu, mga lugar na gusto niyang mapuntahan na ito ang kasama. Iniisip niya kung magagandahan ito sa kanya kapag iniba niya ang ayos ng kanyang buhok. Kung anong damit ang gusto nito na isuot niya.

Natuto na rin siyang mag-day dream. May mga umaga na kapag maaga siyang nagigising, mga eksena na gusto niyang mangyari sa kanila ni Datu ang naiisip niya. At sa gabi, iniisip niya kung kumusta kaya ang maghapon nito. Kung nakakain ba ito nang maayos. O kung naiisip man lang ba siya nito.

Hindi niya alam kung crush pa nga lang ba niya si Datu. Kasi ngayon lang nangyari sa kanya ang ganito. Ang ganitong labis na pag-iisip sa isang tao na hindi niya kapamilya, o kahit pa nga sa mismong bestfriend niya.

At sa gitna ng mga ito, hindi niya man lang masabi kay Charm. Nakakahiya. Wala siyang mukha na maihaharap sa kaibigan. Siguradong uulanin siya nito ng panunukso. Konsolasyon na lang niya na si Charm mismo ang naglagay sa isip niya na puwedeng magkaroon ng sila ni Datu.

Hi! I’m listening to How Would You Feel ni Ed Sheeran. Bigla na lang kita naisip. Binura na naman ni Daisy ang tinype sa kanyang cell phone. Naalala niyang bigla ang huling pag-uusap nila ni Datu nang magpaalam ito sa kanya.

“By, Mr. D,” sabi ni Daisy na may kasama pang sweet smile at kaway.

“Bakit Mr. D?” tanong nito.

“Mr. Datu.”

“Bakit hindi na lang ‘Kuya Datu’?”

Umiling si Daisy. “Mas gusto ko ang Mr. D.”

“Bakit nga?”

Lumapad ang pagkakangiti ni Daisy. “Wala lang.”

“Siyempre may dahilan. Hindi wala lang.” Tumitig ito sa mga mata niya.

Hindi natagalan ni Daisy ang titig ni Datu. Kinawayan na lang niya ito at idinaan sa tawa ang sagot. Paano ba niya sasabihin kay Datu na ayaw niya itong tawaging ‘kuya’ dahil hindi kapatid lang ang tingin niya rito?

Isang malalim na buntong-hininga ang pinakawalan ni Daisy. Ang hirap pala kapag nasa malayo ang tao na gusto mong oras-oras na makita. Muli siyang tumipa sa cell phone. Hi, Mr. D. Kumusta ka na? I hope you’re okay. Dinutdot na niya ang send icon bago pa niya maisip na burahin na naman.

Nagulat siya nang mag-reply ito. ‘Eto, malungkot. Ganito ako kapag kagagaling ko sa Manila. Nami-miss ko ang saya sa family namin. And this time, nami-miss ko pati ikaw.

Inulit ni Daisy na basahin ang text. Hindi siya makapaniwala na nag-reply sa kanya si Datu. Si Datu na sabi nga ni Charm ay sobrang busy kapag nasa Baguio. Si Datu na hunk. Na perfect. Na guwapo to the highest level. Si Datu na super crush niya at the moment.

At MISSED DIN SIYA NI DATU! Caps locked para intense. Tumambling muna siya sa kama. Tumalun-talon siya bago muling dumutdot sa kanyang cell phone. Gusto ko bawasan ang pagka-sad mo. ‘Video call kita, okay lang?

Hindi na nag-reply sa kanya si Datu. Gusto niyang tadyakan ang sarili sa pagpapaka-bold na sabihing i-video call ito. Napreskuhan yata sa kanya ang lalaki. Nasabunutan niya tuloy ang sarili.

Nakasabunot ang dalawa niyang kamay sa buhok nang biglang tumunog ang kanyang cellphone. Nanlaki lalo ang dati na niyang malalaking mata nang makitang tinatawagan siya ni Datu via video call!

Impit na umirit muna siya bago mag-tap. Handa ang malawak na ngiti niya nang lumitaw ang mukha nito sa screen ng smart phone niya. Para lang magulat sa kanyang hitsura. Mukha siyang mangkukulam na hindi pa nakakagamit ng suklay buong buhay. At para siyang lechon na nilabasan ng butil-butil na mantika. Nangingintab ang mukha niya! Hindi malaman ni Daisy kung paanong punas ng mukha at hagod ng buhok ang gagawin niya para lang magmukhang presentable sa tatawa-tawang si Datu. Pasimple niyang inabot ang towel na ginamit kanina para punasan ang mukha niya.

“Kumusta ka na, Daisy? Anong nangyari sa buhok mo?”

Umasim ang ngiti niya. “Ahm, ito? Ah, ano… sinubukan ko lang kung hindi madaling malagas ang buhok ko.  Matibay naman pala, so… Kumusta ka na? Hindi ka yata busy ngayon?” pag-iiba niya agad.

“Busy pa din. Maaga lang akong nagsimula kanina. Ikaw, kumusta? You look happy.”

“Inspired lang ng konti.”

“Inspired? Sinong inspiration mo?”

Luh! Hindi malaman ni Daisy kung paano ito sasagutin. Alangan naman na sabihin niya ang totoo na ito ang inspirasyon niya? “Inspired ako dahil kay… kay Mama, siyempre. Saka dahil kay Ed Sheeran. Ang ganda kasi ng latest song niya. ‘Yong How Would You Feel.” Whew! Bigla yata siyang pinagpawisan kahit malamig sa kuwarto niya. Buti na lang nakaisip kaagad siya ng isasagot. “Alam mo ang song na ‘yon?”

“Hindi eh. Hindi ko alam kung narinig ko na. Paano ba ang lyrics?”

“Gusto mo kantahin ko sa ‘yo?”

“Sige nga.”

Hindi na siya mahihiya kahit may kaunting hiya na nararamdaman. Chance na niya para makantahan ito. Wishing at hoping siya na ma-in love ito sa boses niya. “Here it goes..” Tumikhim pa siya para paluwagin ang lalamunan. “You are the one, girl… And you know that it’s true… I’m feeling younger… Every time that I’m alone with you…” Napapapikit pa siya para hindi ma-distract sa titig ng mga mata nito sa camera. Alam kaya ni Datu na nakakawala ng poise ang titig nito? “How would you feel if I told you I love you…? It’s just something that I want to do… I’ll be taking my time spending my life… Falling deeper in love with you…”

Feel na feel pa rin ni Daisy ang pagkanta nang makita niyang may nilingon sa bandang kaliwa si Datu at may narinig siyang boses-babae na tumawag sa pangalan nito. Natigil siya sa pagkanta.

“Ahm, Daisy, saka na tayo mag-usap ulit, ha? May gagawin na kami ni Raya. ‘Yong assistant ko.”

“Okay.” Hindi na siya halos makangiti.

“Maganda ang boses mo. ‘Bye.” Naglaho na sa screen ang mukha nito.

Nadidismaya na napatitig na lang si Daisy sa screen ng cell phone niya. Ang romantic na sana ng eksena. Kinakantahan niya ang big crush niya. Umaasa siya na tatagos sa puso nito ang mensahe at emosyon na gustong ipahatid ng kanta. Pero sa nangyari, imbes yatang ma-touch ang puso nito ng pagkanta niya, nagmukha pa siya na isang nuisance.  “Maganda ang boses mo. ‘Bye.” Parang tunog: “Nakakaaliw ka pero sorry nakakaabala ka sa gagawin ko.”

At ang hindi maalis sa isip niya—babae pala ang assistant ni Datu na tinawag nitong ‘Raya,’ at ‘Datu’ rin lang ang tawag sa kanya, hindi ‘Sir’ at hindi ‘Boss.’


“ANONG movie ba talaga ang papanoorin natin, Bestie? ‘Yong Logan o ‘yong Beauty And The Beast?” tanong ni Charm kay Daisy. Tapos na noon ang exam nila para sa finals. Babalik na lang sila bukas para ipasa ang natitirang school project. Pagkatapos noon ay maghihintay na lang sila ng ilang araw para sa clearance at kuhanan ng grades.

“Matagal pa sigurong magra-run ang Beauty And The Beast. Ang Logan matatapos na.”

“Sabi ko nga.” Siya na ang kumuha ng tickets nila.

“May oras pa bago mag-start,” sabi niya pagkakuha ng tickets. “’Kain muna tayong siomai. ‘Libre kita, Bestie.”

“Bet.” Ang lapad ng ngisi ni Charm. Pareho sila nitong mahilig sa siomai. “Alam mo bang bet na bet din ni Kuya Datu ang siomai?” sabi nito sa kanya nang makabili na sila.

“Talaga?” Natuwa si Daisy na kahit ang isang bagay na tulad noon ay magkapareho sila ni Datu. “Ano pa ba ang mga favorite ng Kuya Datu mo?”

“Mahilig din siya sa melon. ‘Yong hindi tinitimpla. Hihiwain lang into bite size. Kaya niyang umubos ng isang malaking melon sa isang kainan lang…”

Hindi gaanong mahilig si Daisy sa melon. Pero kumakain siya. Puwede rin siguro niyang makahiligan ang melon kung gugustuhin niya. Kagaya ng mama niya. Ang sabi nito, hindi raw ito kumakain ng medium rare na steak dati. Pero dahil paborito daw iyon ng papa niya ay pinag-aralan nitong lutuin at kainin. “Mahilig din ba siya sa pinya?” Iyon ang pinakapaborito niyang prutas.

“Hindi bet ni Kuya Datu ang pinya. Nakakasugat daw ng dila. Pero umiinom siya ng pineapple juice. Hayaan mo, Bestie, isusulat ko lahat ng mga bet at hindi bet ni Kuya Datu at ibibigay ko sa iyo.”

Masyadong inosente ang facial expression ni Charm. Kaya naghinala siya na playing dead-ma lang ang kaibigan kahit ang totoo ay kinikilig ito na i-pair siya kay Datu. Ang sarap siguro na maging hipag ang bestfriend niya.

“Ano’ng iniisip mo?”

Luh! Tutok na tutok ang tingin ni Charm sa kanya na para bang ano mang sandali ay may matutuklasan itong malaking rebelasyon. “Ahm… a-anong iisipin ko?”

“Ang ganda kasi ng ngiti mo, eh. Kaya sigurado ako na namasyal ang isip mo kahit magkausap tayo.”

“Wala. Naalala ko lang ‘yong sinabi sa akin ni Mama tungkol kay Papa.”

“Ano ‘yon?”

“Favorite ni Papa ang medium rare steak.”

“Hindi mahilig si Kuya Datu sa red meat. Mas bet niya ang chicken.”

“Mas lalo naman ako.” Nice. Pareho silang white meat lover ni Datu.



A Dose Of Daisy's Meds    COMPLETEDTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon