The Kiss

1.6K 68 14
                                    

CHAPTER 7



KADARATING lang nina Daisy at Charm mula sa school sakay ng kotse ng daddy ni Charm nang sumungaw sa front door ang mukha ni Datu. Parang nakasakay sa trampoline ang puso niya na nagtatalon pagkakita sa lalaki. Lalong lumikot ang puso niya nang magtama ang mga mata nila at kumaway ito.



"Hi everybody!"



"Kuya!" Tumakbo si Charm sa kapatid at yumapos sa tiyan nito. "Ba't bigla kang umuwi?"



Mula kay Charm ay lumipat sa kanya ang tingin ni Datu. "Na-miss lang kita." Nagpawis bigla ang mga kamay at talampakan niya. "Hi, Daisy."



"H-hi," kiming sagot niya. Pakiramdam niya siya talaga ang sinabihan ni Datu ng "Na-miss lang kita."



Nalipat na kay Tito Americo ang pansin ni Datu. Habang nakikipag-usap ito sa ama ay hindi maialis ni Daisy ang tingin dito. Tuwing makikita niya ito, lalo yatang gumuguwapo. Mas lalong nagiging attactive. His charm was simply overwhelming.



Bago siya makapasok sa gate nila ay tinawag siya ni Datu. "Daisy, lilipat ako sa inyo mamaya. 'Kuwentuhan tayo."



"Oo, ba," may confidence nang sagot niya. Parang gusto na niyang hilahin ang mga minuto para makapagkuwentuhan na sila. Nakapasok na siya sa gate at sa huling pagkakataon ay nakitang ngumiti uli sa kanya si Datu.



Sa loob na ng silid pinakawalan ni Daisy ang kilig. Naglulundag siya sa ibabaw ng kama at impit na tumili. Sobrang saya niya. Bihira lang mangyari ang ganito. Nang mapagod ay humiga na lang siya sa kama. Nakangiti siya sa kisame na parang nakikita roon ang Kpop idol niyang si Baek Hyun. Kaya lang, ng mga oras na iyon, hindi picture ni Baek Hyun kundi mukha ni Datu ang nakikita niya.



Biglang napabangon si Daisy nang maalala na pupuntahan siya roon ni Datu. Mabilis na naghilamos at nag-mouthwash siya kahit wala pang dalawang oras matapos siyang mag-toothbrush. Pinulbusan niya ang mukha at nag-apply siya ng lip balm. Tinted lip gloss sana ang ilalagay niya pero baka maging obvious at mapansin ng mama niya. Sinuklay niya nang maraming ulit ang kanyang mahabang buhok hanggang sa maging makintab. Ang pambahay na isinuot niya ay ang summer dress na kung minsan ay isinusuot niya rin kapag lumalabas siya ng bahay. Nagwisik siya ng fruit-scented cologne. Matagal siyang nagbabad sa harap ng salamin hanggang sa marinig niya na nasa ibaba na si Datu. Dinampot niya ang cell phone. Excited na lumabas siya ng kuwarto.



Natigil nga lang si Daisy sa pagbaba sa hagdan nang makita niyang kausap ng papa niya si Datu sa hall na karugtong ng sala nila. Nakatalikod sa hagdan ang papa niya at nakaharap doon si Datu kaya nakita siya agad nito. Napangiti siya agad pero inalis niya ang tingin dito. Naupo siya sa sofa, sa posisyon na nakaharap kay Datu. Patuloy ito sa pakikipag-usap sa papa niya pero panay naman ang lipat ng mga mata nito sa kanya. At bago pa makahalata ang papa niya ay tumayo na lang siya at lumapit sa mga ito. "Hi, Mr. D," bati niya. "Napasyal ka ulit, ah."



"Oo. May kailangan akong bilhin sa Manila kaya 'eto na naman ako."



Tiningnan niya ang ama. "'Pa, hihiramin ko muna po si Mr. D. Madami po akong itatanong sa kanya tungkol sa Baguio Tourism."



"Sure, anak. Sige, Datu, maiwan ko muna kayo."



Ngiting-ngiti si Datu nang sila na lang ang naroon. "Baguio Tourism, hmm?"



Hinawakan niya ito sa braso. Gaya noong unang magdikit ang mga balat nila, naramdaman niya ang parang kuryenteng tumulay mula sa balat nito patungo sa braso niya pero hindi siya bumitiw. "Halika, sa labas tayo." Dinala niya si Datu sa garden set na katabi ng kanilang pocket garden.

A Dose Of Daisy's Meds    COMPLETEDTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon