CHAPTER 3
“BESTIE, mechado ‘yan. Pinabibigay ni Mama sa inyo,” sabi ni Daisy kay Charm nang pagbuksan siya nito ng pinto.
“Halika muna sa loob. Tamang-tama ang dating mo. Malapit na kaming mag-dinner.”
“Huwag na. Nand’yan ‘ata mga kapatid mo. Bukas mo na lang isoli ang bowl.”
“Eh, ano naman kung nand’yan mga kapatid ko? Basta gusto ko pumasok ka muna sa loob. I’m sure missed ka na rin ni Liam. Saka ipapakilala kita kay Kuya Datu.”
Biglang bumilis ang pintig ng puso niya pagkabanggit ni Charm sa pangalan ng kuya nito. Pero curious din siya sa binata. Nahihiya siya pero titiisin niya ang hiya para mas makilala pa ito. Sumunod siya kay Charm sa loob ng bahay.
“Ate Daisy!” sigaw ni Liam nang makita siya. Patakbong lumapit ito sa kanya at nagpahalik. “Look, o. I have a little robot again,” pagmamalaki ng paslit sabay pakita ng hawak nitong laruan. “Four na ang little robot ko.” Ipinakita pa ni Liam sa kanya ang apat na daliri.
Lumuhod siya para magpantay ang mga mata nila ng bata. “Ang ganda naman ng little robot mo. Nagsasalita ba ‘yan?”
“No. But my big robot does. Mewon pa light sa eyes. The sword got light, too. I’ll show you, Ate Daisy. You come to our house. Up there in the Condo.” Hinawakan pa nito ang kamay niya at hinatak siya.
“Okay. Pero sa summer vacation na lang, ha?”
“Tito Datu promised he will buy me another one tomowow. He’s here na. I love Tito Datu. I missed him. Tita Charm said he can’t be with us lagi kasi may business.”
“I heard my name.”
“Tito Datu!”
Napaunat si Daisy. Paglingon niya ay nagtama ang mga mata nila ng lalaki.
“Daisy, right?” tanong nitong nakangiti na.
Ang likut-likot ng puso ni Daisy. Nagpawis bigla ang mga palad at talampakan niya. OMG! He’s so gorgeous! Sobrang guwapo nito sa suot na yellow sportshirt at tattered jeans. Mukha itong bagong paligo. Umaabot sa ilong niya ang amoy ng CK scent nito. Pero ang standout kay Datu ay ang pagdadala nito sa sarili. Bagay nga rito ang pangalang Datu. Mukha itong maharlika sa tindig at kilos. Tango lang ang naisagot niya rito.
Inilahad nito ang palad. “I’m Datu.”
Hindi alam ni Daisy kung anong conversation ang sisimulan. Ngayon lang nangyari na wala siyang makapang salita sa isip. Conscious na ipinunas muna niya sa shorts na suot ang palad bago tanggapin ang kamay nito. Nang magdikit ang kanilang mga kamay ay sabay nilang naiatras iyon.
“—May ground!”
“—Grounded!”
Pareho silang napangiti ni Datu. Literal na naramdaman nila ang kuryente nang magdikit ang kanilang mga balat. Hula ni Daisy ay siya ang may static electricity dahil sa pawis na kamay niya. O sadya lang talagang malakas ang chemistry nila ng lalaki?
“’Upo ka muna,” turo ni Datu sa mahabang sofa. Si Liam naman ay kinuha roon ni Charm. Nakita pa ni Daisy ang nakapaskil na ngiting nanunukso ng kaibigan bago ito makalayo.
“Salamat.” Naupo rin ito sa tabi niya pero tumagilid para mapaharap sa kanya.
“You’re very beautiful.”
Bigla siyang nahiya. Nag-init ang mukha niya sa papuri nito. Hindi niya inaasahan na sasabihin iyon ni Datu. “T-thank you.”
“I’m sure madaming nagsasabi sa iyo n’yan.”
At hindi lang iyon basta sinabi ni Datu. Nakatutok ang tingin nito sa mga mata niya nang sabihin iyon na para bang nanliligaw na ito. Hindi niya nakita ang ganoong fondness sa mga mata ni Trevor noong una silang magkakilala o kahit na noong manligaw na ito sa kanya. Kung may ilan man sa mga manliligaw niya na nagsasabing maganda siya, alam niya na mas marami sa mga ito na sinasarili na lang ang palagay.
Hindi siya suplada. But she had maintained a friendly distance from men. Siguro dahil na rin sa leksiyon ng sitwasyon nilang mag-ina sa kanyang ama.
At ngayon parang hinahaplos ng maliliit na mga kamay ang puso niya sa kakaibang feelings na nararamdaman niya habang nakatingin din sa mga mata ni Datu. Idinaan niya sa biro ang sagot para hindi nito mahalata ang nerbiyos niya. “Hindi naman mashado,” pa-demure na sabi niya sabay ipit ng imaginary’ng buhok sa kanyang tainga.
Tumawa si Datu. Lalong gumuwapo ito sa paglitaw ng perfect set of white teeth. Physically speaking, wala talaga siyang makitang flaw sa lalaking ito. “Pero sana huwag ka munang magbo-boyfriend. Bata ka pa, Daisy.”
Ngeks! “Paano kung maramdaman ko na nagmamahal na ‘ko?” ganti naman niya. Usually hindi niya ugaling makipag-usap sa isang lalaki lalo na kung love life ang pag-uusapan. Pero kapatid naman ito ng bestfriend niya. Parang ka-close na rin niya kahit ngayon lan sila nagkakilala. At gusto niya na tumagal pa ang pag-uusap nila ni Datu.
“Hindi pa ‘yan ang totoong love. Puppy love lang ‘yan. Madami pang dadating.”
“Paano kung kahit madaming dumating, ‘yong first pa rin ang gusto at mahal ko? Na hindi lang pala ‘yon puppy love?”
“Okay lang. Basta huwag ka munang magko-commit sa kanya.”
“So okay lang na iparamdam ko?” At ganito talaga agad ang tinatakbo ng convesation nila ng lalaking ito?
Nagkibit-balikat si Datu. “Tingin mo gusto ka din niya?”
“Ewan ko. Sana.”
“Baka mas maganda kung hintayin mo muna na iparamdam niya.”
“Paano kung mahirap malaman? Say kunwari, friendly lang siya at hindi pa pala talaga nagpaparamdam. Na dumaan na ang ilang buwan pero hindi ko pa din nasasabi sa kanya, at wala pa din siyang sinasabi. Hindi ba parang nakaka-miserable naman ng feelings ‘yon?”
“I’m sure malalaman mo, Daisy.” Ayon na naman ang nakakatureteng titig nito sa kanya na parang sinasabi na ito mismo ang magpaparamdam.
Ganoon nga ba ang nase-sense niya sa mga titig nito? Hindi ba dahil iyon lang ang gusto niyang ma-sense. Grabe ka naman kasing tumitig. Ano bae?
“Basta huwag ka lang munang makikipag-commit.”
“Ilang taon ka ba noong naging mag-on kayo ng first girlfriend mo?” lakas-loob na tanong niya.
Tumawa ito.
“O, bakit? Ano ba’ng nakakatawa sa sinabi ko?”
“Siyempre ibang usapan na kapag lalaki ang makikipag-commit.”
“Double standard, gano’n?”
“Hindi naman. Normal lang na mag-explore ang mga lalaki at an early age.”
“So ilang taon ka nga noon?”
“Eleven.”
Nanlaki ang mga mata ni Daisy. “Grabe. Sobrang bata mo pa noon, ah. So ilang taon kayo naging mag-on?”
“Four months.”
“In fairness, daig n’yo pa din ang ibang couples na hindi pa nakakadalawang buwan nagbe-break na. Bakit nga pala kayo nag-break?”
“Nabisto ng mommy niya. ‘Ayun, nasermunan kami pareho.” Tawa ito nang tawa at nahawa tuloy siya. “Pero okay lang. After that, mas nakapag-focus kami sa studies.”
“At ilang taon ka naman no’ng maging kayo ng second GF mo?”
Biglang lumamlam ang mga mata ni Datu. “I was twenty-five. Sasandali pa lang na naging kami. Only days, actually. Hindi na namin naipaalam sa relatives namin… Things happened. Then suddenly, wala na… Wala na siya.”
“Nakipag-break siya sa iyo?”
Umiling si Datu. “Sana nga gano’n na lang ang nangyari.” Malungkot pa rin ito nang sulyapan siya. At parang pati sa kanya ay nakaabot ang lungkot na iyon. “Na kahit hindi kami nag-end up together, mapupunta naman siya sa lalaki na para sa kanya talaga. Magiging masaya na din siguro ako para sa kanya. Kaso… kaso hindi gano’n ang nangyari.”
Lalong na-curious si Daisy. “Ano ba’ng nangyari?”
“Bigla na lang iniwan niya ako. Iniwan niya ang lahat ng mga tao na nagmamahal sa kanya… Iniwan niya ang mundong ito.”
Hindi nakaimik si Daisy. Namatay pala ang babaeng minahal nito. “I’m sorry…” sabi niyang biglang nalungkot para dito. Parang napakasakit na kung kailan nagmahalan kayo ng isang tao saka naman ito biglang kukuhanin ng kamatayan.
Nagkibit-balikat si Datu. Nararamdaman niya na malalim ang iniwang sugat dito ng namatay na nobya sa kabila ng pambabale-wala nito.
“May naging kapalit na ba siya sa ‘yo?”
Umiling ito at iniba na ang usapan. “Babalik na ako sa Baguio bukas. Good luck sa finals n’yo.”
“Thank you.” Marami pa sanang gustong itanong dito si Daisy. Pero halatang ayaw na ni Datu na pag-usapan ang tungkol sa girlfriend nito na namatay. Naisip siguro nito na bagong kakilala lang siya para isiwalat kaagad ang tungkol sa isang napakapersonal na bagay.
Napakasuwerte ng naging girlfriend ni Datu. Matagal nang patay pero minamahal pa rin nito.
Nalulungkot naman si Daisy na aalis na ito. “Puwede ko bang makuha ang number mo?” kunwari ay kaswal lang na tanong niya bago maputol ang kanilang pag-uusap. Hindi na niya naisip na kababae niyang tao siya pa ang humihingi ng number ng lalaki. Nakalabas na ang mga salita sa bibig niya bago iyon maisip. Ibinigay naman ni Datu ang hinihingi niya.
“NAG-DEAC ka ba sa FB?” tanong ni Trevor kay Daisy. “Bakit hindi ko na mahanap ang account mo?”
“Oo. Ipapahinga ko lang.” Naiinis na kasi siya sa mga parunggit ng Ate Hermione niya sa mga posts at shared posts nito sa FB. Pumayag nga na sa kanila ng mama niya pumisan ang kanilang ama pero hindi naman pala talagang gusto. Kumontra na lang sana ang kapatid niya kung ayaw talaga nitong makisama ang papa niya sa kanyang ina. Naiinis siya kapag may nababasa sa wall nito na tungkol sa kabit, sa other woman, sa number two at kung ano-ano pa na alam naman niyang parinig para sa kanyang ina.
“Bakit?”
“Wala lang. Trip ko.”
“So sa IG at Tweeter ka lang muna tatambay for the meantime?”
“’Pag gusto ko lang.”
“Nakita mo na ba ‘yong latest IG pic ko?”
“Hindi pa ‘ko nagbubukas.”
“Pero lagi kang naka-on line.”
“Para po ‘yon sa mga niri-research ko sa Google. Hindi ko binubuksan ang Instagram.” Tinatamad din siyang laging tumambay sa social media mula nang makita niya ang mga nakakayamot na posts ng Ate Herminone niya. Mabuti na nga lang at hindi niya ito pina-follow sa Instagram at Tweeter.
“’Eto, o,” sabi ni Trevor sabay pakita ng picture sa cell phone nito.”
Picture nilang dalawa iyon na magkasama. Bahagya siyang nakatungo at nakangiti. Nakayuko din sa kanya si Trevor, nakangiti na parang may sinasabi. Kuha ang picture noong Valentine’s Ball sa school nila. At muntik nang umangat ang isang kilay niya nang makita ang caption ng picture.
“Kuha ‘yan ni Prix. Kelan lang ‘binigay sa ‘kin. Ayoko kasing pumayag sa gusto niya noong una. Pero nakutongan din niya ako ng two hundred para lang makuha ko ‘yan.”
“Bakit ka naman nagbayad ng gano’n kalaki para lang dito?”
“Malaki ba ‘yon? Para two hundred lang. Five hundred nga ang asking price niya no’ng una.”
“Bakit mo pa nga binili? Puwede naman tayong magpakuha na lang kung gusto mo talaga ng ganitong pose.”
“Kasi… spontaneous ang pose natin d’yan… Hindi pinag-isipan. Ang cute nga ng smile mo d’yan, o. Parang… parang type mo din ako.”
Naitirik na lang niya ang mga mata.
“Bakit, Daisy? Mali ba ako? Mali ba ang nilagay kong caption na #RelationshipGoals dito? Wala ka pa din bang feelings sa ‘kin after all these months?”
“Trevor…”
“Ano? Hindi mo ba ako type? Malabo pa din bang maging tayo? Hindi mo pa din ba ako magustuhan?”
Kahit si Daisy naguguluhan sa kanyang damdamin. Gusto niyang kasama si Trevor pero hindi niya maramdaman dito ang attraction na gusto niyang maramdaman. “Sakto lang.”
“Sakto lang?” nadidismayang sabi ni Trevor. “So after all these months, wala pala akong aasahan? Nilalaro mo lang ba ako?
Hindi siya makaimik. Hindi niya puwedeng sabihin dito na gusto niya itong kasama. Na gusto niyang nakikita ng maraming tao na magkasama sila. Pero ang mas malalim pa roon ay hindi pa niya nakakapa sa feelings niya.
Nagdilim ang mukha ni Trevor, halatang galit. “Ang labo mo. Nagsasayang lang pala ako ng oras sa ‘yo kung gano’n.” Tumayo na ito. “Goodbye na nga!”
Nang makalabas si Trevor sa kanilang bakuran ay parang gusto niyang tawagin ito at aluin hanggang mawala ang galit nito. Pero baka magkamali ito ng basa sa kilos niya. Baka isipin nito na naghahabol siya. Kung bakit naman kasi ang labo niya.
Tatlong araw matapos na huli silang mag-usap ni Trevor, nakita na lang niya ito sa campus na may kaakbay na magandang babae – ang madalas na makasabay niya sa mga beauty pageant sa kanilang university na si Breena.
“’Di ba sina Trevor at Breena ‘yon? Grabe, Bestie. Pagkabasted mo kay Trevor nagka-girlfriend siya agad,” sabi sa kanya ni Charm na manghang-mangha habang nakasunod ng tingin sa dalawa.
“Well, good for them.”
Sinulyapan siya ni Charm. “’Yon lang ang masasabi mo, Bestie? Halos isang buong sem na niligawan ka ni Trevor.”
Nagkibit-balikat lang siya.
“Alam mo kung anong nase-sense ko? Gusto lang niya na ipamukha sa iyo na madali ka lang niyang napalitan.”
“Alam ko, Bestie. At honestly, I don’t care. Alam ko na bitter si Trevor na hindi niya ako napasagot. Kung si Breena ang makakatanggal ng pag-aampalaya niya, it’s fine with me. Kahit sinong babae pa ang ligawan at maging girlfriend ni Trevor, okay lang sa ‘kin. Nalulungkot lang ako kasi gusto ko siyang kaibigan. At ngayon, alam ko, hindi na niya ako lalapitan.”
“Sabagay nga, may dahilan para maging bitter sa ‘yo si Trevor. Pinaasa mo lang ‘yong tao. Hindi mo din pala sasagutin.”
Pinaasa nga lang ba niya si Trevor? Noong una pa lang nasa isip na niya na bigyan ito ng chance kaya niya hinayaan na manligaw. Totoong hinintay ni Daisy na mas tumaas pa ang level ng feelings niya kaysa sa simpleng paghanga at kagustuhang makausap o makasama ito. Pero nagdaan na ang mga buwan hindi pa rin nadadagdagan. Kaibigan pa rin lang ang tingin niya rito. Kaya naghintay pa siya. Baka-sakali, makausad pa ang feelings niya. Pero sa halip na tumaas papunta sa love ang feelings niya kay Trevor ay nauntol lang iyon. At sa halip, kay Datu niya naramdaman ang mga inaasahan niyang maramdaman sana kay Trevor.
BINABASA MO ANG
A Dose Of Daisy's Meds COMPLETED
Teen Fiction(Submitted April 2017) #Girl Paasa Meets Boy Pa-fall