CHAPTER 7

12.5K 221 3
                                    

Napilit ni Jannah si Russell na sila na lang ang maglinis ng bahay kaysa gumastos pa ito ng pera pambayad sa kung sinuman ang mautusan nito. Ngunit bago pa man sila makapagsimula ay dumating na ang sinasabi nitong Aling Gloria. Sa tantiya niya ay nasa singkwenta na ang edad nito. Kalong-kalong nito ang isang baby na sa tingin niya ay apat na buwan pa lamang.

"Akala ko po ba ay may sakit kayo Manang?" si Russell. Kinuha nito ang dala-dalang bag ng matanda na kung hindi siya nagkakamali ay mga gamit ng bata.

"Eh nakakahiya naman kung tutuloy ka dito na madumi ang bahay. Isa pa, magaling na naman ako eh."

Tahimik lang niyang pinagmasdan ang dalawa. Masasabing malapit na ang loob ni Russell sa matanda dahil kung tratuhin niya ito ay animo hindi katulong.

"Di sana po ay nagpahinga na lang kayo para mabawi niyo ang lakas niyo. Kaya ko na naman tong linisin eh."

"Naku! Hindi naman ako makakapayag ng ganun."

Pinaupo ito ni Russell sa sofa para makapagpahinga saglit. "Siyanga pala Manang, si Jannah po kaibigan ko. Jannah si Aling Gloria."

Ngumiti siya sa matanda. Hindi nakaligtas sa kanya ang pagpapakilalang ginawa ni Russell. As far as she can remember, Russell never called her with her frist name. Ngayon lang. At aaminin niya, masarap pala sa pakiramdam kapag ito ang bumabanggit ng pangalan niya. Hindi niya maintindihan ngunit parang may anghel na humahaplos sa puso niya. Ordinaryo lang ang pagbanggit nito pero malaki na ang epekto sa kanya.

"Magandang umaga po Maam." Yumuko pa ito ng bahagya.

"Huwag niyo na po akong tawaging Maam. Jannah na lang po." Hindi niya napigilan ang sariling hindi lumapit dito at haplusin ang ulo ng bata. Kanina niya pa ito pinagmamasdan. Sa kulay ng damit nito ay hindi maikakailang babae ito. "Apo niyo po?"

Bago pa man makasagot ang matanda ay pumalahaw ang bata. Kaya napilitan itong tumayo at sumayaw-sayaw. Tumahan din naman agad ang sanggol.

"Wala po kasi yung anak ko dahil naghanap ng trabaho. Eh wala naman akong mapag-iwanan sa kanya kaya dinala ko na lang dito."

"Pwede ko po bang makarga?" pakiusap niya

"Nakakahiya naman po sa inyo. Baka umihi ay marumihan pa kayo. Hindi ko pa naman pinagsuot ng diaper."

Ngumiti siya dito. "Okay lang ho. Sanay na po akong iniihian ng mga batang inaalagaan ko."

Magrarason pa sana ulit si Aling Gloria ngunit sumabat ang kababalik na si Russell. Hindi niya namalayang umalis pala ito saglit upang kunin ang vacuum cleaner. "Hayaan niyo na si Jannah Aling Gloria. Atat na yang maging nanay kaya ganyan."

Pinandilatan niya ito ng mga mata habang binibigay sa kanya ng matanda ang sanggol. Kindat lang ang isinukli nito sa kanya.

"Alam ko na ho Aling Gloria!" nakangiting wika niya sa matanda nang makaisip ng maigaganti sa lalaki. Nagtatakang napatingin sa kanya ang matanda. "Bakit di na lang po natin hayaan si Russell na maglinis ng bahay at tutulungan ko po kayo sa pagbabantay ng bata."

Napatigil naman si Russell sa ginagawa at tumingin sa kanila. Sinuklian niya lang ng ngiti ang pandidilat nito ng mata.

"Ha? Ah, eh..." alanganin ang ngiting sinukli ni Aling Gloria sa kanya. Nagpalipat-lipat ang tingin nito sa kanilang dalawa.

"Tara na ho Manang dun na po tayo sa balcony at nang makasagap naman ng hangin si baby. Diba baby?" kausap niya sa sanggol habang nagpatiuna nang naglakad.

Miss President's Prince Charming (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon