"Huwag na po, Mumay," sabi ni Chris sa kausap na nanny niya sa cellphone. Kabababa pa lang niya ng kotse at nananakit ang ulo niya dahil sa kawalan ng tulog. "Mapapagod ka lang po kung magbabalik-balik ka dito. Saka mas kailangan ka ni Carrie diyan sa Davao."
"Sasamahan lang kita sa bahay mo habang wala ka pang maid." Kahit kailan ay protective talaga ito sa kanilang magkapatid. Namatay ang mommy niya sa komplikasyon sa panganganak sa bunso niyang kapatid, ang daddy naman niya ay pumanaw na rin five years ago dahil sa isang lung ailment. Pero noon pa mang buhay pa ang tatay niya ay subsob ito sa trabaho, kaya ang yaya niya ang nakalakihan niyang magulang.
"Okay na po. Nagpatulong ako d'un sa kapitbahay ko para maghanap ng maid." Sinilip niya ang relo; alas ocho pa lang ng umaga at considered late nang uwi niya iyon. Nagkayayaan pa kasi silang magkakabanda na magkape muna pagkagaling sa gig nila sa isang kasalan sa Batangas.
"Hmph!" Narinig niya ang pag-ingos nito mula sa kabilang linya. "Ayaw mo lang yata akong makita. Oy, Christopher, baka may ibinabahay ka diyan kaya ayaw mo akong paluwasin, ah!"
Napangisi siya. "Wish n'yo lang, 'May. Hindi pa po ako mag-aasawa." Narating niya sa wakas ang kanyang pinto. Sa tapat niyon ay naabutan niya ang pusang kalye na ilang buwan nang tambay nang tambay sa pinto niya. Pinangalanan niya itong 'Selena' kahit may hinala siyang may amo talaga ito at napagtripan lang na dalawin siya kung kailan nito gusto.
Dinampot niya ito at binuhat bago buksan ang pinto ng bahay. Napansin niyang nangingintab sa linis ang center table sa sala niya. Maging ang mga throw pillows ay nakasalansan nang maayos. Mukhang napabilis kaysa sa inasahan niya ang pagkakaroon niya ng bagong maid. Mabuti pala't naisip niyang iwan ang spare key niya sa kanyang landlady at naibilin na ibigay iyon sa bagong katulong.
"'Andito na po yata 'yung bago 'kong maid. Sige, 'May. I'll call you later. Kakausapin ko po lang siya 'tas matutulog na ako."
"Sandali," pigil nito. "Kelan ka ba uuwi? Na-mi-miss ka na namin."
"'May..."
"Bakit ba kasi kailangan ninyo pang lumuwas d'yan sa Maynila? May mga bistro rin naman kayong natutugtugan dito sa atin," nagtatampong saad nito na ang tinutukoy ay ang banda nila. Nagkasundo kasi silang lumuwas at dito sa lungsod maghanap ng suwerte nila. Improvement nang maituturing na madalas na silang may gig ngayon hindi gaya noon. Alam niya, hindi maglalaon at may recording company na ring lalapit at mag-aalok sa kanila ng kontrata.
Pinigil niyang mapangiti. Sa edad niyang treinta, pakiramdam niya ay five lang siya kung lambingin ng matanda minsan.
"'May, napag-usapan na natin 'to, di ba?" malumanay na paalala niya habang panay ang haplos sa pusang bitbit. "'Kala ko, naintindihan mo na."
"Naiintindihan ko naman talaga." Narinig niya ang pagbuntong-hininga nito. "Pero minsan, naiisip ko baka alibi mo lang 'yan at ayaw mo lang talagang mag-stay pa rito. Baka 'ika ko dahil nag-asawa na si Hayley."
Kung alam lang ng matanda, hindi naging sila ng dalaga in the first place, so wala siyang bitterness kung ikinasal man ang childhood friend niya. "Of course not."
"Eh, bakit wala ka pang bagong girlfriend? Hindi rin kayo nagtagal ni Tasha—"
"Mumay," putol niya sa kung ano pang sasabihin na ito. Sa totoo lang, napapahiya na siya sa sarili niya. Ganoon ba siya ka-pathetic na pati ang nanny niya ay namomomroblema dahil wala siyang love life? "Darating din tayo diyan, chill ka lang."
"Sana may ipakilala ka na sa 'kin sa sunod na pagkikita natin."
"We'll see, Mumay," sinabi na lang niya para matapos na ang topic na iyon. "I have to hang up. Tatawag po ako mamaya pagkagising ko."
BINABASA MO ANG
Rockstar Next Door
RomanceRead a review of this novel: http://romancereaderinlove.blogspot.com/2014/03/book-review-rockstar-next-door.html Cliché na kung cliché, pero iyon talaga si Tara Madrigal: isang nobelistang may writer's block. Kulang dalawang buwan na siyang nagpipil...