Chapter 4

271 11 0
                                    


Walang humpay ang ginagawa ni Tara na pagta-type sa laptop niya nang biglang may isang kamay na lumabas mula sa screen ng computer niya. Namimilog ang mga matang pinanood niya ang ala-Sadako na tuluyang pag-ahon ng isang lalaki mula sa Word document na sinulat niya.

"You should've killed me," asik nito na nakilala niya base sa hitsura, na si Collin, ang hero niya sa nobela. "I don't want to be your hero. Ang stiff-stiff ko sa story mo. Masyado akong perfect, hindi realistic."

"Fantasy ka, eh. Gan'un talaga," rason niya.

"You're really not a writer. Bumalik ka na lang sa advertising. Pang-technical writing ka lang dahil hindi ka marunong ng emosyon, ng magandang characterization. Ayaw ko sa 'yo!"

"'Wag mo naman akong sukuan. Alam mong marami akong gastusin ngayon," aniya.

"I don't care. Ikaw naman ang may kasalanan kaya ka walang pera. Kung nilulunok mo ba ang pride mo at tinanggap ang sustentong inaalok ng tatay mo, hindi ka mahihirapan. Hindi rin magugutom ang mga kapatid mo sa probinsya. Ang problema sa 'yo, lampas sa height mo ang pride mo."

"Okay, sorry na," maamong turan niya. "Basta, bati na tayo at sumunod ka na sa gusto ko. Kailangan ko nang matapos ang istorya mo, eh. Please?"

"Ayoko nga! Napapagod na ako sa mga eksena mong dragging. Gumawa ka na lang ng ibang hero." Sa inis sa kanya, inihagis nito sa dingding ang hawak na cellphone bago tumalikod.

Napatingin na lang siya sa nagkalasug-lasog na iPhone ng character niya. Laking gulat niya nang mag-ring iyon.

Napabalikwas si Tara mula sa pagkakayukyok sa kanyang table dahil sa tunog ng kanta ni Rihanna na siyang ringtone niya. Nakatulugan na pala niya ang ginagawang pagsusulat nang nakaraang gabi. Ilang sandali niyang tinitigan ang tumutunog na telepono bago iyon wala sa loob na dinampot.

"Hello," aniya habang hinahagilap ng tingin ang alarm clock. Nagulat siya nang makitang alas ocho na noon ng umaga.

"Good morning, Dora!" bati ng boses ng isang lalaki sa kanya.

"Chris?"

Tumawa ito. "Ang sexy pala ng boses mo pag bagong gising. Hindi halatang bayolente ka."

Nagtayuan ang balahibo sa batok niya dahil sa pinaghalong epekto ng tawa nito at ng malalim na boses na medyo husky pa. Ang buwisit, pinagtitripan yata siya!

"Sorry. Napuyat ako sa pagsusulat kaya ngayon lang ako nagising," paliwanag niya. Nilingon niya ang relo at nakitang oras na ng uwi nito. "Nalimutan mo ba ang susi mo sa loob ng bahay?"

"Hindi. Sasabihin ko lang na mamaya pa akong bandang hapon uuwi. Ikaw muna bahala sa bahay. Pag may dumating, sabihin mo hindi mo alam kung saan ako pumunta. Nag-iwan din ako ng pang-grocery, bahala ka nang dumiskarte kung anong balak mong ipakain sa akin. Pero nag-iwan ako ng list ko sa ref at saka panggastos. Sige na, tulog ka na uli. See you later. 'Bye."

Bago pa siya makasagot, naputol na ang linya. Nawiwirduhang napatingin lang siya sa hawak na telepono.

Ano nga raw ang sabi nito? Kapag may dumating na naghahanap dito, sabihin niya lang na hindi niya alam kung saan ito pumunta. Hmm... parang alam na niya kung ano ang nangyayari. Malamang may babae itong pinagtataguan. Napailing siya.

Hinarap niya ang laptop niyang na-drain na pala sa battery at ini-charge iyon. Mamaya uli sila magtutuos ng manuscript niya. Target niyang maipasa iyon sa publisher bukas nang umaga.

Rockstar Next DoorTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon