Chapter 10

564 27 1
                                    


"Ang suwerte mo talaga," narinig niyang sabi ni Louise.

Nakaangat ang isang kilay na nilingon ni Tara ang kaibigan habang nginunguya ang malaking tipak ng chocolate cake na kasusubo lang niya.

"Niloloko mo ba ako?" asik niya matapos malunok ang laman ng bibig. "Nakita mo nang kailangan ko pa ng chocolate para lang i-console ang sarili ko, 'tapos sasabihin mong suwerte ako?"

Ilang araw na mula noong huli silang nagkausap ni Chris. Hindi siya natuloy sa pagluwas sa Aurora dahil ayaw niyang mag-alala ang pamilya niya kapag nakita ang kanyang hitsura nang gabing iyon. Sa halip, nagkulong na lang siya sa bahay niya. At pamula noon, hindi niya alam kung paano siya nakatagal na para lang siyang zombie.

Nagtatrabaho lang siya, naglilinis ng bahay, pinipigilang isipin si Chris, nagsusulat, naglalaro, nanonood ng TV, pinipigilan ang sariling silipin si Chris—pero parang may malaking guwang sa kalooban niya. Effort na effort siya para lang magawa niyang ngumiti at kung hindi lang kailangan niyang kumita, wala siyang gagawin sa buhay kundi tumunganga at humiga sa kama.

"Kasi naman, hindi ka tumataba kahit gaano karaming calories ang i-take mo," paliwanag ng kaibigan. Sumeryoso ito. "Parang namayat ka pa nga. Kumusta na ang heart mo?"

"Louise, please don't start." Muli siyang sumubo ng chocolate cake habang pinipigilan ang pag-iinit ng mga mata.

Hindi siya madramang tao pero ngayon, parang kaya niyang umiyak nang umiyak buong maghapon, kahit isang linggo pa. Sa totoo lang, nanonood siya ng drama films at TV shows nitong nakaraang mga araw para lang may justification ang pagnguyngoy niya.

Mabuti na lang, inaya siya ni Louise na lumabas. Naikuwento na niya rito ang lahat at naniniwala itong mas makaka-move on siya kung susubukan niyang lumabas sa lungga niya. Pumayag siya. Napapagod na rin siyang magmukmok sa bahay at paulit-ulit na i-replay sa utak ang lahat ng katangahang sinabi niya nine days, ten hours and fifty-five minutes ago...

"Hi, Tara!"

Sabay silang napabaling sa tumawag sa kanya. Namilog ang mga mata niya nang makita si Tasha. Lumapit ito at hinagkan siya sa pisngi. Lumakas naman ang tibok ng puso niya. Nahihirapan man ay ipinakilala niya ito sa kanyang kaibigan.

Napatingin siya sa mga bitbit nitong shopping bags na pulos may tatak ng sikat na baby apparel store. "I-inubos mo na yata ang tinda sa mall," sabi lang niya.

"Hindi naman," tawa nito. "Mga gamit lang ito para sa baby ko." Hinaplos nito ang pipis pang tiyan at nanghina ang mga tuhod niya dahil sa kalungkutan. Tama nga pala ang dinig niyang sinabi nito noon kay Chris.

"Ah, congratulations," nasabi lang niya dahil sa panghihina.

"Thanks!"

"Ikaw lang mag-isa ang nag-shopping?" usisa ng kaibigan na para bang na-sense ang nangyayari sa kanya.

"Hindi. Kasama ko si Daddy niya. Bumibili lang ng cake. Pinaglilihan ko kasi 'yung brazo de mercedes nila dito."

Umikli yata ang hininga niya. Naroon din si Chris? Magkikita sila?

"O, 'eto na pala." Nahugot sa mga baga niya ang lahat ng hanging naroon dahil sa sinabing iyon ni Tasha. "Jerry!" kaway nito sa kung sino.

Kumunot ang noo niya. Lakas-loob siyang lumingon at saka lang siya nakahinga nang makita si Jeremy, ang vocalist ng Audiophile 2.0, na palapit.

Magaang na nang kaunti ang dibdib niya habang nagkakamustahan sila. Nalaman niya, nagka-develop-an ang dalawa matapos iyong gabing isinama siya ni Chris sa band practice ng mga ito. Mabilis daw ang mga pangyayari, pero sa tingin ni Tara ay mukha namang in love talaga ang dalawa sa isa't isa. Nagpaalam din kaagad ang dalawa matapos silang anyayahan sa baby shower ng anak ng mga ito ilang buwan mula ngayon.

Rockstar Next DoorTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon