Inihinto ni Tara ang ginagawang pag-i-scroll sa isang Wikitravel page at inabot ang cellphone nang mag-ring iyon Kumabog ang dibdib niya nang makita ang naka-pout na picture ni Chris sa LCD screen ng phone. Ginagaya nito ang crush niyang Hollywood actor sa pose nitong iyon, so it was supposed to be funny. Pero sexy ang dating niyon ngayon sa corrupted, not to mention perverted na niyang utak.
"O, bakit?" bungad niya sa lalaki pagkapindot ng answer key.
"Good evening din," sarcastic na bati nito.
Bigla niya tuloy na-realize kung gaano niya ito na-miss. Pagkagising niya kaninang umaga ay nadatnan na lang niyang nakaligpit na ang higaan nito, isang paper bag ng big breakfast galing McDo at isang thank you note. Hindi sila nagkita maghapon at hindi niya alam kung saan ito nagpunta.
"Busy ka ba?" untag nito.
"Hindi naman masyado. Nag-re-research lang ako," aniya.
Parang hindi nito narinig ang sinabi niya. "'Andito ako sa tapat ng pinto mo. Open up, may surprise ako."
"Surprise?" na-excite na ulit niya. "Ano'ng meron?"
"Basta. Open the door at bitbitin mo 'yang laptop mo. Hurry up, woman." Ini-end na nito ang tawag.
Sandali siyang huminto para kalmahin ang sarili. Kung uminom siguro siya ng kape, puwede niyang isisi roon ang palpitations niya. Pero dahil hindi, isa lang ang naiisip niyang dahilan ng hindi normal na tibok ng puso niya: ang mismong binatang nasa likod ng pinto niya.
Ipinilig niya ang ulo at pilit inayos ang satili. Dinampot niya ang mga kailangan bago binuksan ang pinto. Naabutan niyang nakasandal sa hamba si Chris at kaagad sinalakay ng tuwa ang puso niya.
"Hi, Cap," biro niya, bilang pagtatakip sa tunay na nararamdaman.
Niyuko nito ang suot na asul na t-shirt na may logo ni Captain America. Ngumiti ito saka sumaludo.
"Taralets." Kaagad nitong inabot ang dala niyang laptop. Hindi pa siya nakakabawi, hawak na nito ang kamay niya at hinihila na siya.
"S'an tayo pupunta?" naguguluhan man ay excited na ring tanong niya.
"Sa rooftop." Tinaluytoy nila ang mahabang hallway ng apartment at saka inakyat ang spiral na hagdanan sa dulo niyon.
"Wow!" tanging nasabi niya pagkarating sa rooftop.
May sofa roon, may isang mesitang may pizza boxes at Coke-in-cans. Pero ang nakaagaw sa atensyon niya ay ang malaking telescope na kasalukuyang nakatutok sa langit.
"Kung hindi lang sobrang busy ang sched namin ngayon, aayain kitang mag-Tagaytay."
"May nangyari bang kailangang i-celebrate?" tanong niyang na-curious.
Tinitigan lang siya nito habang nakangiti. "Wala naman. Gusto ko lang na hindi ka maubusan ng ideas para sa sinusulat mo. Kasi remember—"
"Experience is the purest research," pangunguna niya rito. "Oo na, nasabi mo na. Pero OA ka na, ayos na ito," sabi niya bagaman kinilig sa effort nito. Hindi naman nila kailangang mag-date—este, go on date-like activities, dahil naitaboy na nila ang majority ng admirers nito, kaya dapat tapos na ang palabas na magnobyo sila.
Mayamaya ay may naisip siya. "O kaya, sana nilibre mo na lang ulit ako ng ticket sa concert ng Crude Romantics," nakangising biro niya.
Sumimangot ang lalaki. "Para mamaltrato mo na naman ako? Huwag na. At may asawa na sabi ang mga iyon."
Three days ago, isinama siya nito sa Ochenta, isang rock festival na ang tema ay 80s rock. Na-bad trip si Chris dahil pinagpipisil niya ang braso nito at pinagpapalo sa sobrang kilig nang awitin ng Crude Romantics ang You Give Love A Bad Name ng Bon Jovi.
![](https://img.wattpad.com/cover/83374055-288-k757561.jpg)
BINABASA MO ANG
Rockstar Next Door
RomanceRead a review of this novel: http://romancereaderinlove.blogspot.com/2014/03/book-review-rockstar-next-door.html Cliché na kung cliché, pero iyon talaga si Tara Madrigal: isang nobelistang may writer's block. Kulang dalawang buwan na siyang nagpipil...