Chapter 7

4.8K 78 0
                                    

"MUKHA kang pagod. Ang mabuti pa, humiga ka muna dito," malambing na sabi ni Ava at tinapik ang mga hita niya.

Ngumiti si Cleon at humiga sa mga hita niya habang nakaupo siya sa mahabang sofa. Lalong lumapad ang ngiti ni Ava nang hawakan ni Cleon ang isang kamay at itinapat sa dibdib nito. Nararamdaman niya ang malakas na ritmo ng puso nito.

Nilaro-laro naman ng isang kamay niya ang buhok nito.

"Hay... ang sarap naman ng ganito," nakangiting sabi nito.

"Ang alin?" takang tanong niya.

Ngumiti ito. "Ito! Nasa tabi kita at kuntento ako," kinindatan pa siya na lalong nagpangiti sa kanya.

"Nambola pa ang boyfriend ko," kunwari ay ingos niya.

Pinindot nito ang ilong niya. "Hindi iyon bola," seryosong sabi nito. "Ava, pwede bang dito muna ako?" masuyong hiling pa nito.

"Pero kailangan mo nang magpahinga. Pagod na pagod ang hitsura mo eh," nag-aalalang tugon niya.

"Gusto mo bang mawala ang pagod ko?"

Tumango siya.

"Edi dito muna ako. Nawawala kasi ang pagod ko kapag nasa tabi kita," masayang sabi nito.

"Okay!" pagsuko niya. "Dito ka muna pero mamaya ay umuwi ka na at magpahinga sa bahay mo."

Tumango-tango ito at bakas ang saya sa mukha. "Pero pwede namang dito ako matulog sa bahay niyo eh," ungot pa nito.

Pinanlakihan niya ito ng mga mata. "Cleon! Hindi pwede 'no."

Naging seryoso ang mukha nito. Bumalikwas ito ng bango at umusog palapit sa kanya.

"Ava... mag-isa ka lang dito sa bahay at wala kang kasama. Ayoko namang iwan ka dito nang mag-isa. Baka mamaya ay may masamang mangyari sa'yo. And I can't take that," mariing sabi nito. "Kaya nga ayoko pang umalis at iwan ka eh."

Nagpunta ang nanay niya ospital dahil isinugod doon si baby Areen. Kaya hindi makakauwi ang nanay niya para may katulong ang mag-asawa sa pagbabantay sa bata. Mataas ang lagnat ng bata at kinailangang i-confine. Bumubuti na raw ang lagay ng pamangkin niya. Bukas na bukas ay dadalawin niya roon ang pamangkin kasama si Cleon.

Sinapo niya ang mukha ni Cleon. "Ang sweet-sweet naman ng boyfriend ko."

Hinuli nito ang mga kamay niya habang ngiting-ngiti. "So, pumapayag ka nang dito ako matulog?"

"Hindi," mariin niyang sagot.

"Ava!" salubong ang kilay na reklamo nito na ikinatawa niya.

Pinanggigilan niya ang pisngi nito. "Oo na, sige dito ka na matulog. Pero... doon ka sa guest room."

Mas magiging kampante siya na alam niyang nandito lang ito malapit sa kanya. Sa araw-araw ay lalo niyang nararamdaman ang pag-aalaga sa kanya ni Cleon.

Akmang kokontra ito nang takpan niya ang bibig nito.

"May reklamo ka ba?"

Inalis nito ang kamay niya sa bibig nito. "Wala, ang sabi ko nga sa guest room ako," tumatangong sabi nito. "Halika nga dito!"

Hinila nito ang kamay niya at isinandal siya sa malapad nitong dibdib. Ipinalibot nito ang mga kamay sa baywang niya at payapa nilang pinaghugpong ang mga kamay. Naramdaman niya ang pagkintal ng halik sa kanyang buhok. Napakasarap sa pakiramdam.

The Day We Met (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon