6

4.2K 96 0
                                    


“Ayoko na!”

Napangiwi si Jean nang ihagis ng kuya Brandy niya ang kopitang hawak nito.

“Kuya..” naaawang hinagod niya ang likod nito para kahit papaano ay kumalma ang kapatid. Umiiyak na humarap ito sa kaniya.

“Ang sakit pala Jean.. akala ko hindi niya ako magagawang ipagpalit sa iba dahil matagal ko na siyang itinuring na mas higit pa sa kaibigan.”

“Kuya tama na.. tama na..” nagsisikip ang dibdib na niyakap niya ito. Hindi niya mapigilan ang pagpatak ng mga luha niya sa nakikitang kamiserablehan ng nag iisang kapatid.

Dapat sana ay pupunta siya ngayon sa kasal nila Patty at Kurt pero hindi na siya nakarating pa dahil tinawagan siya ng isang kasamahan ng kuya niya sa TV station. Kaya pala hindi umuwi kagabi sa mansiyon ang kapatid ay sa bahay ito ng isang kaibigan nagpalipas ng gabi at nagpakalango sa alak.

Kahit nakagown at kontodo make up pa siya ay napasugod siya sa address na ibinigay sa kaniya para puntahan ito. Pigil ang emosyon na hinayaan niya ang kuya Brandy niya na ibuhos ang lahat ng hinanakit na nararamdaman nito.

“Minahal ko si Ray.. tinulungan ko siyang umangat pero sa huli ay ito lang ang igaganti niya sa akin.”

“Kuya.. kalimutan mo na siya.” tinapik niya ang likod nito.

Ang Ray na iniiyakan nito ay naging best friend nito noong nasa college pa ang mga ito. Kahit hindi sabihin nito ay alam niya na ito ang tumulong para makapagtapos at magkaroon ng magandang trabaho si Ray. Ulilang lubos na kasi ang huli at wala ng ibang masasandalan pa. Dahil mahal ni Kuya Brandy ang binata ay ibinigay nito ang lahat ng kaya nitong ibigay sa kaibigan.

Pero ang hindi inaasahan ng kapatid niya ay ang katotohanan na sa kabila ng mga naibigay nitong tulong ay wala pa lang katugon ang damdamin nito. Dahil bago pa man nito maipagtapat ang nararamdaman ay natuklasan na nito nakatakda na pa lang ikasal si Ray.

“Ganito rin ba kasakit noon ang naramdaman mo nang iwan ka ni Edison?” narinig niyang tanong nito. Malungkot na tumango naman siya.

“Masakit.. sobrang sakit at kulang na lang ay hilingin ko na mawala na lang ako sa mundo para mawala na ang lahat ng sakit. Nakita mo naman kung papaano ako nagpakatanga noon 'di ba?”

pilit na ngumiti si Jean pero hindi iyon umabot sa mga mata niya. Ayaw man niyang maalala ang nakaraan ay hindi niya mapigilan na balikan iyon dahil sa nakikitang paghihirap ng kapatid.

“Naalala mo ba na kamuntik na akong mabaranggay noon dahil hindi talaga ako umalis sa labas ng bahay nila Edison? umulan man o bumagyo, talagang naghintay ako sa pagbabalik niya.”

“At hindi na siya bumalik..”

“Dahil..dahil may iba siyang plano at hindi ako kasama sa mga plano niya.”

“Papaano kung bumalik ulit siya ngayon? ano ang gagawin mo..tatanggapin mo pa rin ba siya kahit alam mo na ipinagpalit ka niya sa iba?”

Natigilan siya. “H-hindi ko alam..” halos pangapusan siya ng hininga bago niya magawang sagutin ang tanong nito.

Pagkalipas ng mahigit ilang oras na pag iyak ay napakalma na niya ang kapatid. Napilitan siyang iwan na muna ito sa bahay ng kaibigan nito dahil hindi ito maaaring makita ng mga magulang nila sa ganoong sitwasyon. Tiyak na mag aalala ang kanilang ina. Siya na lang ang bahalang gumawa ng dahilan mamaya kung bakit hindi pa rin umuuwi ang kuya Brandy niya hanggang ngayon. Iniwan niyang natutulog ang kapatid at nagbilin sa kaibigan nito na tawagan siya kapag nagising na ito.

Paglabas niya ng gate ay nayakap niya ang sarili nang sumalubong sa kaniya ang malamig na simoy ng hangin. Animo ay nagbabadyang bumuhos ang malakas na ulan dahil narinig niya ang mahinang pagkulog. Bitbit ang suot niyang high heels kanina na naglakad na siya at nag abang ng taxi.

SUKI DAKARA (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon