Naabutan ni Abigail si Matthew nang araw na iyon na naglalaro mag-isa ng basketball sa bakanteng garahe. Alam niyang wala ang mga magulang nito dahil wala ang sasakyan ng mga ito. Hindi niya na tinawag pa ang kaibigan dahil gusto niya itong sorpresahin. Matapos mailagay sa likod niya ang VHS tape ay umakyat na siya ng bakod na nakangiti. Hindi ganun kataasan ang nagsisilbing dibisyon ng bahay nila sa bahay nila Matthew pero ipinagbabawal sa kanila ang umakyat. Ngunit sadyang matigas ang ulo nila ni Matthew. Sa pader pa rin sila dumadaan kapag pumupunta sa bahay ng isa't isa.
Akmang tatalon na siya nang ma-out balance siya. Sa sobrang excited niya at sa kagustuhang hindi makita ni Matthew ay nakalimutan niyang manipis nga pala ang pader nila at hindi kasya ang buong pang-upo niya. Kaya kung gagalaw siya at hindi hahawak ay tiyak na babagsak siya. Napasigaw siya.
Nagulat naman si Matthew sa ginawa niya at lumingon. Nang makita ang nangyayari ay dagli nitong tinapon ang bola at parang superman na tumakbo palapit sa kanya para saluhin siya. Bumagsak siya sa katawan nito.
"Ouch!" daing nito nang pareho silang napahiga sa sahig.
"Sorry..." nakangiwing sabi niya. Bumangon siya at pinagpag ang sarili.
"Ilang beses ka ng umaakyat ngayon ka pa nahulog." sermon nito at pagkuwa'y nauna ng tumayo. Kinuha nito ang isang kamay niya at tinulungan siya sa pagtayo.
"Sa na-excite lang ako eh. Gugulatin din sana kita." Ipinagpatuloy niya ang pagpapagpag.
"Kung makapagpag ka naman akala mo sa lupa ka nahiga. Semento kaya to, maarte."
"Pakialam mo!" singhal niya dito ngunit nakangiti naman. Sanay na siya sa mga hirit ni Matthew. At ganun din ito sa kanya. Para sa kanilang dalawa, normal na ang laitin nila ang isa't isa araw-araw. Himala ng maituturing kapag hindi sila nag-asaran ng isang araw.
Nakagisnan niya na mula pa pagkabata na magkasama sila ni Matthew. Simula pa sa delivery room ng hospital hanggang ngayon. Palibhasa ay magkakabarkada ang mga magulang nila kaya hindi malabong hindi rin sila maging magkaibigan. Pareho silang nag-iisang anak at pareho sila ng birthday kahit pa naunang magpakasal ang mga magulang ni Matthew. Siguro ay excited lang ang mama't papa niya na sumabay sa kaibigan kaya kahit hindi pa kasal ay ginawa na siya.
Summer time at katatapos lang nila ng elementarya. Tapos na rin silang magpa-enroll sa papasukan nila ng highschool. Kung saan ay doon din nag-aral ang mga magulang nila.
Hinugot sa likod ang tape na dala-dala niya at iwinagayway sa mukha nito.
"Ano yan?" kunot noong tanong nito at sinundan pa ang paggalaw ng kamay niya.
"Bagong movie! Ninakaw ko kay daddy. Panoorin natin." yaya niya dito.
Lumapad ang ngiti nito. "Sige ba!"
Pinauna na siyang pumasok ng bahay. Kinuha lang nito ang bola at itinago sa kung saan at pagkuwa'y sumunod na sa kanya. Parang pangalawang bahay niya na ang bahay ng mga ito kaya alam niya na ang pasikut-sikot ng bahay. Makapal na rin ang mukha niyang paandarin ang mga appliances na nakikita niya doon. Kagaya na lang ngayon, habang nasa kwarto si Matthew at nagpapalit ng damit ay binuksan niya na ang TV at player. Nang bumaba ito ay handa na siya at pipindutin na lang ang play button.
Nakangiting tumabi ito sa kanya sa sofa. Magkadikit ang mga braso nila. Pinindot niya ang play button at nang magsimula na ang palabas ay kapwa na sila nakatutok doon. Hindi nagsasalita.
"Oh, bakit ka umiiyak?" nababahalang tanong ni Matthew sa kanya pagkatapos ng palabas. Narinig nito ang pagsinghot at pagsinga niya sa damit niya. Inakbayan siya nito at hinagod-hagod pa ang likod niya.
"Kawawa naman si Draco. Bakit kailangan niya pang mamatay? Ang bait-bait niya pa naman." tukoy niya sa dragon na nasa movie.
Natawa ito. "Abigail, movie lang yan."
"Kahit na. Ramdam na ramdam ko talaga eh. Kaw ba di man lang natouch sa movie?"
"Siyempre, oo. Pero hindi naman namatay si Draco na malungkot eh. He got everything he wanted before he died. Namatay siyang masaya pa rin kahit papano."
"May namamatay bang masaya?!" nalukot ang mukha niya at umurong ang luha niya sa sinabi nito. Kumawala siya sa akbay nito. Sino ba naman ang tanga na mamamatay na nga ay masaya pa? Hindi man lang ba ito takot na mawala na sa mundong ito at malayo sa mga magulang at mahal sa buhay?
Natawa ito. "Bata ka pa kasi kaya hindi mo pa nage-gets. Naturingang matalino ka pero ang hina mong makapick-up kapag hindi tungkol sa school." pinisil nito ang ilong niya.
"Nagsalita! Bakit ilang taon ka na ba? Eh magkaedad lang kaya tayo."
"Magkasing-edad nga pero mas marami naman akong nalalaman sa iyo."
Tumulis ang nguso niya sa sinabi nito. Mas nakakaangat ito sa kanya sa top ten honor student. Sa halip na gantihan ito ay iba ang sinagot niya dito. "Ikaw ba Matthew, iiwanan mo rin ako katulad ni Draco?"
"Gusto mo kong mamatay na?!" kunwa ay nasindak ito.
"Unggoy! Hindi yun." binatukan niya ito.
Tawa naman ito ng tawa. Pinabayaan niya lang ang kaibigan. Hindi naman siya ang kakabagan sa ginagawa nito. Nang tumigil ito ay nakangiti pa rin ito sa kanya. "Hindi. Promise!"
"Talaga ha? Kahit anong mangyari?" paniniguro niya
"Kahit anong mangyari." anito at niyakap siya.
Hindi niya maintindihan ang nararamdaman niya nang oras na iyon. Parang may kung anong humaplos sa puso niya dahil sa sinabi ng kaibigan. Habang pinanonood niya ang pagkamatay ni Draco ay napaisip siyang baka dumating din ang panahon na iwan siya ni Matthew. Nang maisip iyon ay tumulo ang luha ang luha niya at hindi niya na napigilan. Sanay na siyang laging nasa tabi ang kababata.

BINABASA MO ANG
Destined to be Mine (UNEDITED & COMPLETED)
Roman d'amourPUBLISHED: May 2009 This is my second approved PHR novel. Halos magkasabay lang itong napublish ng first novel ko. ^_^ So again, NO JUDGEMENT PLEASE. Hehe... Nangangapa pa ko sa mundo ng pagsusulat, pati na rin sa pag-ibig. Charot. =============...