MULA SA binabasang business book ay bumaba ang tingin ni Riri sa isang five hundred peso bill at apat na one hundred peso bill at ilang mga barya sa mesa niya. Pagkatapos, umangat ang tingin niya kina Disc at Valeen (commonly referred to as 'Tisay' by her friends, ayon sa "research" niya).
"Para sa'n 'yan?" tanong ni Riri.
"Hulog namin," mataray na tanong ni Valeen. "Huhulugan ka namin araw-araw hanggang makumpleto namin ang sixty thousand pesos na hinihingi mo."
Sinara ni Riri ang binabasang libro. "Alam niyo bang kulang pa 'yan para magpa-full tank gas ako?"
"Alam namin," sagot naman ni Disc. "Pero pasensiya ka na, hindi kami rich kid gaya mo."
Tumaas ang kilay ni Riri sa pagiging sarkastiko ni Disc. Ang mga ito na ang may atraso sa kanya, ang mga ito pa ang may ganang magalit. Mukhang wala ngang kinatatakutan ang grupong ito. "'Yan ba ang paraan niyo ng pakikipag-areglo sa'kin?"
Maaga pang pumasok si Riri ng araw na 'yon dahil inaasahan niyang si Stranger mismo ang lalapit sa kanya para makipag-areglo at hindi ang mga kaibigan nito.
Aminin man niya o hindi, nakuha talaga ng smoker na 'yon ang atensiyon niya. Ewan din ba niya sa sarili niya kung bakit pumapayaga siyang maging ganito ka-curious sa lalaking dapat ay kinaiinisan niya.
Siguro 'yon ay dahil sa ngayon lang siya nakakilala ng taong hindi tinatablan ng special ability niya. Nakakapanibago.
"Auntie Riri, makipag-areglo ka na," bulong naman ni Ryder na nakaupo sa tabi niya. "May kasalanan din naman ako sa nangyari. Gaya ng sinabi mo, kung hindi ako pumayag sa gusto nila, hindi mangyayari ang lahat ng ito."
Binigyan ni Riri ng nagbabantang tingin si Ryder. Pero natigilan din siya nang mapansin niyang namumula ang buong mukha nito habang panaka-nakang nagnanakaw ng tingin kay Valeen. "Hey, do you like that girl?"
Nanlaki ang mga mata ni Ryder. Binalingan muna nito si Valeen na mukhang clueless naman sa sinabi niya, saka siya binigyan ng masamang tingin ng pamangkin niya. Pabulong pa rin ang sagot nito, pero may gigil. "I-I don't. What the hell are you saying, Auntie?"
Nakaramdam si Riri ng mahinang boltahe sa buong katawan niya. Napasimangot siya. "Liar."
"Yo."
Marahas na nilingon ni Riri ang nagsalita. Aminin man niya sa sarili o hindi, parang nag-vibrate ang puso niya nang sumalubong sa kanya si Stranger. Gaya ng unang beses niya itong makita, puting-puti at unat na unat pa rin ang uniporme nito. Pero gaya din no'ng una, may nakaipit na namang stick ng sigarilyo sa kanan nitong tainga.
Marahang tinapik ni Stranger ang balikat nina Disc at Valeen bago nito ipinatong ang mga kamay nito sa mesa ni Riri at yumuko para magpantay ang eye level nila. "Mag-usap tayo, Tita Riri Herrera."
Mabuti na lang at napigilan ni Riri ang mapapikit. Minty ang hininga ni Stranger. Mukhang hindi pa ito naninigarilyo para sa araw na 'yon dahil hindi pa ito amoy usok. Mabilis din 'yong nawala sa isip niya nang humila ng silya ang lalaki at umupo sa harap niya.
Bigla naman siyang nakaramdam ng pagka-conscious. Bakit naman kasi ang intense tumingin ni Stranger?
Focus, Riri. Focus!
Tumikhim si Riri at pinilit makipagtitigan kay Stranger kahit na hindi siya mapakali. "Ano ang gusto mong pag-usapan?"
"Hindi namin kayang bayaran agad-agad ang hinihingi mong halaga," deretsang sagot ni Stranger. "Pero huhulug-hulugan ka namin. Habang ginagawa namin 'yon, magtatrabaho ako para sa'yo. Huwag mo nang idamay ang barkada ko. Ako na lang ang alipinin mo tutal ako naman ang pinaka may silbi sa'ming tatlo."
BINABASA MO ANG
Miss Lie Detector
Teen FictionI can tell when people are lying. Gaya ng isang lie detector machine, nakakaramdam ako ng munting boltahe ng kuryente na dumadaloy sa katawan ko sa tuwing nagsisinungaling sa'kin ang taong kausap ko. At kapag hinawakan ko naman ang kamay ng taong na...