5th Lie

5K 217 13
                                    

TUMIGIL sa pagta-type si Riri nang marinig ang malakas na paghilik ni Stranger. Naiinis na nilingon niya ang binata. Pero kahit anong inis niya, hindi rin naman niya ito mapagsabihan dahil nakakahiya namang gisingin ito sa kalagitnaan ng klase.

Oops. Wala rin naman siya sa lugar magsalita dahil siya nga, gumagawa ng business report habang nag-le-lecture ang teacher nila.

Mapagsamantala rin itong si Stranger. Nang napansin nitong hindi siya pinapakialamanan ng mga teacher kahit na nag-la-laptop lang siya sa klase, nakipagpalit ito ng puwesto kay Ryder na mabilis pumayag dahil sina Stranger at Valeen ang magkatabi. Hindi naman kasi alphabetical order ang seating arrangement nila.

Habang nakatitig kay Stranger, napansin na naman niya kung ga'no kakinis ang mukha nito. Hindi niya na napigilan ang sumunod niyang ginawa. Kinuha niya ang pen niya at marahang tinusok-tusok ang dulo niyon ('yong may cap) sa pisngi ng binata.

Kumunot ang noo ni Stranger at umungol ng mahina. Pagkatapos ay tinapik nito ang kamay niya.

Masakit, ha!

Nainis si Riri kaya tinanggal niya ang cap ng pen niya at nag-drawing ng cactus sa pisngi ni Stranger. Hindi niya alam kung ano ang ibig sabihin ng cactus, pero naalala niyang iyon ang ipininta ng lalaking ito sa kotse niya.

Sa pagkakataong 'yon ay mas lumakas ang ungol ni Stranger, pagkatapos ay tinapik uli nito ang kamay niya habang bumabangon ito. Nakapikit pa rin ito nang mag-inat ito, saka siya binalingan. Masama ang tingin nito sa kanya.

Pero nakakainis lang. Ang guwapo pa rin kasi nito kahit gulo-gulo na ang buhok.

"Problema mo?" angil ni Stranger sa kanya.

"Ako, Agustin?" singit ng teacher nila, halatang mainit ang ulo. "Hindi mo tatanungin kung anong problema ko sa'yo?"

Pumalataktak si Stranger, pagkatapos ay sinulyapan nito ang wall clock bago muling binalingan ang teacher nila. "Sir, overtime na naman kayo, eh. Gutom na kami."

Umungot na rin ng vacant ang buong klase kaya walang nagawa ang teacher nila kundi ang i-dismiss sila, pero kapalit niyon ay dinoble naman nito ang ibinigay na homework sa kanila.

"Sa labas ng school ka ba uli kakain?" tanong ni Stranger no'ng pareho na silang nagliligpit ng gamit. "Ang sabi ni Kuya M, sa labas ka raw nag-la-lunch kaya ipagmamaneho kita."

Umuwi na rin kasi si Kuya M matapos nitong masiguro na safe at maingat mag-drive si Stranger. Pero babalik itong mamayang uwian nila kahit na sinabi niyang magpahinga na lang ito. Gusto nitong makasiguro na iuuwi nga siya ng ligtas ng bago niyang "driver."

"Oo. Sa labas uli ako mag-la-lunch," sagot naman ni Riri.

"Saan?"

"Sa karenderia ng lola mo."

"Ah. Sa karenderia–" Marahas na nilingon siya ni Stranger. "Wait, what?"

"Gusto kong mag-lunch sa karenderia ng lola mo," pag-uulit ni Riri "Ang sarap kasi ng luto niya, eh. Bawal ba?"

Umiling si Stranger. Pero bakas pa rin sa mukha nito ang pagkabigla. "Hindi ko lang in-e-expect na nagustuhan mo talaga ang luto ng lola ko."

May sasabihin sana si Riri, pero may tumapik sa balikat niya. Nalingunan niya si Valeen na kasunod sina Ryder at Disc. "May kailangan ka ba sa'kin?"

Tumango si Valeen. All smiles ito, pero halata namang peke 'yon. "Samahan mo naman akong mag-CR."

"Bakit kailangan pa kitang samahan sa CR?"

Miss Lie DetectorTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon