22nd Lie

3.4K 136 4
                                    

NAIRITA si Stranger nang hindi niya naabutan sa art room si Indigo Rosales. Ang sabi sa kanya ni Valeen kanina, do'n nito nakitang nagpunta ang demonyong 'yon.

Pero ngayon, walang ibang sumalubong sa kanya kundi ang malaking canvas kung saan may painting ng isang hardin na puno ng mga clover leaf. Berde ang kulay niyong lahat, maliban sa isang four-leaf clover na nasa gitna ng garden at nangingibabaw dahil sa kulay niyong ginto. Sa ibaba ng painting ay ang pangalan ni Indigo Rosales.

Ngumisi siya ng mapait.

How could a monster like him paint something as beautiful as this?

Naalala niya ang unang beses na nagkaharap sila ni Indigo Rosales. Unang araw pa lang niya sa St. John College, hinanap agad niya ang lalaki. Dahil sa litratong ibinigay sa kanya ni Tito Ronaldo, nakilala agad niya ito. Pagkatapos ng orientation, nilapitan niya ito...

"Indigo Rosales."

Tumaas ang kilay ni Indigo Rosales. "That's 'Sir Rosales' to you, kid."

Ngumisi lang si Stranger at namulsa. "Stranger Agustin. 'Yon ang pangalan ko. At oo nga pala, nanay ko si Sarah Agustin."

Halatang nagulat si Indigo Rosales. Dumaan din sa mga mata nito ang rekognisyon. Pero mabilis din itong nakabawi at naging seryoso. "Is that so?"

Si Stranger naman ang bigla. Base sa reaksyon nito kanina, sigurado siyang alam na nito na siya ang anak nito. O baka naman wala itong ideya na nagbunga ang kahayupan nito sa ina niya? Nawala 'yon sa isip niya. Ang Lola Sinang naman kasi niya, ayaw magkuwento ng kahit ano. Samantalang si Tito Ronaldo naman, umalis na ng bahay. Mukhang nanghingi lang ng pera ang tiyuhin niya sa lola niya at umalis na nang nakuha na ang gusto nito.

"May sasabihin ka pa ba?" naiinip na tanong naman ni Indigo Rosales. "Magsisimula na ang mga klase. You should also be in your class by now."

Sa galit ni Stranger, hinablot niya ang kuwelyo ni Indigo Rosales. Pero wala itong naging reaksyon. Kaunti lang ang tangkad nito sa kanya kaya kung lumaban man ito, alam niyang makakaya niya itong tapatan. Para saan pa ang pagbubuhat niya ng mga sako-sakong semento noon sa construction site. "Alam mo bang nagbunga ang kahayupan mo sa nanay ko noon? Nakakahiya ka. Teacher ka pa man din, pero nagawa mo 'yon sa estudyante mo!"

Tinapik ni Indigo Rosales ang mga kamay niya dahilan para mabitawan niya ito. Pagkatapos, kalmado nitong inunat ang nagusot nitong polo. "Kung may gusto kang sabihin, deretsahin mo na ko. Ano bang gusto mo? Sustento? Gadgets? Sasakyan? Apelyido ko? Sabihin mo lang. Pagkatapos, huwag ka nang magpakita uli sa'kin."

Nanginig ang kalamnan ni Stranger sa galit. Gano'n din halos ang mga sinabi sa kanya ng nanay niya. Kung gano'n, pati pala ang hayup niyang ama, gusto siyang mawala sa buhay nito. "I want your life... ruined by my own hands," mariing sabi niya, punung-puno ng pait ang boses niya. "Tandaan mo 'yan, Indigo Rosales. Simula ngayong araw, gagawin kong impiyerno ang buhay mo. Gaya ng kung pa'no mo sinira ang buhay ng nanay ko."

Sineryoso ni Stranger ang banta niya kay Indigo Rosales. Ginugulo niya ang mga klase nito o kaya ay pinipilit niyang mag-boycott ang mga kaklase niya kapag ito ang teacher nila, hinahamon ito ng away madalas, at ipinapahiya sa mga estudyante sa pamamagitan ng pagguhit ng mga bastos na bagay kung saan mukha nito ang nakalagay, o pag-edit ng mga larawan nito para maging kakatawanan.

Pero siyempre, siya lang naman ang laging na-su-suspend.

Kulang pa. Kulang pa ang lahat ng 'yon para pagbayaran mo ang ginawa mo kay Mommy. Nagsisimula pa lang ako, Indigo Rosales. Balang-araw, may makukuha rin akong ebidensiya para mapatunayan ko ang kahayupan mo sa nanay ko. At pagkatapos, ihahayag ko 'yon sa buong school para masira ang career at pamilya mo.

Narinig ni Stranger na usapan ng mga teacher nang minsang mapadaan siya sa faculty na may pamilya sa Canada si Indigo Rosales. May asawa itong foreigner, at kambal na anak na babae. Kung hindi siya nagkakamali, eleven years old na ang mga "half-sisters" niya.

Nakakatawa na pareho nang naka-move on ang mga magulang niya. Na para bang hindi makapaghintay ang mga ito na burahin siya sa kanya-kanyang buhay ng mga ito.

They have even become "better" parents to his half-siblings. While here he was, unloved and unwanted.

Sumakit ang lalamunan ni Stranger sa pagpipigil umiyak. Para ma-distract niya, kinuha niya ang lata ng pintura sa ibabaw ng kahoy na mesa. Binuksan niya 'yon, saka niya ibinuhos ang itim at malapot na likido sa painting ni Indigo Rosales.

Miss Lie DetectorTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon