25th Lie

3.6K 152 11
                                    

"NO, RIRI. Hindi ako pumapayag sa plano mo," mariing sagot ni Stranger habang abala siya sa pagliligpit ng pinagkainan nila. Kasama nila sina Disc at Ryder kumain ng tanghalian kanina, pero mabilis tumakas ang mga kumag na 'yon para takasan ang pagliligpit at paghuhugas ng mga plato, gaya ng madalas gawin ng mga ito.

Kanina sa school, sinabi ni Riri na may suggestion ito na hindi puwedeng sabihin agad sa harap ng klase. Kaya gaya ng madalas, dumeretso sila sa karenderia ng lola niya para mananghalian at mag-"meeting."

Habang kumakain sila, sinabi ni Riri ang plano nito. Lahat sila, tumanggi sa ideya nito dahil ayaw na nilang maulit ang nangyari dito no'ng nakaraan (sa mga kamay ni Indigo Rosales). Kaya naiinis siya na kahit silang dalawa na lang ngayon ang naroon ay pinipilit pa rin siya nito.

"It's a brilliant plan, Stranger," giit naman ni Riri. "Kung titingnan niyo lang sa positive note, makikita niyo ang point ng gagawin ko."

Tumigil si Stranger sa pagpupunas ng mesa at nakahalukipkip na hinarap si Riri. "Uulitin ko 'yong gusto mong mangyari. Gusto mong ipaalam sa buong school ang tungkol sa special ability mo sa pamamagitan ng pagtatayo ng booth na tatawagin nating "Miss Lie Detector" kung saan manghahatak ka ng mga customer na gustong malaman kung nagsisinungaling ba ang kaibigan o kakilala nila sa kanila. Riri, nasa modern age na tayo. Sa tingin mo ba, may maniniwala sa'yo kahit pa ibuking mo ang sarili mo? Mas mukha pa 'yong ridiculous kaysa magtayo ng fortune telling booth, eh."

Napasinghap si Riri. "How dare you compare my special ability to a fortune telling fraud!"

"The point is, pareho kayong mahirap paniwalaan," katwiran naman ni Stranger. "At kung may maniwala man, malalagay ka na naman sa panganib. Hindi natin masasabi. Pa'no kung may masamang tao na magkainteres sa kakayahan mo?"

Nangalumbaba si Riri. Parati itong seryoso o di kaya ay blangko ang mukha. Kaya nakakapanibagong nakalabi ito na parang batang nagmamaktol.

Naikuyom tuloy ni Stranger ang mga kamay para pigilan ang sariling abutin si Riri at kurutin sa mga pisngi ang dalaga dala ng panggigigil.

Gah! Bakit ang cute-cute ng babaeng 'to?

"Nand'yan ka naman para protektahan ako kung may dumating mang gustong manamantala sa kakayahan ko, 'di ba?" nakalabi pa rin na sabi ni Riri.

Tinalikuran na ni Stranger si Riri bitbit ang maduduming plato bago pa makita ng dalaga ang pagngiti niya. Kapag ganitong nagpapa-cute ito, humihina ang depensa niya. Siguradong bibigay siya sa gusto nitong mangyari. Kaya dumeretso na lang siya sa lababo para maghugas ng mga plato.

"Ayoko lang ilagay ka uli sa panganib, Riri," paliwanag ni Stranger habang naghuhugas na siya ng mga plato. "Bakit ba masyado kang concern sa booth natin? Hindi mo naman kailangan ng cash prize, ha?"

Narinig niyang umusad ang silya ni Riri. Mayamaya lang, nakatayo na ito sa tabi niya at pinupunasan ng malinis na bimpo ang mga nahugasan niyang plato.

"Ang totoo niyan, may isa pang dahilan kung bakit gusto kong i-reveal sa buong school ang tungkol sa special ability ko," mayamaya ay sabi ni Riri. Nakayuko lang ito habang paulit-ulit na pinupunasan ang isang parte ng hawak nitong plato. "Gusto ko 'tong gawin para sa'yo, Stranger."

Kunot-noong nilingon ni Stranger si Riri habang pinupunasan niya ng tuyong basahan ang basa niyang mga kamay. "Para sa'kin?"

Maingat na nilapag ni Riri sa lababo ang plato bago siya binalingan. Tumango ito. "Naisip ko na makakabuti kung malalaman ng buong school na may special ability akong malaman kung nagsisinungaling ang isang tao o hindi. Para kapag pinaamin ko na si Sir Indigo sa krimeng ginawa niya sa mommy mo, maraming maniniwala sa'kin.

Miss Lie DetectorTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon