NAGTRABAHO sa construction si Stranger noon, pero ngayon lang siya napagod ng ganito. Idagdag na siguro ang pagiging stressed niya.
Kanina, may natanggap na si Ryder mula kay Riri na may kasamang instructions. Una, ibinigay nito ang location na pupuntahan ng dalaga kasama si Valeen. Pangalawa, sinabi nitong magsama sila ng mga pulis. At pangatlo, bilisan nila.
No'n pa lang, ramdam na nilang nasa panganib nga ang dalawa kaya hindi na sila nag-aksaya ng oras nina Ryder at Disc. Dumating din no'n si Kuya M pero sa biyahe na nila ipinaliwanag ang nangyayari. Siyempre, galit na galit sa kanya ang lalaki pero ang sabi nito, haharapin na lang siya nito kapag nakita na nila sila Riri.
Naghiwa-hiwalay sila para mas mapabilis. Nagkasundo sila na siya at si Kuya M ang mauunang pumunta sa location habang nagpunta naman sa police station sina Ryder at Disc para humingi ng tulong sa mga pulis.
Pagdating nila Stranger at Kuya M sa location, may humarang sa kanilang dalawang malaking lalaki. Dahil injured si Kuya M, siya na ang nagkusang humarap do'n sa dalawang bantay, samantalang tumakbo naman papunta sa loob ng studio ang lalaki.
Siyempre, nabugbog siya. Mabuti na lang at bago pa siya tuluyang durugin no'ng mga mukhang bouncer ay dumating na rin sina Ryder at Disc kasama ang mga pulis. Kasabay no'n ay ang malakas na pagsigaw ni Kuya M sa pangalan ni Riri. Hinayaan na niya ang mga pulis na huliin ang dapat damputin kahit hindi niya alam eksakto kung ano ang nangyayari.
Pagpasok ni Stranger sa loob, nakita niya si Riri na wala nang malay at may dugo sa damit nito. Si Valeen naman, umiiyak.
Ang ipinagtataka niya lang, himbis na sa ospital, pinilit ni Ryder na iuwi na lang si Riri. Samantalang sina Valeen at Disc naman ay sumama sa ibang pulis sa istasyon para makapagbigay si Valeen ng statement.
Siya ay sumama kina Ryder at Kuya M. Habang nasa biyahe sila, tinawagan ni Ryder ang nanay nito at pinauwi agad dahil inatake "na naman" daw si Riri.
Pagdating sa bahay, hiniga lang sa kama si Riri. Pagkatapos, kinausap ni Ryder ang mga pulis na um-escort sa kanila at pinakiusapan ang mga ito na itago ang pangalan ni Riri sa mga nangyaring iyon para na rin sa proteksyon ng dalaga.Nang dumating na ang nanay ni Ryder, umalis na ang mga pulis.
Kanina pa nasa loob ng kuwarto ang ina ni Ryder pero hindi pa rin ito lumalabas para balitaan sila sa kalagayan ni Riri. Kaya si Ryder na ang nagkusang puntahan ang nanay nito para makibalita.
Lumabas naman si Kuya M dahil kailangan daw nilang mag-yosi para kumalma ito. Pagkatapos, mayamaya lang ay dumating naman sina Valeen at Disc.
"Ano'ng balita?" tanong ni Stranger para basagin ang katahimikan.
"Nagbigay na ko ng statement," sabi ni Valeen. "Dumating din si Mama sa presinto kanina. Galit na galit siya kay Miss Chua. Hindi niya akalain na lolokohin siya nito at muntik pa kong mapagahamak. Dumating din 'yong iba pa nating kapitbahay na nabiktima."
Tumango-tango si Stranger. Naawa naman siya ng matitigan si Valeen. Namumugto ang mga mata nito kakaiyak marahil. "Ikaw, okay ka lang? Kumalma ka na ba?"
Tumango si Valeen. "Pero kung hindi dahil kay Riri, hindi ko na alam kung ano ang nangyari sa'kin. Saka kanina, pinrotektahan niya ko..."
"Ano ba ang nangyari kanina kay Riri?" nagtatakang tanong ni Stranger. "Bakit... bakit ang daming dugo?"
"Bigla na lang siyang nag-nosebleed, eh," pagsusumbong naman ni Valeen, nanlalaki pa ang mga mata habang nagkukuwento. "Hindi lang ordinaryong nosebleed. As in parang gripo 'yong ilong niya kanina. Sobrang putla pa niya. Pero bago pa 'yon mangyari, may ginawa siya na kakaiba..."
Kumunot ang noo ni Stranger. "Anong kakaiba?"
Kinagat ni Valeen ang ibabang labi na parang nag-aalinlangan pa. "Hindi ko alam kung dapat ko 'tong sabihin kasi baka pagtawanan niyo lang ako..."
"Ano ba 'yon?" naiinip na tanong naman ni Disc. "Huwag mo na kaming bitinin, Tisay."
Humugot ng malalim na hininga si Valeen bago ito sumagot. "Feeling ko, alam ni Riri no'ng una pa lang na nagsisinungaling si Miss Chua. Ang dami niyang tanong, pero pansin kong hindi siya naniniwala sa mga sinasabi ni Miss Chua kahit convincing naman ang matandang 'yon. Pagkatapos..." Saglit na huminto ito bago muling nagpatuloy. "'Tapos no'ng hinawakan niya 'yong kamay ni Miss Chua, do'n nagsimulang dumugo ang ilong niya. Hinila niya ko papuntang dressing room. Pagkatapos, nag-Google na siya sa phone niya habang ipinapaliwanag sa'kin kung sino talaga si Miss Chua. Nakakapagtaka na alam agad kaagad niya 'yon eh nag-gu-Google pa nga lang siya that time..."
"So sinasabi mo bang nabasa ni Riri ang nasa isip no'ng matandang hukluban dahil lang nahawakan niya ang kamay no'n?" hindi makapaniwalang tanong ni Disc.
Namula ang mukha ni Valeen sa pagkapahiya. "Kaya nga sabi ko nakakahiya 'di ba? Pero kahit naman bobo ako sa ibang bagay, malakas ang pakiramdam ko pagdating sa mga ganito. Saka kung nakita niyo si Riri kanina, kakaiba talaga ang mga ikinilos niya. Ibang-iba talaga ang aura niya. Parang alam na alam niya ang sinasabi niya."
Napaisip naman si Stranger. Napapansin na rin niya noon pa man na parang alam ni Riri kapag nagsisinungaling ang isang tao. Akala niya, siya lang ang nakapansin na may kakaiba kay Riri. "Napansin ko rin 'yan kay Riri, Tisay."
Umaliwalas ang mukha ni Valeen. "Talaga, hubby?"
"Seryoso?" nagdududang tanong naman ni Disc.
Tumango si Stranger. "Pakiramdam ko, alam ni Riri kapag nagsisinungaling ang isang tao. Iba kasi ang tono niya kapag may pinagbibintangan siyang sinungaling. Makukumbinsi ka talaga na nagsisinungaling nga ang taong inaakusahan niya. That's strange."
Mabilis na tumango si Valeen. "Tama. Feeling ko, super honest at super sure ng boses ni Riri kapag may sinasabi siyang kasinungalingan ng ibang tao na kahit wala pa siyang proof, maniniwala ka agad sa kanya."
Nakaramdam ng relief si Stranger. Kung gano'n, tama nga ang hinala niya. May kakaiba talaga kay Riri. Kakaiba na espesyal.
"Actually, tama kayo."
Napalingon si Stranger sa nagsalita. Si Ryder iyon. Hindi niya namalayan na nakabalik na pala ito. "How's Riri? Gising na ba siya?"
Marahang umiling si Ryder. "Hindi pa nagigising si Auntie."
"Ano ba talaga ang nangyari sa kanya?" curious na tanong ni Stranger. "And what do you mean that we were right? About what?"
Humugot ng malalim na hininga si Ryder. "Ang totoo niyan, nagpaalam ako kay Mama kung puwede ko 'tong sabihin sa inyo. Ang sabi niya, kung tingin ko raw mas mapoprotektahan nito si Riri, gawin ko raw..."
"Ah... so totoo nga ang hinala nila Tisay at Stranger?" hindi makapaniwalang tanong ni Disc. "Alam ni Riri kung nagsisinungaling ang isang tao?"
Tumango si Ryder. "Oo. May special ability si Auntie Riri na malaman kung nagsisinungaling o hindi ang isang tao. Nakakaramdam siya ng kuryente sa buo niyang katawan. Hindi naman niya 'yon ikinakapahamak. But it makes her feel really uncomfortable. Kaya niya ring basahin ang katotohanan sa isipan ng isang tao sa loob ng sampung segundo. Pero gaya ng nangyari ngayon, nakakasama 'yon sa kalusugan niya."
"Kung gano'n... bakit ginawa pa rin niya 'yon?" nagtatakang tanong naman ni Valeen. "Nilagay ba niya sa panganib ang buhay niya para lang iligtas ako?"
Tumango si Ryder. "Gano'n na nga. Kaya nga hihingi ako ng pabor sa inyo. Ngayong alam niyo na ang sekreto ni Auntie Riri, puwede bang iwasan niyo nang magsinungaling kapag kasama natin siya?"
BINABASA MO ANG
Miss Lie Detector
Teen FictionI can tell when people are lying. Gaya ng isang lie detector machine, nakakaramdam ako ng munting boltahe ng kuryente na dumadaloy sa katawan ko sa tuwing nagsisinungaling sa'kin ang taong kausap ko. At kapag hinawakan ko naman ang kamay ng taong na...