Chapter Five

6.3K 108 8
                                    

Umuwi muna si Tappie sa kanilang bahay para magpalit ng damit. Isinuot niya ang kulay asul niyang bestida na matagal nang nakatago sa kaniyang aparador dahil hindi naman siya mahilig magsuot ng mga ganoong klase ng damit. Nagkaroon lamang siya ng bestidang iyon dahil regalo ito sa kaniya ni Vera noong magdiwang siya ng kaniyang kaarawan dalawang taon na ang nakakalipas. Itinerno niya dito ang itim na pumps na padala sa kaniya ni Jen noong nakaraang taon. Nag-ayos talaga siya ngayon dahil siguradong sa mamahaling bar siya dadalhin ng dalawa. Naisip niya na nakakahiya naman sa mga tao doon kung makikita siyang nakasuot lamang ng pants at t-shirt. At sa pagkakaalam niya, may mga bar na bawal magsuot ng pants, kaya nag-ayos na siya para makasiguro siyang hindi siya haharangin ng guard.

Habang nag-aayos siya ng kaniyang sarili ay narinig niyang tumunog ang kaniyang cellphone, senyales na may nagtext sa kaniya. Binasa niya ang text na nanggaling pala kay Jen. Sinabi nito kung saang bar sila magkikita. Tinapos na niya ang kaniyang pag-aayos sa kaniyang sarili, at sa huling pagkakataon ay humarap siya sa salamin upang tignan ang kaniyang itsura. Ibang-iba ang itsura niya sa nakasanayan niya. Kapag pumapasok siya sa kaniyang trabaho ay naka-slacks at polo lang siya. Kapag naman pupunta siya sa mall o kaya kung saan man, lagi lang siyang nagsusuot ng maong pants at simpleng t-shirt. Napangiti siya sa repleksyong nakikita niya sa salamin. Nagkaroon siya ng tanong sa kaniyang isip, kung ganito kaya ako manamit, mamahalin kaya akong muli ni Mark? Napabuntong-hininga siya. Binale-wala na lang niya ang tanong na iyon, dahil alam niya sa sarili niya na hindi na pwede. Hindi na, tama na, tigil na.

Kinakabahan siya sa pwedeng mangyari ngayon. Makakasama niya na naman si Mark. Tuwing nagkakalapit sila, ang lakas ng tibok ng puso niya na para bang gusto nitong kumawala. Tinigil na niya ang pag-iisip sa mga bagay na dapat ay hindi na niya isipin ngayon. Kinuha na lang niya ang kaniyang bag sa higaan niya at saka siya lumabas ng kaniyang kwarto. Nagpaalam siya sa kaniyang ina na nanunuod ng telebisyon sa kanilang sala. Humalik na siya dito at saka tuluyan nang umalis.

Sumakay na si Tappie ng taxi at sinabi sa driver ang lugar na sinasabi ng kaniyang kaibigan. Makalipas ang 45 minutes, narating na niya ang bar. Binayaran na niya ang taxi driver bago siya bumaba ng taxi nito. Sa labas pa lang ay dinig na dinig niya tugtugan sa loob, maingay at halatang nagkakasiyahan ang lahat. Tuluyan na niyang pinasok ang naturang bar. Hinanap niya ang kaniyang kaibigan at si Mark. Hinanap niya ito sa mga nakaupo dahil naisip niya na hinihintay siya ng mga ito ngunit maraming nagsasayawan kaya nahihirapan siyang maghanap. Nagtagpuan na lang niya ang mga ito na nagsasayaw na pala kaya hindi niya mahanap ang mga ito. Nilapitan niya ang mga ito. Habang papalapit na siya sa mga ito, napansin na agad siya ng kaniyang kaibigan kaya kumaway ito sa kaniya at nginitian siya. Nakita niyang hinigit nito ang kamay ni Mark para salubungin siya.

Napatingin ang kaniyang kaibigan sa suot niya. "Wow! You look good tonight," namamangha nitong puna sa kaniya. Napansin niya ring napatingin si Mark sa suot niya kaya nailang siya dito. "Come on, let's take a sit. Napagod din ako sa pagsayaw,"

Binati siya ni Mark at tinanguan niya lamang ito. Hindi niya alam kung bakit tango lang ang naisagot niya dito. Alangan namang halikan ko siya! Iginiya siya ni Jen sa malapit na table na may upuan na parang sofa na nakaikot hanggang sa kalahati lamang ng table. "Anong gusto mong inumin?" tanong sa kaniya ni Jen.

"Pineapple juice lang ako. May pasok pa kasi ako bukas," sagot niya dito.

Inirapan lamang siya nito. "I insist. Ikaw talaga Tappie hindi ka marunong magpakasaya kahit minsan lang," puna nito sa kaniya at saka ito umorder ng drinks na hindi niya matandaan ang pangalan. Basta ang alam niya lang ay tunog pang-mayaman iyon. Mark also ordered his drink.

Chances (Published under PHR)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon