MATIWASAY naman kaming nakarating sa aming bahay ni Anya. Gaya nang gusto niya ay hindi ko siya inuwi sa kanila. Nandito kami sa bahay namin. Medyo nahulasan na siya nang makainom siya ng isang tasa ng kape. Nasa kusina kami. Walang imikan.
“Inaantok ka na ba? Gusto mo bang matulog na tayo?” basag ko sa katahimikan.
Umiling siya. “Nawala antok ko dahil sa kape mo. Ang tapang!” Hinila niya iyong pinggan na may takip. Binuksan niya iyon at nakita niya ang walong piraso ng turon na niluto ko kanina. “Wow! Para ba sa akin lahat ng ito, bes? Ito na ba 'yong tira mo sa akin?”
“Anong tira? Hindi pa nga iyan nababawasan. Tinamad na rin akong kainin iyan kasi tayong dalawa naman talaga dapat kakain niyan, e. Mas pinili mo kasing sumama kay Franco. Tignan mo tuloy nangyari sa’yo.” May halong paninisi at pagtatampo na sabi ko.
“Nagtatampo ka ba? Sorry naman. Bihira na kasi kaming lumabas ni Franco kaya sumama ako sa kanya. Kung alam ko lang na inuman pala, hindi na sana ako sumama sa hayop na iyon! Tapos gusto pa niya na may mangyari sa amin! Hayop siya!”
“Minumura mo pero for sure bukas, bati na naman kayo. Ano pa bang bago? Luma na 'yan. Napanood ko na iyan.” Tumayo na ako mula sa pagkakaupo at nag-inat.
“Tutulog ka na? Dito muna tayo. Samahan mo ako. Kwentuhan lang,” wika ni Anya.
“Oo. May pasok pa tayo bukas, 'di ba? Kaya ikaw, matulog ka na rin.”
“Tabi ulit tayo, ha. Gusto ko kasi talaga ang kama mo. Malambot!”
Kumibit-balikat lang ako sabay talikod. Tumalikod agad ako upang itago ang malaking ngiti na hindi ko napigilan nang sabihin niyang tabi kami. Ganoon talaga kapag nakikitulog siya dito. Magkatabi kami palagi. Gusto ko talaga na dito siya natutulog dahil malaya kong napagmamasdan ang mukha ni Anya kapag mahimbing na ang tulog niya.
Dumiretso na ako sa silid ko at humiga sa kama nang patagilid. Maya maya ay narinig ko na ang yabag ng mga paa ni Anya. Gumalaw ang kama at naramdaman kong nakahiga na siya sa likod ko. Nakatalikod kasi ako sa gawi niya.
Naghintay muna ako ng ilang minuto at nang sa akala ko ay tulog na siya saka ako humarap sa kanya. Ganoon na lang ang gulat ko nang makita kong gising pa pala siya. At nakatagilid din siya paharap sa akin. Muntik na tuloy magdampi ang aming mga labi. Kahibla na lamang ang layo niyon. Tense na tense ako sa ayos namin habang si Anya ay parang wala lang. Sadyang walang malisya sa kanya talaga kahit siguro maghalikan kami. Para sa kanya ay magkaibigan lang kami. Nothing more, nothing less.
“B-bakit hindi ka pa tulog?” Medyo umusog ako palayo sa kanya.
Kumibit ang kanyang labi. “Hindi ako makatulog, bes. Iniisip ko pa rin iyong nangyari kanina sa amin ni Franco. Ganoon ba talaga karamihan sa mga lalaki? Maggi-girlfriend para may maka-sex?” Napaubo ako sa tanong ni Anya. Ano namang malay ko sa mga ganyang tanong? E, hindi pa naman ako nagkakaroon ng girlfriend.
BINABASA MO ANG
Friend Of Mine
Short StoryIto ang pag-alala ni APOLLO sa kanyang kaibigan na si ANYA at kung bakit hanggang magkaibigan lang sila...