“KILALA ko ang anak ko, Apollo. Matapang si Anya. Mabait siya pero marunong siyang lumaban. Noong mga bata pa ang kapatid niya, kapag may nang-aaway sa mga ito ay siya ang sumusugod upang ipagtanggol ang mga ito. Nakakalungkot lang na nang sarili naman niya ang kailangan niyang ipagtanggol ay hindi niya iyon nagawa sa kanyang sarili…” Magkausap kami ng nanay ni Anya sa unang gabi ng kanyang burol.
Sa labas ng kanilang bahay ay may malaking toldang itinayo upang magsilbing bubong kapag umulan o kapag sobrang init naman sa umaga. Ang kabaongnaman ni Anya ay nasa loob ng kanilang bahay. Magkatabi kami ng nanay niya sa tabi ng kabaong habang tinitignan si Anya sa loob niyon. Tila ba natutulog lamang siya bagaman at kitang-kita ang malaking tahi sa kanyang noo.
Natapos na ang pag-eksamin ng mga pulis sa katawan ni Anya at kinumpirma ng mga ito na nagahasa nga ito. Ngunit hindi iyon ang ikinamatay ni Anya kundi ang paghampas ng isang malapad na bato sa may bandang noo nito. Nawasak ang bungo nito at nagkaroon ng internal bleeding. Ayon pa sa imbestigasyon ng mga pulis, ginahasa muna ito bago pinatay. Hanggang ngayon ay patuloy pa rin ang mag-iimbestiga ng mga ito upang mahuli na kung sinuman ang may gawa niyon sa aking bestfriend.
Inakbayan ko ang nanay ni Anya upang maramdaman niya na hindi siya nag-iisa. “Tama ka po, tita. Matapang si Anya… Naalala ko tuloy noong sinugod niya iyong babaeng nanglandi sa boyfriend niya noon sa school…” At isang mapait na ngiti ang gumuhit sa aking labi bago ko ikwento sa nanay ni Anya ang pangyayaring iyon.
-----***-----
“ANYA!” Halos lumawit na ang dila ko sa paghabol kay Anya. Alam ko kasi na makikipag-away siya kay Bettina at hindi iyon magandang ideya. Maaaring hindi siya maka-graduate sa gagawin niya kaya dapat ko siyang pigilan.
Kilala ko kung paano makipag-away si Anya. Bata pa lang kami ay saksi na ako kung paano siya makipagsabunutan o kahit makipagsuntukan sa lalaki. Siya nga ang naging tagapagtanggol ko noong mga bata pa kami kapag may nang-aaway sa akin. Parang siya itong lalaki sa aming dalawa. Akala mo ay mahinhin sa unang tingin pero palaban din.
Malayo pa ang agwat ko kay Anya. Ang bilis niya kasing tumakbo. Lumiko siya sa isang pasilyo at umakyat sa hagdan. Mukhang alam ko na kung saan siya pupunta. Sa classroom kung saan naroon ngayon si Bettina!
Naku naman! Wala na nga yata akong magagawa para pigilan ang bestfriend ko!
Hanggang sa makita ko siyang pumasok sa isang classroom. Napahinto na lang ako sa kung nasaan ako. Para bang hinihintay ko na lang ang mga susunod na mangyayari. Hindi nga nagtagal ay may narinig akong sigawan. Lumabas si Anya na hila sa buhok si Bettina. Nagwawala naman ang huli dahil hindi nito magawang saktan ang una.
“Malandi kang haliparot ka! Layuan mo ang boyfrined ko!” sigaw ni Anya. Marahas nitong binitiwan si Bettina. Napalugmok ito sa sahig. Magulo ang buhok. Dinuro-duro pa ito ni Anya. “Ang kapal din talaga ng mukha mo! Ikaw pa talaga ang may ganang magsend sa akin ng picture na 'yon! Anong ginawa niyo ng boyfriend ko, ha? Ano?! Sagot!” Parang dragon na si Anya na anumang sandali ay bubuga na ng apoy.
BINABASA MO ANG
Friend Of Mine
Short StoryIto ang pag-alala ni APOLLO sa kanyang kaibigan na si ANYA at kung bakit hanggang magkaibigan lang sila...