Chapter Twelve

401 18 10
                                    

NAGMULAT ng mga mata si Neon pero mabilis din niya iyong ipinikit ng maramdaman ang pananakit ng ulo niya. Pinilit niyang alalahanin ang kaganapan ng nagdaang gabi pero ang huling natatandaan niya ay ang walang humpay na pag-inom niya ng alak.

Alam niya na hindi siya pababayaan ng mga kaibigan niya matulog sa kalye kaya malakas ang loob niyang maglasing. 'Yon lang, mali ang naging timing niya dahil hindi man lamang sila maayos na nakapagkwentuhan na magkakaibigan.

Pinilit niya ang sarili na maupo at inilibot ang paningin sa loob ng kwarto. Kaninong bahay siya naroon? Eksakto namang bumukas ang pinto ng kwarto at pumasok si James doon.

“Kumusta ka, bakla? Masakit na masakit ba ang ulo mo?” nakataas ang kilay na tanong nito sa kanya.

Tinanguan niya ito. “Is this your house?”

“Oo, sa akin ka lang naman naibilin kagabi. Ewan ko ba, naturingan na reunion ng Block Seven ang meron kagabi pero hanggang ngayon na matanda na tayo, inuutusan pa din ako ng demonyitang si Red. Akala yata niya ay high school pa din tayo dahil sa height niyang hindi na tumaas.”

Kahit masakit ang ulo niya ay napatawa siya sa sinabi nito. “Kumusta ka naman James? Anong ginawa mo after high school?” tanong niya dito.

Umupo ito sa kanto ng kama niya at mataman siyang tinitigan.

“Walang interesanteng bagay sa buhay ko na worth pag-usapan, Neon. Mas madami kang dapat na ikwento sa amin nina Red. Alam ko na kahit hindi nagsasalita ang isang 'yon ng bumalik si Xanther ng Pilipinas noon ay feeling ko na may alam siya sa mga nangyayari. Pero nanatili siyang tahimik at walang sinasabi sa amin dahil nga kaibigan ka niya.”

Malungkot na nginitian niya ito. Tama ito, alam ni Red ang problema niya pero dahil kaibigan niya ito, pinababayaan nito siya ang kusang magbukas ng usapan tungkol sa naging break-up nila ni Xanther noon at ang pagkakaroon niya ng fiancé ngayon.

“Can you do me a favor, James? I’ll pay you.”

Kumunot ang noo nito. “Anong klaseng favor 'yan? Bakit parang bigla akong kinabahan.”

“Wala kang ibang gagawin kung hindi ang subaybayan ang mga kilos nina Red at Caleb. Ibabalita mo sa akin ang mga maririnig mong usapan nila kapag tungkol iyon sa akin,” paliwanag niya dito.

Kaibigan niya si Red at dahil matagal na niya itong kilala, may hinala siya na hindi magtatagal at gagawa ito ng paraan para hindi matuloy ang kasal niya sa paraang alam niyang hindi dapat mangyari.

“Ahh, gagawin mo akong spy kina Red,” tumatango-tangong sabi nito. “Pero papaano kapag nalaman niya na spy mo ako? Siguradong chu-chuk-chakin ako ng isang iyon, Neon. Alam mo naman kung papaano magalit ang kaibigan nating 'yon. Kahit hindi siya tumaas, siguradong mas malakas pa siya ngayon na sumuntok,” nakangiwing sabi nito.

“Huwag kang mag-alala, sa oras na malaman niya, ako ang bahala sa’yo. Hindi kita pababayaan sukdulang ipadala kita sa Amerika,” pangako niya dito.

Namilog ang mga mata ni James. “O, sige, ako na ang bahala. Basta tutuparin mo 'yang sinabi mo,” malawak ang ngiting pagpayag nito. “Mamaya din, pupunta ako sa agency nila ang sisimulan ko na ang misyon ko. Sa ngayon ay bumangon ka na muna diyan. Maghilamos ka at ng makakain na tayo ng lunch.”

Napangiwi siya. Tanghali na pala. Napakahaba ng naging tulog niya. Para namang naging cue iyon sa tiyan niya at nagparamdam na sa kanya. Tinanguan niya si James at nagtungo na sa banyo upang maghilamos.

Sila ni Lantis ang dapat na umayos ng lahat dahil kahit naman arranged marriage ang magiging kasal nila ng binata, talagang naging parang anak na din ang naging turing sa kanya ng mga magulang nito. Ayaw niyang masaktan ang mga ito hangga’t maaari kaya hindi sila nagkakasundo ni Lantis kung ano ang dapat nilang gawin para hindi matuloy ang kasal nilang dalawa.

Bright Like Neon LoveTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon