WHEN THREE BECAME ONE...

680 32 4
                                    

NAHAHAPONG nilingon ni Neon ang kinatatayuan ni Gray. Hindi niya alam kung dapat bang maawa siya dito o mas maawa siya sa sarili niya dahil siya ang tila malulugmok sa pagod dahil sa kagagawan nito. Nang yayain siya ni Reddin na lumabas sila ng building nila para kumain sa main canteen ng eskwelahan ay mayroon na siyang pangitain na may hindi magandang mangyayari. Sumuka ang pulang ballpen niya. Ang hindi niya naisip na pangyayari ay ang paglapit ni Gray Montgomery sa table na inookupa nila at walang pasakalyeng nagpahayag na gusto nitong makapasok sa Special Section na ginawa para sa kanila lamang ni Red.

            Masasabing kasalanan naman talaga ni Reddin kung bakit marami ang nagtatangkang makapasok sa Block Seven. Nag-recruit kasi ito ng dalawa pang estudyante na sa tingin nito ay makakasundo nilang dalawa. ‘Makakasundo’ ang term na ginamit nito pero mas tamang sabihin na mauutusan dahil wala naman itong ibang ipinapagawa kina James at Caleb kung hindi ang utusan ang mga ito kapag tinatamad itong kumibo.

Nagkasundo sila nito na hindi na ito magre-recruit pa ng iba at nangako ito na titigil na sa pagpapasok ng ibang estudyante sa section nila. Ipinusta pa nito na hindi ito makikipag-away sa loob ng isang taon sa oras na tumanggap pa sila ng ibang estudyante. Kaya naman anim na buwan na nitong pinagkakatuwaan ang ibang gustong makapasok sa Block Seven at kahit isa ay wala silang tinanggap.

Wala siyang pakialam sa mga estudyante na napaglaruan ni Reddin, ang hindi niya makuhang hindi makialam ay ang kaso ni Gray. Matalino ito at talagang mabait kaya hindi niya lubos maisip kung bakit pinili nitong hamunin ng away si Reddin at kapag natalo daw nito ang huli ay dapat na tanggapin nila ito sa section nila. Saang pansitan ba ito natutulog at mukhang hindi nito nababalitaan na takaw-gulo si Red at hindi ito nagpapatalo sa mga nakakaaway nito? Masasaktan lang ito kung hindi nito babawiin ang hamon nito at maaksaya lang ang pagod nito dahil nasisigurado niyang hindi din naman ito tatanggapin ni Red dahil sa ipinusta nito sa kanya noon.

Nasa gym sila ngayong lima sa loob ng building nila kung saan ginaganap ang kunwariang ‘pagre-recruit’ nila. At para makita ni Gray na isang pagkakamali ang ginawa nito ay inako niya ang pakikipaglaban kay Red. Gusto niyang ipakita dito na hindi madaling lumaban sa huli dahil mukhang hollow blocks ang ipinakain ng Lolo ni Reddin sa dalaga. Bukod sa naiiwasan nito ang mga atake niya, nakakaya pa nitong indahin ang mga suntok niya. Tatlong oras na sila doon pero hanggang ngayon ay ayaw pa din sumuko ni Gray sa kagustuhan nitong labanan si Red.

“Yah! Sa tingin mo ba matatalo mo ako, Neon? Napapagod ka lang kaya pabayaan mo na siyang lumaban!” inis na wika ni Red sa kanya at pagkatapos ay humakbang patungo sa kinatatayuan ni Gray.

“Shit,” bulong niya at mabilis siyang tumakbo upang pumagitna sa dalawa. “Gray, parang awa mo na, kung gusto mong makapasok bukas, tigilan mo na ito. Wala siyang balak na magpapasok pa ulit sa section namin,” pagtatapat niya dito habang hawak ang magkabilang braso ni Reddin dahil natatakot siyang baka bigla nitong daluhungin si Gray.

“Bakit mo sinabi sa kanya?! Madaya ka!” galit na wika ni Reddin sa kanya. “Hindi porke’t kaklase mo siya noon ay–”

Napakunot ang noo niya ng biglang huminto sa pagsasalita ang galit na si Red. Dahil nakaharap siya sa parte nito, hindi niya agad nalaman ang rason kung bakit ito natahimik. Nang lumingon siya sa parte ni Gray ay saka niya naunawaan ang lahat. Nakaluhod na ang huli sa harapan nilang dalawa.

“Sa tingin niyo ba, gusto ko ang ginagawa ko? Ang ipagpilitan ang sarili ko sa inyo? Pero wala na akong maisip pang ibang paraan, Neon. My parents died six months ago in a car accident. Lahat ng ari-arian namin, parang bulang naglaho kasama ng mga kasosyo nila. And the worst part of all, ang dahilan ng aksidente at pagkamatay ng mga magulang ko ay napawalang-sala at napalabas na aksidente ang lahat! Kung hindi ko ito gagawin, wala akong choice kung hindi ang huminto sa pag-aaral,” nanginginig ang boses na pahayag nito habang mariing nakatitig kay Reddin.

Natameme siya. Dahil hindi siya mahilig manood ng balita o maki-chismis sa buhay ng mga estudyante sa campus nila, hindi niya alam na namatay na pala ang mga magulan ni Gray.

“Isang artista ba ang sinasasabi mong dahilan ng pagkamatay ng mga magulang mo? At sumabog ba ang sasakyan nila?” seryosong tanong ni Reddin kay Gray.

“Teka, huwag mong sabihin na ikaw ang mastermind, Red!” aniya. Napangiwi siya ng tuktukan siya nito. “Nagbibiro lang ako. Paano mo nalaman? Nanonood ka ng balita?” namamanghang tanong niya sa kaibigan.

Nang tumango si Gray bilang sagot ay napailing si Red. “Tapos nagmamakaawa ka ngayon? Ikaw ang inagrabyado! Kapag nasanay kang maging kawawa, magiging wala ng kwenta ang buhay mo.”

“Anong dapat kong gawin? Umalis na ang pamilya nila papuntang Amerika at kahit naririto pa sila, sa tingin mo ba ay may magagawa ang isang katulad ko na hindi na magagawang makapag-aral man lamang? Gusto kong matutong lumaban katulad niyo kaya sana ay tulungan niyo ako.”

“Sa tingin mo, kapag natuto kang lumaban ay maayos na ang buhay mo? Matalino ka, 'di ba? Gamitin mo ang talino mo para mapabagsak mo sila. Ang alam ko, mula sa angkan ng mga artista ang lalaking iyon. Ang mga katulad nila, hindi makakatiis at muling maghahanap ng kasikatan. Dapat na maging handa ka na sa pagbabalik nila at lahat ng bagay na nawala sa’yo, ibalik mo ng triple sa sarili mo. Your parents deserve to get even and you should haunt those bastards!” galit na wika ni Red na para bang nais pa nitong alugin si Gray.

“Sandali lang, ha? Baka nakakalimutan mong fourteen years old pa lang tayong lahat, Reddin! Kulang na lang ay sabihin mong patayin ni Gray lahat ng may kasalanan. Nababaliw ka na bang talaga?” 

Minsan ay dapat niyang ipaalala sa kaibigan na hindi pa sila matatanda para problemahin ang mga bagay na madalas pinoproblema ng mga nakakatanda sa kanila. Na dapat ay maglibang-libang din sila paminsan-minsan. Pero useless din ang lahat dahil hindi niya yata masasakayan ang eccentric humor ni Red.

“Umuwi ka na,” kapag-kuwan ay wika ni Red.

“Wala ka ba talagang awa, Reddin? Alam mong madami siyang proble–”

“Kunin mo lahat ng gamit mo. Mula ngayon, kami na ang bahala sa’yo. Mayaman si Neon, maari ka niyang pag-aralin kahit mag-Master’s ka pa sa Harvard,” putol ni Red sa sinasabi niya at pagkatapos ay naglakad na palayo sa kanila.

Napanganga siya sa tinuran nito. “Teka, may pustahan tayo! Hindi ka pwedeng makipag-away sa loob ng isang taon, Reddin!” natutuwang hiyaw niya dito. Napatawa na lang siya ng malakas ng marinig niya ang pagmumura nito.

Nang lumingon siya kay Gray ay binigyan siya nito ng tila nagpapasalamat na tingin. Hanga siya dito dahil kahit mukhang binabato ito ng problema sa murang edad nito ay nagagawa pa din nitong kumapit at gumawa ng paraan upang mabuhay. Hindi niya ito naging ka-close noong panahon na kaklase pa niya ito, pero sa tingin niya iyon ang magiging simula ng isang magandang pagkakaibigan sa pagitan niya, ni Reddin at Gray. “Welcome to Block Seven, Gray!”

Bright Like Neon LoveTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon