[Kabanata 4]

62 10 3
                                    

[Kabanata 4]


Sa sobrang bilis kong tumakbo, tangina muntik pa akong mangudngud. Dala siguro ng kahihiyan kaya nagawa kong tumakbo nang ganoon ka bilis. Pota, panibagong kahihiyan na naman ang nagawa ko! Ni hindi ko mawari kung nasaang lupalop na ako ngayon!

Pagkatapos kong marinig lahat ng iyon, hindi ako nagdalawang isip na tumayo at lapitan silang dalawa. At nung nakita nila ako, kita ko sa mata ni Mishella ang gulat ngunit sa lalaking kasama niya, wala. Nakatingin lang sa akin gamit ang 'di mabasang emosyon. Ang sakit.

Marahil 'yun pa ang nagpadagdag sa aking mga luha. Iyak ako nang iyak habang dinuduro ko sila. Pota! Hanggang duro lang ang nagawa ko, hindi kayang lumabas ang mga kinikimkim kong salita. Nilulunod ng aking iyak ang gusto kong sabihin.

Nanggigigil akong sumbatan sila, pero hindi ko alam kung paano, hindi ko kaya. Ang tanging makapaglalabas ng nararamdaman ko ay luha. Kasabay nito ang panginginig ng aking mga tuhod at labi dahil lumukob sa buong katawan ko ang sakit, ang sobrang sakit.

"A-ate..." Bago pa siya makalapit sa posisyon ko, agad na akong umatras, bigong-bigo.

"A-ate...'wag ka-kang ma-magalit please..."

Puntangina! Anong huwag magalit?! Paanong hindi magagalit?!

At 'yung pagtawag niya ng 'Ate' mas lalo lang nagpadagdag sa galit ko! Hindi ko siya kapatid at kailanman hindi ko siya ituturing na kapatid!

Nasa dulo na ng dila ko ang mga katagang 'yon, handa ng ibato sa kanya.  Pero wala, iling lang ako nang iling. Masakit, pinipiga at kumikirot ang puso ko.

Pero laki kong pagtataka na maging si Mishella umiiyak din.

Tangina, anong iniiyak-iyak niya ah?! Ka-artehan?! Kadramahan?! Para mag-mukha siyang kawawa?!

Iling pa rin ako nang iling. At sa pagkakataong iyon ramdam kong talo ako, idagdag pa ang paninikip ng aking dibdib dahil sa tuloy-tuloy na iyak, sinabayan pa ng nag-uunahang mga luha.

Nang naramdaman kong bibigay ako, pinilit ko ang sarili na ilabas ang natitirang lakas upang talikuran sila at tumakbo nang mabilis. Kasabay ng mabilis kong pagtakbo, nagsisiunahan din ang aking mga luha.

Kalakip niyon, naghahalo sa aking isipan ang kahihiyan, panghihinayang at sakit.

=====

Mula sa kumakaripas na takbo, naging mabagal na ang paglalakad ko ngayon. Unti-unti ko na ring napagtanto na hindi na pamilyar sa akin ang daan na tinatahak. Nasaan na'ko?

Nakikita ko sa gilid na aking mga mata ang iilang nagmamasid sa'kin, mababasa sa kanilang mga mukha ang pagtataka.

Maging ako nga ay nagtataka rin kung bakit hindi ko alam ang lugar na ito. Matagal na kaya kaming nakatira rito sa Nayades pero kailanman hindi ako napadpad sa lugar na ito. Posible ring minsa'y napuntahan ko na ito, pero nakalimutan lang?

Ewan, wala na akong ganang bigyan pa ng atensyon ang mga katanungang iyon. Ang gusto ko lang ay umuwi na. Ngunit bago ko gawin ang aking iniisip, sumilong muna ako sa pinakamalapit na molave. At doon ko lamang naramdaman ang matinding pagod.

Hanggang ngayon ba naman ay hinahabol ko pa rin ang aking hininga. Pawis na pawis na rin ako. Kaya todo paypay ako sa aking sarili, gamit din ang sariling mga kamay.

Lost Acceptance [On-going]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon