[Kabanata 16]

18 2 0
                                    


[Kabanata 16]


Sa kabila ng nagsiliparang pirasong sumugat sa aking pagkatao, pinilit kong hindi matibag nito. Hindi ko hahayaang bumalatay sa aking mukha na naapektuhan at nasaktan ako sa sinabi niya. Huwag ngayong nasa harap ko sila.

"Sige nga, paano umakto ang hindi bata? Ngingiti sa'yo ta's sasabihing ayos lang na ninakawan ako?! Na 'wag kang mag-alala maliit na bagay lang 'to? Gano'n ba ha?! Salita ka lang nang salita palibhasa wala ka sa sitwasyon ko!"

Bumubugso na ang galit sa kaloob-looban ko. Sinasabayan din ng nang-aapaw na sakit.

"Pakialamero ka masyado! Pagtuunan mo na lang 'yang kaibigan mo! Turuan mo siya kung paano alamin kung ayaw ng tao sa kanya—tanga kasi 'yan eh! Pakituro na rin na 'wag niyang ipilit ang sarili na magustuhan siya ha? Tutal pareho kayong pabida!"

Padabog kong isinukbit sa balikat ang cooler at humakbang na paalis. Hindi na lumingon sa gawi nila. Baka kung gawin ay makikita nilang sunod-sunod na umaagos ang luha ko. Walang pagkakataon na pahiran dahil maya't-maya ang agos.

Lagi akong talo! Kada ipamukha ko kay Mishella ang galit ko, sa huli ako ang iiyak. Ako ang masasaktan. Ako na lang lagi. Pagod na pagod na 'ko!

Wala sa sarili akong napahinto sa gilid ng kalsada. Malayo na sa eskwelahan. Binitiwan ko ang hawak at napaupo sa cooler. Napahilamos ako sa aking mukha at hindi na tinanggal ang kamay.

Dun na 'ko napahagulgol. Tangina ang sakit-sakit! Kababawan ba ang ginagawa ko? Isip-bata ba ang pagtuturing ko kay Mishella na maninira at mapanakit? Ako ba talaga ang mali?!

Hindi nila maintindihan! Walang may naka-intindi!

Bakit pa ako humihinga kung malas lang naman ang bubuhay sa'kin? Ilang ulit ba akong susubukin kung pagsubok nga ito?

Kung sa bagay hindi nga pala ako deserving na sumaya. Normal na para sa akin ang mamuhay sa lungkot. Bakit pa ba ako nagrereklamo?

Hinihimas ko ang aking dibdib, baka sakaling maibsan ang sakit. Bagaman mas lalo lang akong naiyak. Naaawa na ako sa sarili ko. Palaging nasasaktan, ako lang din naman ang dadamay.

'Di bale 'pag ako nakaahon sa buhay, kailanman hindi ko pagkakaitan ang sarili sa mga bagay na gusto ko.

Huminga ako nang malalim. Pinunasan na ang mga luha. Mukha akong baliw rito. Mabuti na lang mangilan-ngilan ang dumadaan.

Tangina ang mga ice candy pala. Tangina rin sa babaing nagnakaw. Nandamay pa eh, kita namang kumakayod rin ako. Pareho lang kaming mahirap, ang kina-iba ko lang sa tamang paraan ako kumikita. Habang siya? Nyemas!

Malabong maubos ang binebenta ko dahil ang iilan ay tunaw na. Nawalan na rin ako ng ganang maglako. Isasauli ko na lang 'to kay Aleng Maria. Bahala na!

"Sabi ko naman sa'yo dumiskarte ka! Kita mo ang dami pang natira, lugi talaga ako sa'yo eh. Kulang pa ang kita na ibinigay mo. Naku Elise huwag ako ang linlangin mo't bilang ko kung ilan ang laman niyan. Bulok na ang style na—"

"Ay hindi po! Na-nanakawan po kasi ako kaya... Sa suhol ko na lang po ibawas.

"Jusmiyo! Anong ninakawan ka?! At anong sa suhol mo na lang ibabawas?! Hindi ka nga nakalahati ng ibenenta tapos ibabawas ko sa suhol mo? Edi wala kang may ma-iuuwi ngayon. Ewan ko sa'yo 'di ka na maka-uulit sa akin," dismayadong sabi ni Aleng Maria.

Hindi na ako umalma. Sinarili ko na lang ang inis ko. Sayang lang pala ang pagpapa-init at puyat ko kalalako ng ice candy. Partida nakarinig pa ako ng masasamang salita at minalas na naman dahil kay Mishella. Tanginang buhay!

Lost Acceptance [On-going]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon